Queen of Visayan Songs Susan Fuentes wishes to have "a moment" with kids; fellow singers mount "a moment for Susan" fundraising show

IMAGE GA Granali

Bagamat napaluha siya sa ilang bahagi ng interbyu, iniwan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Susan Fuentes na may ngiti sa kanyang mukha. Umaasa ang tinaguriang Queen of Visayan Songs na sa pamamagitan ng paglapit niya sa media ay muli siyang mapapalapit sa mga nawalay na anak at pati na rin sa publikong minsan niyang tinalikuran.


Matapos mawala sa mata ng publiko sa loob ng mahigit dalawang dekada, muling lumutang sa media ang pangalan ng tinaguriang Queen of Visayan Songs na si Susan Fuentes.

Ito ay matapos ipanawagan ng kapwa Visayan singer na si Dulce ang matinding pinagdadaanan ni Susan ngayon.

(CLICK HERE to read related article)

Sa artikulong inilabas ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) tungkol sa pagkakaroon niya ng kidney ailment, marami—lalo na mula sa nakababatang henerasyon—ang nagtanong: Sino ba si Susan Fuentes?

Minarapat ng PEP na kapanayamin si Susan, at sa kabutihang palad ay pumayag itong magpa-interbyu.

Noong Agosto 24, sa Wheatberry Café sa Quezon City, muling sinariwa ni Susan, kasama ang kaibigang si Dulce, ang panahon ng kanyang kasikatan.

Bahagya rin itong nagkuwento tungkol sa nangyari sa kanya sa loob ng nakalipas na dalawampung taon.

HUMBLE BEGINNINGS. Taong 1955 nang ipanganak si Susan Fuentes, o Susan Toyogan, sa isang simpleng pamilya sa Butuan City, Agusan del Norte, Mindanao.

Aniya, musmos pa lamang siya ay nakahiligan na niya ang pagkanta.

“Bata pa lang talaga ako, gusto ko nang kumanta.

“Kapag nakarinig ako noon ng kanta, tatakbo na kaagad ako sa aparador ng Mama ko kasi may salamin doon, tapos parang aarte-arte akong ganyan," sabi nito na umaaktong nagpe-perform.

“Iyon ang nag-start na nakitaan nila talaga ako ng talent sa pagkanta.”

Mula sa simpleng pangarap, sinimulan ni Susan na abutin ito sa pamamagitan ng pagsali sa mga singing contests.

Siya’y limang taong gulang pa lamang noon.

“Bata pa lang ako, talagang ako na ang pumipilit sa papa ko na samahan akong sumali sa mga singing contest. Pinagtiyagaan niya naman ako.

“Tapos iyon, pasali-sali hanggang sa nananalo naman.”


ENTRY TO MANILA. Dahil sa angking talento sa pag-awit, isang malapit na kaibigan ng mga Toyogan, si Eugenia Molina, ang gumawa ng paraan upang makapasok si Susan sa mainstream music industry.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Taong 1970, pagka-graduate niya sa high school, nagtungo sa Maynila si Susan kasama ang kanyang ina.

Dito, nag-umpisa siya bilang isang performer sa Victoria Peak, isang sikat na night club noong 1970s na matatagpuan sa tapat ng St. Luke’s Hospital sa Quezon City.

“Iyong pagkanta ko doon, bale parang naging audition ko na rin iyon. Kumbaga iyong [career ko] dito sa Manila, doon talaga ako nagsimula.

“Tapos naalala ko pa, habang kumakanta ako noon, iyong mama ko naman ang naka-confine doon sa tapat.”

Noong mga panahong iyon, sa kidney rin ang sakit ng kanyang ina.

At marahil, sa kanya namana ni Susan ang dinaramdam nito ngayong glomerulonephritis o GN—na ayon sa website ng PubMed Health ay, "a type of kidney disease in which the part of your kidneys that helps filter waste and fluids from the blood is damaged."

Pero noong mga panahong iyon, malakas si Susan, magaling kumanta, at unti-unting nakilala sa halos gabi-gabing pagpe-perform niya sa Victoria Peak.

Ito ang naging daan upang madiskubre siya ng Alpha Music Corporation (AMC), ang recording company na nagpasikat kina Diomedes Maturan, Jay Ilagan, Darius Razon, at Nora Aunor.


RECORDING CAREER. Taong 1973 nang kunin ng AMC si Susan upang maging recording artist ng Visayan songs.

Ang mga namamahala sa kompanya ang nagbigay sa kanya ng screen name na Susan Fuentes.

Ito ay halaw sa mga pangalan nina Susan Roces at Amalia Fuentes, dalawa sa pinakatanyag na aktres noong 1960s.

Ayon kay Susan, “Noon kasi sa Alpha Records, ang style nila is [bibigyan] ka nila ng contract na mga five years, ganyan.”

Sa loob ng kontrata niyang iyon, nakagawa si Susan ng dalawang English adaptation records.

Subalit, bago pa man tuluyang makaalagwa ang kanyang career, nagdesisyon si Susan na lumipat sa Jem Recording, isang music company na pag-aari ng pamilya Ayala ng Davao.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hindi pa tapos ang contract niya noon sa Alpha. Parang na-buy out na siya , e,” paglalarawan ni Dulce sa nangyaring pagbabago sa recording career ni Susan.

“Doon sa Jem Records talaga nagkaroon ako ng big break. Doon talaga ako nakilala,” saad naman ni Susan.

Base sa kanyang natatandaan, nakagawa siya ng sampung albums sa ilalim ng Jem Records, kabilang ang Tagalog Kundiman album na Mga Awiting Walang Kupas.

Nakagawa rin siya ng isang English adaptation album na pinamagatang Straight From The Heart.

Kasama dito ang kanyang bersiyon ng awiting “Smoke Gets In Your Eyes,” na siya ring inawit niya sa huling TV performance niya noong 2010 sa programang Walang Tulugan.


QUEEN OF VISAYAN SONGS. Nagkaroon ng pitong Visayan albums si Susan sa ilalim ng Jem Records. Dahil dito, binansagan siyang "Queen of Visayan Songs."

Ilan sa mga pinasikat niyang awiting ay ang “Usahay” na, ayon kay Dulce, ay pinapatugtog pa rin hanggang ngayon sa mga local radio stations sa Visayas at Mindanao.

Dagdag pa ni Dulce, “Siguro tinawag siya na gano’n kasi because of the hits din talaga.

“Kasi gano’n noon, e, kapagka naging hit ka, whether it’s the press or the people lang, talagang maba-brand siya. Kasi walang iba, e. Walang nagre-reign noon na katulad niya.

“Before her, there was only Pilita [Corrales]. But not even Pilita umabot sa inabot niyang proliferation ng Visayan songs.

“Si Pilita, talagang sikat noon dito sa Manila, pero si Susan talaga ang maraming na-record sa Visayan."

Ang kasalukuyang judge ng X Factor Philippines na si Pilita Corrales ay sumikat bilang mang-aawit noong 1960s. Mula Cebu hanggang Maynila, umabot ang kanyang popularidad sa buong Asya, kung saan kinikilala pa rin siya bilang Asia’s Queen of Songs.

Ang sabi pa ni Dulce, “Kasi maraming taga-Cebu na doon lang talaga sila sumisikat, e. Pero they’re really big names din."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


MAINSTREAM SHOWBIZ. Dahil sa pagsikat ni Susan sa daigdig ng musika, unti-unti rin siyang nakilala sa mainstream showbiz.

Natatandaan pa mismo ni Dulce ang kauna-unahang pagtatanghal ni Susan sa telebisyon.

Sa programang Superstar noon sa RPN-9, inawit ni Susan ang “I Believe In Love” ng American singer na si Barbra Streisand.

Ani Dulce, “Nauna siya sa akin kasi 1978 ako, e, kaya noong nakita ko siya sa TV, inggit na inggit ako.

“Kumakanta siya sa Superstar sabi ko, ‘Naku, walang Visayan singer na nakakatikim ng Superstar. Parang si Susan lang iyon.'

“So, iyong talagang instinct ko noon, ‘Kailangan magkaroon din ako ng ganyan.’ May ganoon akong pangarap noon.”

Naging matunog ang pangalan ni Susan sa mga tagapakinig sa Visayas at Mindanao.

Sa Luzon naman at Kamaynilaan, nakilala siya bilang isang novelty singer.

Isa sa paboritong kanta ng mga Pinoy na pinasikat ni Susan ay ang “Miss Kita Kung Christmas.”


FINDING LOVE. Kasabay ng pag-angat ng kanyang singing career ay ang pagdating ng isang pag-ibig na bumago sa takbo ng kanyang buhay.

Ayon sa kanya, ang kasintahang ito ang dahilan kung bakit lumipat siya mula Alpha patungong Jem Records.

Naging mabuti raw ang trato sa kanya ng karelasyon. "Buhay-reyna" kung ilarawan niya ang kanyang pamumuhay noong panahong iyon.

"Ipinatikim talaga sa akin iyong parang buhay ng senyora," saad ni Susan.

Nasa kamay noon ni Susan ang kayamanan. Anumang nais bilhin ay nakukuha niya.

Sa tuwing lalabas ito ng bahay ay hatid-sundo siya gamit ang mamahaling sasakyan.

Naging masaya at kontento naman daw si Susan sa klase ng buhay na ibinigay sa kanya ng kanyang partner.

Sa katunayan ay nagbunga pa ng dalawang supling ang kanilang pagmamahalan.

Subalit kapalit ng lahat nito ay ang pangakong tatalikuran na niya ang kanyang buhay mang-aawit.


HIATUS. Noong 1980s, nagpatuloy pa rin kahit paano ang singing career ni Susan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nagre-record pa rin siya ng mga bagong kanta at napapakinggan ang mga ito sa radyo sa Visayas at Mindanao.

“Pinapakanta-kanta pa naman ako noon pero hindi ko na naranasan iyong magkaroon ng shows, iyong mag-tour, ganyan.

“Hindi ako nakikita ng mga tao kasi nga ang gusto talaga, nasa bahay na lang ako,” maiksi niyang paliwanag.

Dekada ’90 nang tuluyang mawala sa eksena si Susan.

Sa loob ng panahong iyon, inisip ng maraming tagahanga ni Susan—kabilang na si Dulce—na nagpatuloy ang pagganda ng buhay ng kanilang idolo.

Ngunit lingid sa kanilang kaalaman ay dito na nagsimula ang pagkalugmok ng dating reyna.


FAMILY PROBLEMS. Nang tanungin ng PEP kung ano ang nangyari sa kanilang pamilya, hiniling ni Susan na huwag na lang pag-usapan, sa kadahilanang ayaw na niyang masaktan pa ang kanyang mga anak.

Sa interbyu, panay ang paghingi ni Susan ng patawad mula sa kanyang mga anak.

Paulit-ulit din niyang sinasabi na mahal na mahal niya ang mga ito anuman ang mangyari.

Tumanggi siyang idetalye ang pinagdaanan nilang mag-pamilya, subalit sinabi nitong nauwi ang lahat sa hiwalayan.

"Inaamin ko rin naman na may mga pagkakamali ako noon.

"May mga nasabi ako o nagawa akong mali sa kanila. Pero tapos na lahat iyon ngayon," saad niya.

Hindi pa nakikita ni Susan ang dalawa niyang anak sa loob ng 11 taon, kaya naman hiling nito na sana ay madalaw man lamang siya ng mga anak.


KIDNEY AILMENT. Aminado si Susan na sa gitna ng problemang dinanas niya noon ay nakahanap siya ng pansamantalang kanlungan sa masasamang bisyo.

Hanggang sa tamaan siya ng sakit na GN taong 2002, kung kelan sumailalim siya sa apat na operasyon, kabilang ang kidney transplant.

Milagro namang bumuti ang kanyang kondisyon sa loob ng sumunod na sampung taon.

Subalit, dahil nga wala siyang ibang pinagkakakitaan kundi ang isang paupahang bahay, hindi na niya nakayanang tustusan ang kanyang pagpapagamot.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


FUNDRAISING CONCERT. Sa payo ng asawa ni Dulce, pinasimunuan nito ang pagtatayo ng isang fundraising project para kay Susan.

Mahigit 40 artists ang nakatakdang mag-perform sa show na pinamagatang Usahay: A Moment For Susan.

Kabilang dito sina Jose Mari Chan, Aiza Seguerra, Raimund Marasigan, Ebe Dancel, Frencheska Farr, Aicelle Santos, Arnell Ignacio, Marissa Sanchez, Jamie Rivera, at The Company.

May ilan ring classical music acts gaya nina Joanne Velasco Vicars at Aristeo Demavivas.

Magaganap ito ngayong 7:00 P.M, Agosto 28, sa Zirkoh Bar, Tomas Morato, Quezon City.

Ayon kay Dulce, bukod sa mga artists na nangakong magpe-perform, dumagsa rin ang mga tao at tagahanga na nangakong magbibigay ng direktang tulong pinansiyal para kay Susan.


MESSAGES. Napaiyak muli si Susan nang malamang ganoon pa rin pala kadami ang sumusuporta at nagmamahal sa kanya.

“Ngayon ko lang na-realize na maraming nagmamahal sa akin talaga.

“Sobrang salamat sa Panginoon dahil buhay ako at nakapagsalita, at nakapagpasalamat sa lahat ng biyaya na pinagkakaloob niya sa akin ngayon at sa mga ipagkakaloob pa.

“Salamat sa mga taong patuloy na sumusuporta sa akin—mga fans from Luzon, Visayas, Mindanao, at iyong iba na nasa abroad pa.

“Gusto kong malaman nila na ngayon ay naa-appreciate ko na talaga ang kanilang suporta.

“Nagpapasalamat ako sa kanila. Kahit hindi nila ako nakikita, nandiyan pa rin sila at nagugustuhan pa rin nila ang aking mga kanta, at patuloy nilang pinakikinggan ang mga awitin na iyon.

“Sana ay patuloy nila na i-patronize ang mga awitin na sariling atin lalo ang mga Bisaya at original Pilipino songs.”

Darating sa concert mamayang gabi si Susan upang panoorin ang pagtatanghal na inihanda para sa kanya ng mga kapatid sa musika.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN