LJ Reyes on the state-of-the-art of Philippine movies: “Mag-level up na rin tayo—napag-iiwanan na rin tayo.”

IMAGE Noel Orsal

Para kay LJ Reyes, natutuwa siya sa mga papuring natatanggap mula sa mga tagahanga niya; doble tuwa kung galing pa sa mga batikang personalidad ng industriya. Sabi niya: “Kasi, sobrang kilig na kilig talaga 'ko, at alam naman ‘yan ng mga close friends ko, na kilig na kilig talaga ako kapag may mga ganyan."


Naging kapansin-pansin at pinupuri si LJ Reyes sa role niya bilang isang aswang sa Tiktik: The Aswang Chronicles.

Kahit halos wala siyang dialogue, sa mata pa lang, matindi na ang ipinakitang pag-arte nito.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si LJ sa thanksgiving party ng Tiktik: The Aswang Chronicles, noong Martes, October 23, sa 17th Floor ng GMA Building.

Sabi niya kaagad, “Nakakatuwa, nakakataba ng puso.

“Kasi, usually naman, di ba, kapag aswang, hindi ka nila papansinin, matatakot?”

Umpisa pa lang, umasa si LJ na magiging maganda ang feedback sa ginawa nilang pelikula.

Aniya, “Ini-expect ko naman na maganda ang feedback.

“Kasi, alam mo na rin naman kapag maganda ang material, e.

“Alam ninyo, noong napanood ko ang effects, sabi ko, feeling ko, okay talaga ito.


NEW FILM TECHNOLOGY. Tumagal ng dalawang taon ang production ng Tiktik: The Aswang Chronicles dahil sa ginawang computer generated images (CGI).

Dagdag pa ang apat na buwan na shooting sa loob ng isang warehouse na converted as a greenroom.

“Tapos sakto naman, halloween.

“At feeling ko rin kasi, panahon na rin para ang Pinoy naman, makagawa tayo ng ganitong klaseng film.

“Kumbaga, mag-level up na rin tayo—napag-iiwanan na rin tayo.”


BLESSED. Maayos at maganda ang career ni LJ ngayon at ng karelasyon niyang si Paulo Avelino, na binayayaan pa ng isang supling na si Ethan Akio o si Aki.

Ani LJ, “Ang palagi ko ngang sinasabi, kaya kami bini-bless is because, gusto ni Lord, may magandang buhay si Aki. Iyon yun.

“Kung wala siya, feeling ko, wala lahat ito—para sa kanya talaga.

“At siguro, sabi ni Lord, ‘Kailangan alagaan ninyo ‘yan. Paano ninyo aalagaan kung wala kayong trabaho?’”

Palagay ni LJ, ano ang nagawa niya para i-bless sila ni Paulo nang ganito kaganda lalo na sa kanilang career?

Lahad niya, “Well, siguro una sa lahat, kasi nga, hindi namin pinapabayaan si Aki.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Never or any moment in our lives, na napabayaan yung bata.

“Siyempre, blessing yun—regalo yun sa iyo.

“Siguro isa yun sa factor sa sinabi ni Lord, ‘Binigyan ko kayo ng ganyan…Isang buhay na alagaan ninyo, kaya dapat lang na i-bless Ko kayo ng mas marami pa.’

“Siguro rin, dahil pinagta-trabahuhan namin nang mabuti kung anuman ang ibinibigay Niya.

“Hindi naman kami yung parang, ah, binigay sa akin ito, okay… hindi na kami magta-trabaho nang maayos.

“Siguro kasi, nag-i-strive kami harder.

“Hindi lang kami nag-i-stop sa naibigay na sa akin, okay na ako.

“Siguro kasi, gusto namin na mas lalo pang i-improve yung mga sarili namin at hindi kami nag-i-stop talaga.”


CONTINUING SERIES. Balitang tila magiging series ang Tiktik: The Aswang Chronicles.

Bilang isang aswang na nachop-chop na sa pelikula, paano na ang ginampanan niyang role?

Natatawang sagot naman ni LJ, “Niloloko ko nga sila.

“Sabi ko, ‘Excited ako sa Part 2 kahit wala ako. Kahit wala ako, I will support.’

“Niloloko ko sila Direk Erik Matti, Sir Dondon [Monteverde].

“Sabi nila, madali namang magawan ng paraan ‘yan.

“Pero siyempre, mahirap kumapit sa salita, pero… sana.

“Sana makasama pa rin ako dahil sobrang sarap ng experience ko sa Tiktik… Totoo.”


PRAISES. High ang pakiramdam ni LJ Reyes na itiniweet pa niya lalo na sa mga papuri na natatanggap lately.

Nag-ugat naman pala ang tweet ni LJ sa tweet ni Direk Jose Javier Reyes.

Sinabi ni Direk Joey sa kanyang tweet, na sa mga artista ngayon, dalawa ang gusto nitong maka-trabaho—si Alden Richards at si LJ.

“Kinikilig pa rin ako,” ang tuwang-tuwang reaksiyon ni LJ.

Saan ba nanggaling ang naging pahayag na iyon ni Direk Joey?

Paliwanag niya, “Kasi, pina-follow ko si Direk.

“Nakakahiyang aminin, piniktyuran ko talaga ang tweet niya.

“Kasi, sobrang kilig na kilig talaga ko, at alam naman ‘yan ng mga close friends ko, na kilig na kilig talaga ako kapag may mga ganyan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kahit yung kay Tito Boy [Abunda] before, kinikilig talaga ako and until now.

“Kinikilig talaga ko kay Tito Boy tuwing nagte-text siya, tatawag siya—kinikilig.”

Nakilala na rin daw niya noon sa Cinemalaya si Direk Joey.

Kuwento ni LJ, “Heto, nakakahiya talaga.

“Juror ko siya sa Cinemalaya, noong 2010, noong nanalo ako.

“Siguro from there, doon niya ako nakita or napansin.

“Noong last Cinemalaya presscon, kasama siya ni Ate Iza [Calzado].

“Nahiya ako kasi, siya pa yung… kinalabit niya si Ate Iza, ‘Si LJ ‘yan, di ba?’

“Pinakilala ako ni Ate Iza. Sobrang hiyang-hiya ako.

“Hindi ko alam kung paano, ‘Hi po,’ ganun na lang ako.

“Tapos, nagkakasabay kami minsan sa party ng Posh Nails.

“Doon ko siya nakakausap.

“Pero tuwing kausap ko siya, hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko.”

Na-shock ba si LJ noong mabasa niya ang tweet ni Direk Joey?

“Mas na-shock ako noong sinabi niya in front of me.

“Pero for him to tweet it… Hay, kilig pa rin ako! Nakakatuwa talaga.”


IMPRESSED. Nasi-single out at napupuri talaga siya ng ilang kilalang personalidad sa showbiz.

Reaksiyon niya, “Nakakatakot nga, eh!

“Nakakatakot, nakaka-pressure na parang kapag hindi ko nagawang maganda ang trabaho ko, ikakahiya na nila ko.”

Masaya at kuntento ba si LJ sa kabuuan ng buhay niya, hindi lang sa career, pati sa personal?

“Sobra, masaya 'ko ngayon, sobra.”

“Sobra, sobra-sobra naman talaga ang blessing sa akin ni Lord.

“Nag-iisip nga ako kung paano ibabalik… hindi lang sa anak ko, kung hindi pati sa ibang tao.

“Pero hindi ko pa alam. Nag-iisip pa 'ko, nagpa-plano pa 'ko.”

Lovelife niya, kamusta?

“Okay,” nakangiti niyang sabi.

Okay sila ni Paulo?

“Oo, okay kami.”

Masaya rin ba si Paulo sa mga nangyayari sa kanya ngayon?

“Oo naman,” nakangiti niyang sabi.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN