Sa nangyayaring tila rigodon o lipatan ng mga artista sa iba't ibang TV networks, nananatili si LJ Reyes bilang isang Kapuso.
Ayon kay LJ, desisyon daw niyang manatili. Obserbasyon din ng ilan na binibigyang halaga lang siya ng kanyang home network.
"Naramdaman ko rin naman po sa kanila, lalo na no'ng nag-end yung contract ko sa kanila, ayaw pa nila akong paalisin.
"Sabi nila, 'LJ should stay...' ganyan. 'We want LJ!'" bungad ng masayahing young actress sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) nang makapanayam siya sa Christmas party ng PPL Entertainment Inc. noong December 1.
Ang PPL ni Perry Lansigan ang humahawak sa career ni LJ.
NO REGRETS. Public knowledge na nagbunga ang pagmamahalan nina LJ at Paulo Avelino.
Kapwa produkto ng reality-based artista search ng GMA-7 na StarStruck sina LJ (Batch 2) at Paulo (Batch 4), pero ngayon ay lumipat na sa ABS-CBN ang young actor.
Ipinanganak ni LJ si Ethan Akio noong July 24, 2010. One year and four months old na ngayon ang bata.
Bakit Ethan Akio ang napili nilang ipangalan sa baby nila ni Paulo?
"Yung Ethan po kasi, it means strong, bright. Tapos Akio, [means] hero."
Halos hindi naman naapektuhan ang career ni LJ dahil sa kanyang sandaling pagkawala sa showbiz dahil nga sa kanyang pagbubuntis.
At lalong hindi raw nagsisi si LJ.
Aniya, "Hindi naman po, kasi talagang...ang happy ko po ngayon, e!"
Katatapos lang mapanood si LJ sa primetime series na Time of My Life ng GMA- 7.
"Pagkabalik ko po, yun ang naging first show ko," sabi rin ni LJ.
Napanood din siya bilang baguhang dalagita sa mga seryeng tulad ng Mukha (ang una niyang afternoon drama series); at sa primetime naman ay Sugo at Totoy Bato, among others.
Pagkatapos niyang manganak, do'n nagsimula ang kanyang "pagbabagong-bihis" in terms of her screen image.
Kuwento niya, "Supposedly po, kasali sana ako sa Sisid [pinagbidahan ni Jackie Rice].
"Tapos, naisip nila, na mas fit ako dun sa kontrabida role, so ako na lang po yung nilagay nila do'n [sa Time Of My Life].
"Natutuwa naman po ako sa project, as my comeback."
NO "KONTRABIDA" IN REAL LIFE. Sa totoong buhay, malayo sa pagiging isang kontrabida ang isang LJ Reyes.
Off-camera at sa pakikipag-usap sa young actress ay mapapagtanto ito sa diwa ng kanyang mga nagiging pahayag, lalo ang tungkol sa mga sensitibong bagay, o isyung sangkot siya, o si Paulo.
Sa paglipat ni Paulo sa ABS-CBN, nagkaroon ba sila ng pag-uusap o pagkakasundo?
"Opo," sagot ni LJ.
Mayroon din bang pagtutol, kahit paano, on her part?
"Hindi po. Siya po ang bahala, kung saan niya gusto."
Ano ang advice na binigay niya kay Paulo, kung mayro'n man, tungkol sa kanyang paglipat sa ABS-CBN?
"A, basta i-weigh niya lang yung two options niya.
"Tapos, sundin niya lang kung ano yung nasa puso niya. Kung saan siya dinadala [ng kapalaran]."
Hindi ba siya nag-isip na parang gusto niyang sumama kay Paulo?
"Hindi po..."
Na kung nasaan si Paulo, e, dapat nandoon din siya?
"Ay, hindi 'no!" kuwelang banggit naman ni LJ, na natawa.
Hindi ba siya niyaya ni Paulo na sumama sa kanya't 'umalis' din sa GMA-7?
"Ay, wala pong gano'n!" natatawa pa rin si LJ.
"Hindi...okay lang. Happy po ako sa GMA!" pagtukoy uli niya.
Hindi rin ba niya hinihikayat si Paulo, kahit pabiro, na 'Bumalik ka na kaya?'
"Ay, hindi po!" natawa uli si LJ.
Ano ang ikinukuwento o nababanggit ngayon sa kanya ni Paulo?
"Happy po siya [sa ABS-CBN]," ani LJ.
ON PAULO'S RUMORED GAY BENEFACTOR. Naiintindihan ni LJ na naging advantage sa kanyang actor-boyfriend ang paglipat ng istasyon, in the sense na naging malakas ang impact nito publicity-wise.
Sa tahasang sabi'y mas nakilala at "sumikat" si Paulo sa Kapamilya station.
"Opo," pagsang-ayon naman ni LJ.
Pero sa isang banda, naroon din ang naging negatibong epekto ng kasikatan na ng kanyang actor-boyfriend.
Halimbawa nito ay ang intrigang nag-uugnay kay Paulo sa isa diumanong rich and influential gay sa mundong ginagalawan nito.
"E, lagi namang ganun po, e," pagsalungat ni LJ.
"E, handa naman po kami sa ganyan. Sanay naman po kami na ma-link kung kani-kanino, di ba?
"Tinatawanan lang po niya [Paulo] yun."
REMINISCING. Nakakatuwa rin ang mga naging pahayag ni LJ habang inaalala ni LJ kung paano sila nagsimula ni Paulo bilang magkasintahan.
Hindi naman daw sila naging magka-loveteam ni Paulo kahit kailan.
"Wala po akong naka-loveteam," pag-alala pa ni LJ.
"Dati po, nai-partner ako kay Mike Tan.
"And then, kay JC [de Vera].
"Then, paiba-iba na po. Mas gusto ko po ng ganun, e."
Sila ni Paulo, ayon pa kay LJ, "Magkasama kami sa All My Life; yung kay Kris [Bernal] at Aljur [Abrenica]. Pareho kaming panggulo.
"Pero hindi po kami naging loveteam. Never po talaga."
Bakit sila nag-click, una, as friends; then, as serious lovers?
"Siguro, dahil sa personalities namin," palagay ni LJ.
"Kasi, pareho kaming nasa StarStruck, e. Kami yung nasa StarStruck na naging close.
"Batch 4 po siya, pero kasi, yung mga StarStruck [alumni], close kasi kami.
"Minsan pag nagkakayayaan, puro StarStruck 'yan!" sabi pa ni LJ, na masayang nagbalik-tanaw.
LOVESTRUCK. In short, na-lovestruck nga sa isa't isa ang parehong produkto ng talent competition.
"Naks! Hindi ko alam!" natawa uli si LJ.
Kung paano nagsimula at nag-bloom ang kanilang pag-iibigan ay ayaw namang ikuwento ni LJ.
"Ay, 'wag na po 'yan! 'Wag na po ngayon...'tsaka na lang," pag-iwas niya.
Para kay LJ, tama na muna ang katotohanang "mutual love" ang nadarama nila ni Paulo sa isa't isa, lalo't mayroon na silang love child.
"Oo naman po. Siguro naman po. Hanggang ngayon, e," paniniyak pa niya.
GOING SEXY. Isa pang admirable aspect ng kasalukuyang relasyon nina LJ at Paulo ay ang pananatili ng respeto nila sa isa't isa, lalo na sa usapin ng kanya-kanyang career.
Sa mga pansarili nilang desisyon, tulad halimbawa ng pagpapa-sexy sa pelikula o kahit sa mga advertisements, ay kapwa malawak ang pang-unawa nila sa isa't isa.
"Nag-FHM na po ako before, e," banggit nga ni LJ, hinggil sa pagpu-pose niya noon para sa cover ng naturang men's magazine (December 2009 issue).
At that time, two months pregnant pa lang siya sa magiging baby nila ni Paulo.
Now, she's back and LJ is still very much in fighting form.
"Opo, okay lang.
"Wala na po 'yon sa amin [ni Paulo].
"Tsaka yung billboard niya, naka-briefs siya, e!" sinundan uli ni LJ ng masiglang pagtawa ang sinabi.
"Wala po yun. Basta naman po hindi bastos, e.
"Yun lang naman po talaga yun, e.
"Hindi po kami tatanggap ng [project na mababastos kami].
"Wala naman pong problema, basta 'classy' ang pagkagawa."
AWARD-WINNING ACTRESS. Sa isang banda, nariyan din ang iba pang prospects ni LJ bilang isang very promising actress.
Sa edad na 22, she earned the status of being an award-winning actress nang mapanalunan niya ang 2010 Cinemalaya Filmfest Best Supporting Actress Award para sa The Leaving ni Direk Ian Lorenos.
"Nakaka-pressure!" nawika ni LJ nang tanungin ng PEP ang naging epekto ng pananalo niya ng unang acting award.
'Yon ang unang indie project na nasalihan ni LJ, bilang second choice.
At sinuwerte siya talaga.
She won the award the same day she gave birth to her baby.
"Oo nga po. Nasa States na po ako n'n," banggit pa ni LJ.
Since then, hindi pa uli nakagawa ng ibang indie movie si LJ.
Sa mainstream, nakalabas siya sa ilang proyekto tulad ng Lovestruck at Manay Po, pero hindi markado ang naging papel niya sa mga ito.
Ani LJ, "Gusto ko po talagang gumawa uli ng indie, pero mapili po ako, e.
"Actually, si Ian [Lorenos], friend ko talaga.
"Akala ko, hindi pa matutuloy 'yon, e, gustung-gusto ko talaga yung script niya."
STUDIES AND FAMILY. Plano raw ni LJ na bumalik sa pag-aaral at tapusin ito.
"I still have one more year to go," aniya, sa kursong Economics sa De La Salle University.
"Nag-e-enjoy po ako, e.
"Babalik po ako next year.
"Iniisip ko lang, kasi sa showbiz, ang hirap po kasi, masyadong [hectic ang schedule]."
Pero dahil born fighter si LJ, tila walang makakahadlang sa kanya ngayon kung anuman ang naisin niya.
Sa katunayan, hindi nga siya naging ganun ka-affected ng pagiging produkto ng isang broken home.
Sabi ni LJ, "Sa mommy ko po, dalawa lang kami [magkapatid].
"Pero sa daddy ko po, medyo madami kami.
"Nasa States ang nag-iisang kapatid ko, with my mom."
Noong una raw ay "doubtful" ang mga magulang niya nang pumasok si LJ sa showbiz.
"Kasi, nung sumali ako ng StarStruck, 16 [years old] pa lang ako.
"Doubtful lang sila. Pero nung ipinakita ko sa kanila, na pinagsasabay ko yung studies ko tsaka showbiz, okay na sa kanila.
"Wala naman silang naging problema."
OTHER PROSPECTS. Ano ang susunod niyang proyekto sa GMA-7?
"So far, yun po. Kasi sa GMA, kakapirma ko lang ng kontrata.
"Hindi pa napapag-usapan yung kung ano ang specific projects na tatanggapin.
"Pero, definitely, soap [opera] po talaga. Sana po, pang-primetime.
Gusto rin ni LJ na makagawa uli ng pelikula, whether mainstream feature or indie film.
"Sana, sana po, next year," sambit pa niya.