FIRST READ ON PEP: Manay Ethel Ramos officially out of Aga Muhlach's career

IMAGE Emerson Sy

Veteran entertainment columnist Ethel Ramos, according to sources, has resigned as talent manager of multi-awarded actor Aga Muhlach. This photo of Manay Ethel and Aga was taken during the intimate birthday dinner for the talent manager in 2009.


Wala na sa pangangalaga ni Ethel Ramos ang aktor na si Aga Muhlach pagkatapos ng humigit-kumulang dalawang dekada na pagsasama nila bilang manager at talent.

Ayon sa ilang malalapit na tao kay Manay Ethel, na nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), matagal nang nag-resign ang batikang talent manager at kolumnista bilang manager ni Aga.

Hindi lang daw ito ipinapaalam ni Manay Ethel sa publiko at maging sa press dahil nais nitong protektahan si Aga sa maaaring batikos ng mga ito.

THE DEAL. Ayon sa dalawang sources ng PEP, nag-ugat ang desisyon ni Manay Ethel na mag-resign bilang manager ni Aga nang nagkaroon ng deal sa TV5 ang aktor.

Labinwalong taon ang inilagi ni Aga sa bakuran ng ABS-CBN ngunit noong early 2011 nga ay nagdesisyon siyang lumipat sa Kapatid network.

Nagulat daw si Manay Ethel sa hakbang na ito ni Aga dahil wala raw siyang alam tungkol dito.

Bukod pa rito, hindi naman lingid sa marami na malapit si Manay Ethel sa ABS-CBN. Sa katunayan, madalas na si Manay Ethel ang nagsisilbing emcee sa mga presscon ng Star Cinema movies at ABS-CBN shows.

Ayon pa sa kuwento ng aming sources, nabigla na lang si Manay Ethel na may iprinisenta sa kanya si Aga na deal sa TV5.

Dagdag pa nila, ang ama ni Aga na si Cheng Muhlach ang nagbuo at naglapit kay Vic del Rosario ng deal ng paglipat ng aktor sa TV5.

Si Boss Vic ang tagapamahala ng Viva Entertainment Inc. at partner din ng Kapatid network sa ilang malalaking proyekto.

Unang pumutok ang balitang paglipat ni Aga sa TV5 noong December 2010.

Pero noong March 2011 sila nagkasarahan para sa three-year contract ng aktor sa Kapatid network.

Nang nagsara na ang magkabilang kampo ay pinapunta raw ni Aga si Manay Ethel sa kanyang bahay upang makapag-usap sila.

Sa paghaharap nila ay tinanong daw ni Manay Ethel si Aga: "Saan ako riyan sa usapang 'yan?"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Tiniyak naman daw ni Aga kay Manay Ethel na magiging bahagi pa rin siya ng career ng aktor—ngunit bilang co-manager na ni Boss Vic.

Sagot daw ni Manay Ethel kay Aga: "Give me three days to think about it."

Na ang ibig sabihin ay pag-iisipan niya ang kanyang desisyon sa loob ng tatlong araw.

Pero ang nangyari, pangalawang araw pa lang daw ay nagkaroon na ng desisyon si Manay Ethel.

Nag-resign siya bilang manager ni Aga.

PROTECTING AGA. Bagamat matagal nang nangyari ang paghihiwalay ng landas nina Manay Ethel at Aga, hindi ito lumabas sa media.

Ayon pa rin sa mga matalik na kaibigan ni Manay Ethel, ito ay dahil nais ng batikang talent manager na protektahan pa rin ang dating alaga, lalo na sa mga manunulat na malapit at loyal kay Manay Ethel.

Kinikilala si Manay Ethel bilang "dean of entertainment writers" dahil sa tagal na niya sa showbiz industry.

Bukod pa rito, ayon sa aming sources, may ilang press na hindi masyadong gusto si Aga dahil hindi ito naging palakaibigán.

Hindi raw kasi si Aga ang klase ng artista na madalas makihalubilo sa press, gaya ng pagsasagawa ng party, pagbibigay ng scoop, o pag-iimbita sa bahay niya.

Pero dahil daw sa loyalty ng mga manunulat na ito kay Manay Ethel, pigil ang lahat sa pagsusulat ng anumang maaaring makasira sa imahe ni Aga.

Kung nagkataon daw kasi ay magiging "free-fire zone" na ang mangyayari at hindi na mapipigilan ni Manay Ethel ang isusulat ng press tungkol kay Aga.

AGA AS A TALENT. Pero giit ng aming sources, in fairness naman daw kay Aga ay "napakabait at obedient" na talent daw ng aktor noong nasa poder pa ito ni Manay Ethel.

Sa pagkakaalam ng aming sources, ang unang naging manager ni Aga ay ang kanyang ama na si Cheng Muhlach.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sumunod daw nito ay hinawakan si Aga ng yumaong talent manager na si Douglas Quijano.

Pero hindi raw nagtagal ang pagsasama nina Tito Dougs at Aga bilang manager at talent.

Ang isa ngang halimbawa na ibinigay ng aming sources na ikinailang ng dating humawak kay Aga ay ang hindi raw pagiging sociable nito kahit sa mga fans.

Minsan nga raw ay nagpunta sila sa isang probinsiya kunsaan nagbigay-pugay sila sa local officials, ngunit umupo lang daw at humarap sa dingding ang batang-bata pa noong si Aga.

Pagkatapos ni Tito Dougs ay si Manay Ethel na ang naging manager ng aktor.

Nang si Manay Ethel na raw ang humawak ng career ni Aga ay nagawa nitong pasunurin ang aktor.

Kabilang na raw rito ang pinakaimportanteng bahagi ng buhay ng aktor noon.

Ito ay noong panahong na-in love si Aga nang husto kay Miss Universe 1993 Dayanara Torres.

Sa katunayan, ayon sa aming sources, ang bahay ni Aga sa Ayala, Alabang ay ipinatayo raw ng aktor para kay Dayanara.

Susundan na raw sana noon ni Aga si Dayanara sa bansa nitong Puerto Rico para makilala ang mga magulang ng dating Miss Universe.

Talagang seryoso at papunta na raw sana sa altar ang relasyon nina Aga at Dayanara.

Pero dito na pumasok ang pagiging talent manager ni Manay Ethel.

Sabi raw ng talent manager sa aktor: "Aga, give me just three more years."

Na ang ibig sabihin daw ay bigyan ng pagkakataon ni Aga si Manay Ethel upang patunayan ang kanyang kakahayan bilang manager ng aktor.

Sa madaling-salita, pinapili ni Manay Ethel si Aga kung lovelife o career. At itinaya raw ni Manay Ethel ang relasyon nila ni Aga bilang manager at talent.

Sa huli, sumunod si Aga kay Manay Ethel. Nawala na nang tuluyan sa buhay ng aktor si Dayanara.

At nangyari nga na naging mas malaking bituin si Aga pagkatapos ng relasyon nila ni Dayanara sa loob ng tatlong taon na hinigi ni Manay Ethel.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ilan sa mga malalaking movie projects na ginawa ni Aga noong mga panahon yun ay Dahil May Isang Ikaw, Pangako... Ikaw Lang, at Kailangan Kita—na pawang naging blockbusters.

VIVA'S SIDE. Kaugnay ng paglipat ni Aga sa bakuran ng TV5, may nakausap ang PEP na ilang taga-Viva.

Kinumpirma ng mga ito ang pagpasok ni Vic del Rosario.

Sa pagkakaalam ng aming sources, sa career ni Aga, may sharing sina Boss Vic at Manay Ethel.

Si Boss Vic ang tumatayong "agent" at si Manay Ethel pa rin ang "manager."

Ibig sabihin daw nito, may share pa rin si Manay Ethel sa endorsement deals, pelikula, at TV shows na makukuha ni Aga.

Maaring hindi alam ng aming Viva sources na nag-resign na si Manay Ethel o maaari namang pinagtatakpan lang nila na si Boss Vic na ang solo manager ni Aga.

Sa ngayon ay regular na napapanood si Aga sa TV5 show na Pinoy Explorer.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN