Mariel Rodriguez and the “total turnaround” in her life as Robin Padilla’s wife

IMAGE Noel Orsal

Mariel Rodriguez-Padilla on her role as Robin Padilla’s wife: “Kasi ako, I don’t cook, e. So from kikay girl na walang pakialam sa whatever, na dati ang binibili ko lang, ang collection ko, 'yong Chanel. Ngayon sa supermarket na ako, ang binibili ko bone marrow. Alam mo ‘yon, the change, the total turnaround sa life.”


Hindi kaila sa marami na malaki ang pinagkaiba ng mag-asawang Mariel Rodriguez at Robin Padilla sa isa’t isa.

Ngunit ang pinakakapansin-pansin dito ay ang kanilang edad at relihiyon.

Si Robin, 42, ay isang Muslim; si Mariel, 28, ay isang Katoliko.

Gayunman, hindi naging hadlang ang mga ito upang mahulog ang loob nila sa isa’t isa, na tila isang telenovela na sinubaybayan ng marami sa defunct noontime show na Wowowee (2005).

Taong 2010 nang maging guest co-host ng naturang show si Robin, matapos magkaroon ng problema ang ABS-CBN sa orihinal na main host nitong si Willie Revillame.

Una’y nagsimula sa biruan, hanggang sa tuwing tanghali ay napapanood na ng publiko ang pagtitinginang nabubuo sa pagitan nina Mariel at Robin.

Hanggang noong Agosto 4, 2010, ay nagpaalam si Robin na pansamantalang iiwan ang Pilipinas Win na Win (2010), ang pumalit sa Wowowee, upang pumunta sa India para sa Ramadan, na isang kaugalian na sinusunod ng mga Muslim.

Pero bago lumisan, inamin muna ni Robin sa publiko ang tunay na nararamdaman niya para kay Mariel.

Ginawa niya ito sa August 7, 2010, episode ng defunct show ng ABS-CBN na Entertainment Live (2007), kung saan isa sa mga hosts si Mariel.

Kasabay ng pagsasabi niya ng “I love you,” kay Mariel ay binigyan niya ito ng diamond ring.

Ang lubos na ikinagulat ng marami ay ang biglaang pag-alis din ni Mariel patungong India, kung saan nga nagtungo si Robin para sa Ramadan noong Agosto 17, 2010.

Naging malinaw lamang ang isyu tungkol kina Mariel at Robin nang bumalik sila sa bansa.

Dito’y inamin na ni Mariel na "ikinasal" siya kay Robin noong Agosto 19, 2010, sa Taj Mahal, sa India.

Hanggang ngayon ay may mga katanungan pa rin sa "kasal" na iyon. Paano raw nangyari ang isang kasalan sa mausoleo ng Taj Mahal. Wala raw ginaganap na kasalan dito. At hindi raw malinaw kung anong klaseng officiating priest ang nagkasal sa kanila—Muslim? Buddhist? non-denominational?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ngunit sa labas ng mga katanungang ito, marami pa rin ang talagang hindi makatanggap sa relasyon ng dalawa. Dalawang taon makalipas ng “rollercoaster” love story nila ni Robin, aminado si Mariel dito.

Sinabi ni Mariel ito nang makapanayam siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ilang entertainment press noong Agosto 15, sa Sir Boy’s Food Republique sa Panay Avenue, Quezon City.

Pero kahit papaano naman daw ay “bawas” na ang mga tumutuligsa sa kanila matapos ng dalawang taong pagsasama.

“Noong umpisa talaga, marami,” pagtukoy ni Mariel sa mga labag sa kanilang relasyon ni Robin.

“Kasi marami nagme-message sa akin dati ayaw nila sa amin, ngayon gusto na nila kami.

“Kasi ang marriage naman, we work on it, di ba? So 'yon ang status namin ngayon, we’re working on it.”

CHANGES. Bagamat katulad pa rin si Mariel dati, na malambing at hindi takot magbigay ng kanyang opinyon, aminado siyang may mga pagbabago na sa kanyang buhay.

Kinailangan na raw niyang maging mas maingat sa mga ginagawa at sinasabi, dahil anumang kalabasan nito’y damay na ang kanyang asawa.

Pero bukod dito, ibinahagi pa ni Mariel ang ibang “adjustments” na ginawa niya.

“Kasi ako, I don’t cook, e,” natatawang pagbubuko sa sarili ng TV host.

“So from kikay girl na walang pakialam sa whatever, na dati ang binibili ko lang, ang collection ko, 'yong Channel.

“Ngayon sa supermarket na ako, ang binibili ko, bone marrow. Alam mo 'yon, the change, the total turnaround sa life.”

ROBIN’S RELIGION. Pero sa ibang bagay, gaya ng relihiyon, sinabi ni Mariel sa PEP na hindi malaking adjustment ito para sa kanya.

Isang mabilis na “yes” ang kanyang sinagot nang tanungin namin kung nakapag-adjust na siya sa relihiyong Muslim ng kanyang asawa.

Hindi naman din daw niya kinailangang magpa-convert sa Muslim faith, isang pagpapatunay raw na nirerespeto ni Robin ang pagiging Katoliko niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pagpapatuloy pa ni Mariel, “Ngayon Ramadan, minsan nagpa-fasting din ako katulad niya, sasabayan ko siya.

“Uhm, wala naman kasing compulsion, e, so he doesn’t make me… 'yon ang mga minor adjustments lang.”

DISAGREEMENTS. Ang mga nabanggit na pagkakaiba ay ilan lamang sa mga dahilan nang minsa’y hindi nila pagkakaunawaang mag-asawa.

Ani Mariel, “Of course, kasama ‘yon, e, it makes us stronger.

“Kailangan, kasi there are really times when we don’t agree.

“Siyempre, nandyan na 'yong age difference, nand'yan na rin 'yong sobra niyang panlalaki na view, sa pangbabae kong view, so mayroon talaga.”

Ang ginagawa ni Mariel sa mga pagkakataong nagtatalo sila ni Robin, na siya ring ipinapayo niya sa mga magkakarelasyon, ay: “First, hihinga ako ng malalim, 'tas pag-iisipan ko siya.

“Pero at the end of the day, it’s always the girl, in every relationship, in every marriage, na ang babae ang magki-keep nito.

“So, mag-a-adjust ako.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN