Lorna Tolentino prays for cousin Zsa Zsa Padilla's recovery: "Yung nangyayari sa kanya ngayon, I’m sure malalagpasan niya.”

IMAGE Noel Orsal / Arniel C. Serato

“Talagang ganun siguro after, magde-deteriorate talaga. Kumbaga, nag-caregiver ka, yung body mo rin nai-stress. Ganun talaga kapag meron kang pinagdadaanan," sabi ni Lorna Tolentino (kanan) tungkol sa pinsan niyang si Zsa Zsa Padilla (kaliwa), na na-diagnose na may stage 1 kidney cancer.


Isa si Lorna Tolentino sa pinagkaguluhan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng media sa 73rd birthday party ni Mother Lily Monteverde sa Imperial Palace Suites kagabi, August 19.

Hiningan si Lorna ng reaksiyon tungkol sa pinagdadaanan ng kanyang first cousin na si Zsa Zsa Padilla.

Na-diagnose na may stage 1 kidney cancer ang singer-acress at nakatakdang sumailalim sa operasyon sa August 27.

(CLICK HERE to read related story.)

Ayon kay Lorna, habang papunta siya sa party ni Mother Lily ay naka-text daw niya si Zsa Zsa.

“Sabi ko nga, ‘Just be strong. Dapat change of lifestyle, yearly check-up, prayers… higit sa lahat, prayers.”

Kuwento pa ni Lorna, may history ang kanilang pamilya ng cancer, kaya alam niyang puwede rin iyon mangyari sa kanila.

“Yung cancer history, nasa pamilya din namin kasi.

"Positive naman kami na maaagapan talaga.

“Actually, ang cure nga is the surgery. No need of chemo, radiation… hindi yung mga proseso ng isang may cancer.

“Basta matanggal lang yun, okay na,” saad ng aktres.

Okay naman daw si Zsa Zsa nang naka-text ni Lorna ang pinsan.

Nandiyan yung pag-aalala, pero "very positive" daw ang buong pamilya na malalagpasan ito ni Zsa Zsa.

Sabi ni Lorna, “Matagal na kami nag-uusap, lahat na mga operation niya, sinasabi naman niya sa amin.

“Bawat pamilya siguro kapag may pinagdaanan ang bawat isa, malalaman naman namin.”

Kuwento pa ni Lorna, nasa Vera Grace Farm daw niya sa General Aguinaldo, Cavite, ang ina ni Zsa Zsa kahapon, August 19. Alam na raw nito ang kalagayan ng anak.

Kasama raw ng ina ni Zsa Zsa na nagpunta sa farm ang mommy ni Lorna at ang daddy ni Amy Perez, na pinsan din nila. Pinag-usapan daw nila ang kalagayan ng Divine Diva.

PRAYERS. Mas kumakapit si Lorna sa dasal at naniniwala siyang malaki ang maitutulong nito para malagpasan ni Zsa Zsa ang sakit.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kuwento rin ni Lorna, meron siyang pinagdaanan pagkatapos mamatay ng asawa niyang si Rudy Fernandez, pero nawala raw iyon lahat dahil sa dasal.

“Meron kasing findings before sa brain ko na puwede akong magkaroon ng aneurysm.

“And then after nung Holy Land trip [sa Israel], nawala. Yung prayer ng anak ko, si Rafael.

“Talagang ganun siguro after, magde-deteriorate talaga. Kumbaga, nag-caregiver ka, yung body mo rin nai-stress.

“Ganun talaga kapag meron kang pinagdadaanan.”

Ang tinutukoy ni Lorna ay ang ginawang pag-aalaga ni Zsa Zsa sa partner nitong si Dolphy, mula nang ma-diagnose ang Comedy King na may chronic obstructive pulmonary disorder (COPD) hanggang sa pagkamatay nito noong July 10, 2012.

Si Lorna rin kasi ang nag-alaga sa asawa niyang si Rudy Fernandez, mula nang ma-diagnose ang action star na may periampullary cancer hanggang sa pagkamatay nito noong June 7, 2008.

Ayon pa kay Lorna, dapat ay noon pa raw ipinaopera ni Zsa Zsa ang kanyang bukol sa kidney, pero isinantabi raw muna ito ng pansin dahil nagbabantay pa siya noon kay Dolphy.

“Siyempre, unahin muna niya si Dolphy.

“Nung siya naman, medyo lumaki na nang konti than the normal size. Medyo maliit 'yan dati, pero medyo lumaki na.”

Kaya isa rin si Lorna sa nagdarasal na malagpasan ito ng pinsan niya.

“Nalagpasan din niya yung nangyari kay Dolphy. Yung nangyayari sa kanya ngayon, I’m sure malalagpasan niya,” positibong pahayag ng aktres.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN