Part 2. Rommel Padilla on son Daniel being "madly in love" with Kathryn Bernardo: “Hindi. Sabi niya chill lang daw.”

IMAGE Noel Orsal and Melo Balingit


Rommel Padilla understands if son Daniel has feelings for Kathryn Bernardo: “Oo. Naging leading man din ako, e, alam ko yung feeling na ‘yan. Siyempre kapag nandiyan ang leading lady mo, inaalagaan.”


Muling nagbabalik si Rommel Padilla sa pag-arte sa pamamagitan ng bagong primetime teleserye ng ABS-CBN, Lorenzo’s Time.

Ginagampanan niya rito si Vincent, ang loyal na tauhan ni Mildred (Amy Austria), bilang kontrabida sa serye ng mga bidang sina Zaijian Jaranilla at Carmina Villarroel.

May isyu na kaya lang daw siya nagkaroon ng career ulit ay dahil sa pagsikat ng anak niyang si Daniel Padilla, na napapanood sa Princess and I. Ano ang masasabi ni Rommel dito?

“Oo naman, totoo naman yun," pagsang-ayon niya.

"Of course, masaya ako at sinasabi ko rin sa kanya yun na, ‘Anak, maraming salamat.’

“At saka hindi lang ako, sigurado ako, pati yung ibang kapatid niya na nasa showbiz, madadala rin niya yun.

“Parang noong panahon din namin noong araw, nung nandiyan si Robin, sunud-sunod na—may Rustom na, may Rommel na.”

THE PADILLA PHENOMENON. Ano ang reaksiyon niya sa tinatamasang kasikatan ni Daniel ngayon?

“Sobrang saya, sobrang thankful talaga. Kasi nakita ko kay Robin iyan, e.

“First time kong pumunta noong fans day niya at album launching, tumayo ang balahibo ko!” patungkol niya sa pagtangkilik ng publiko kay Daniel.

“Parang nag-reminisce ako nung time namin noong Viva days. Wow, kay Robin noon, ang tao nasa bubong. Yun ang grabe!”

Nakikita niya ba na maipagpapatuloy ni Daniel na pasikatin ang pangalang Padilla?

“Oo naman, pinaghihirapan niya at pinagtatrabahuhan niya. Naging pangarap din naman ng lahat ng kasunod namin na masundan nila ang yapak ng kanilang Tito Robin.”

Pangarap din ba ni Rommel na makagawa ng proyekto kasama si Daniel at ang iba pa niyang mga anak?

“Actually, meron na. Meron kaming ginagawa ngayon, yung Oscar Pareja Story: Pinoy Mafia. Kasama ko si Robin, si DJ [palayaw ni Daniel], ako, si Raprap, si Antonio.”

FATHER AND SON RELATIONSHIP. Ngayon bang madalas silang nakikitang magkasama sa showbiz events at maging sa TV guest appearances, mas dumalas din ba ang bonding nilang mag-ama?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Oo naman," sagot ni Rommel.

"Pero bago naman siya nabigyan ng pagkakataon na talagang ang bilis ng mga pangyayari sa career niya, nagkikita-kita kami parati.

“Kasi yung mama niya, si Karla [Estrada], ano iyan e, ‘O, puntahan mo naman si DJ. Nandito siya, puntahan mo.’

"O kaya minsan, sasabihin niya, ‘Si DJ puro basketball, tawagan mo.’ Ganun kami, kaya kumbaga dati na kaming madalas magkita.”

Anong suporta ang ibinibigay niya kay Daniel?

“Ako, yung guidance ko and siguro yung pagpapahalaga sa kanyang kalusugan.

“Yung pagpapahinga, lagi namin binibigyang oras yung pagpapahinga.

“Hindi namin siya masyadong inaano na trabaho, trabaho, trabaho, kasi baka magsawa, e.”

DANIEL’S LOVELIFE. Pinapayuhan niya rin ba ang anak pagdating sa lovelife?

“Oo naman. Kasi katulad nung sinabi ko sa interview ko kay Kris [Aquino sa Kris TV], yung mga sumpa ng mga Padilla, gusto ko matapos na sa akin, sa pamilya ko and sa iba naming mga kapatid.”

Ang tinutukoy ni Rommel na "sumpa" ng mga Padilla ay ang pagiging babaero umano at pagkakaroon ng maraming anak sa iba’t ibang babae.

Si Rommel nga ay may walong anak sa limang babae. Panglima si Daniel sa mga anak niya.

Sa tingin ba ni Rommel ay in love na talaga si Daniel kay Kathryn Bernardo?

“Oo. Naging leading man din ako, e, alam ko yung feeling na ‘yan.

“Siyempre kapag nandiyan ang leading lady mo, inaalagaan.”

Naipakilala na ba ni Daniel si Kathryn sa kanya?

“Hindi pa kami nagkaroon ng pagkakataon na magkita.

"Pero alam mo, one time kasi, sabi ko, ‘Anak, dalawin kita sa set, ha [ng Princess and I].’

“Sabi niya, ‘Sige, Pa, dalhan mo ako ng pizza.'

"Sige ba, 'Ano ang gusto mo?’ Sabi niya, ‘Sandali, Pa, tatanungin ko lang si Kathryn.’

“Kaya lang, nung pagdala ko ng pizza, hindi na kasi ako bumaba, e, kaya hindi rin kami nagkita ni Kathryn.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Inamin na ba ni Daniel na malakas ang tama niya kay Kathryn?

“Hindi. Sabi niya chill lang daw.”

POLITICAL PLANS. Ngayong balik-showbiz na siya, paano na ang pangarap niya na pasukin muli ang pulitika?

“Nandiyan pa rin naman yun. Hindi naman nawawala yung buhay natin sa pulitika.”

Isa nga raw sa life-changing decisions niya ang pagpasok niya sa pulitika.

“Alam naman natin na kapag nandiyan ka sa pulitika, magsa-suffer, masa-sacrifice mo na yung [showbiz] career mo.

“Dahil ang una sa iyo doon ay ang bayan at mga kababayan mo.

"Naging provincial board member ako noong 2007 hanggang 2010. And then I ran for vice-governor, hindi lang ako napagbigyan ng pagkakataon.”

Bakit niya naisipang pasukin noon ang pulitika?

“Kasi alam mo nasa dugo na namin yun, e. Pag nakita mo kasi yung mga taong nangangailangan hindi ka matahimik, e. Hindi ka mapalagay.

“Kasi doon sa Nueva Ecija, doon sa bayan namin, nakikita ko yung mga hinaing ng mga tao doon.

“Na ang sa isip ko, oo nga, hindi ko mabubunot sa bulsa ko yun, e. Pero matutulungan ko sila na once ako ay napuwesto, sisiguraduhin ko na yung para sa tao ay mapupunta sa tao.”

So, may balak ba siyang tumakbo sa 2013 elections?

“Sa 2013, wala pa. Sa 2016 babalik ako.”

Anong posisyon naman ang tatakbuhin niya?

“A… inaayos ko pa,” sabi ni Rommel.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN