Ogie Alcasid recounts how he met and fell in love with wife Regine Velasquez

IMAGE Noel Orsal

Wala na umanong mahihiling pa si Ogie Alcasid para sa kanyang lovelife dahil nakita na umano nito ang kanyang "fate" sa asawang si Regine Velasquez. Pero sa kanilang buhay pamilya, wika niya, "Siguro kung meron man, iyong pareho sana kaming healthy as we grow older at habang lumalaki ang anak namin."


Hindi inaasahan ni Ogie Alcasid na tungkol sa love story nila ni Regine Velasquez ang unang uusisain sa kanya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng media.

Nakapanayam namin ang sikat na singer-songwriter noong Linggo, February 10, sa backstage ng Party Pilipinas.

Magba-Valentine’s Day na kasi noon kaya parang maganda ngang pag-usapan kung paano nga ba nagsimula ang kanilang pag-iibigan.

“Actually, iyong simula ng love story namin, medyo matagal na, e,” nakangiting panimula ni Ogie.

“Bata pa kami noon. Bagong singer ako noon, at siyempre… medyo lumigaw ako ng konti.

“Pumunta ako sa bahay nila sa Bulacan noon, noong birthday niya, kaya may mga picture kami noong araw pa, e.

“Kaya lang, hindi kami nagkatuluyan. Walang nangyari, e.

“So… nito na lang na after… alam niyo na,” patungkol sa paghihiwalay nila ng una niyang asawa na si Michelle Van Eimereen.

“Iyon, naging magkaibigan kami [ni Regine] ulit and na-in love ako.

“Magkaiba siyempre iyong intensity ng love ko noong unang nanligaw ako kumpara no’ng naging close ulit kami at naging kami na.

“Siyempre bata pa kami noong una. Crush-crush lang iyon,” sabay ngiti ulit niya.

“Pero siyempre noong nagka-edad na ako at naging kami, iba na iyon.”

Agad ba niyang naramdaman na si Regine na talaga ang gusto niyang makasama habambuhay?

“Well, everything just fell into place.

“Ano naman iyan, e… iyong partner mo kasi magiging… iyan ay bigay ng Panginoon, e.

“So… iyan ang tinatawag nating fate. Iyon ang ibinigay sa ‘yo ng Panginoon kahit ano pa man ang mangyari sa ‘yo.”

Malaking factor nga raw sa love story nina Ogie at Regine ang musika.

“Siyempre iyan ang nagbuklod sa aming dalawa, e. ‘Di ba? Napakalaki ng impluwensiya ng music sa amin.

“Unang-una, pareho kaming singer, siyempre, pareho kaming mahilig sa music; and of course, the songs that I wrote siyempre, e, para kay Regine.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Masasabing smooth-sailing ang naging relasyon nina Ogie at Regine mula noong naging magkasintahan sila, hanggang sa ikasal at magka-anak na.

Tingin nga ng marami sa kanila ngayon ay isa silang “ideal couple.”

Pero sa likod ng mga ngiti at napakasayang imahe, may mga hindi rin magandang pinagdaanan ang relasyon nila.

Kuwento ni Ogie, “Siyempre, iyong mga hindi maganda na iyon ang simula namin, e.

“Alam naman ng lahat iyon na dumaan kami sa mga pagsubok noong simula.

“And dahil sa grasya ng Panginoon kaya kami nakarating dito ngayon.

“Inayos Niya ang lahat ng gusot, inayos Niya ang lahat ng mga naging problema, at ngayon kami ay isang napakalaking pamilya, so iyon!

“Maaari mong sabihin na ang pagmamahalan namin ang umayos noon, pero ang mas mahalaga doon, na-acknowledge namin that without God it would not have happened.

“Wala na akong mahihiling para sa aming dalawa ni Regine. Siguro kung meron man, iyong pareho sana kaming healthy as we grow older at habang lumalaki ang anak namin.

“At kung kami ay biyayaan pa ng isang anak, e di mas okey.

“Ang mahalaga kasi iyong health namin, e, na ma-sustain namin iyon.

“Iyon, malaking gift iyon sa amin na we can live long with our children, with the whole family.

“So, yung love namin sa isa’t isa, masarap, e. Di ba? Pero maganda rin na isipin na kasabay din namin ang paglaki ng mga bata.”

Ngayong Valentine’s Day ay magko-concert sina Regine at Ogie, kasama ang mga kaibigang sina Pops Fernandez at Martin Nievera.

Ito ay pinamagatang Foursome na gaganapin sa SM Mall Of Asia Arena.

Ano nga ba ang kaibahan nito sa iba pang kasabay na concerts?

“Iba ito kumpara sa mga nagawa na naming concerts dati ni Regine, kasi dito apat kami nina Pops at Martin.

“Sa unang pagkakataon, magkakasama kaming apat. Napaka-exciting noong idea.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ako mismo, dahil ako’y napakalaking fan ni Martin, singing with him side by side… ang saya!

“Ang saya nung experience, and dahil kaibigan namin sila, lalong… wala, kulitan, e.

“Pero pagdating ng trabaho, trabaho, at ang ganda noon, e.”

May mga songs daw sina Pops at Martin na sila ni Regine ang kakanta, at meron din umanong mga awitin nila ni Regine na kakantahin din ng dalawa.

“Oo, maraming gano’n, pero piling-pili.

“Ito yung mga kantang dumaan talaga sa ano, matinding research, so kung anuman iyong mga napili naming kantahin, iyon talaga ang gusto ng lahat.

“At kung mahilig ka talagang manood ng concerts, ito ‘yon, e.

“Kasi marami rin kaming mga kanta na hindi na namin kinakanta— na medyo kinalakhan namin ni Martin, ni Pops, at ni Regine— na I’m sure iyong fans namin, kapag narinig nila, ‘Uy, alam ko iyong kantang iyon!

“And ano siya, e, noong una namin siyang na-conceptualize, ang haba-haba ng show. Ang dami naming gustong kantahin.

“Siyempre kinunsider namin na ayaw din naming maging boring naman masyado yung show, ano, so nilimitahan namin iyong mga kanta doon sa feeling namin, e, heto ang mga kantang tatatak doon sa mga manonood.”

Ano ang plano nila ni Regine after ng concert? Didiretso ba silang lumabas para mag-date?

“A… wala!” sabay tawa ni Ogie.

“Iyon na ang Valentine’s date namin. At lagi ko namang sinasabi, ‘Everyday is Valentine’s.’

“Alam ko, February 14 is celebrated by many people. Magandang isipin na sa araw na iyon, lahat tayo nagbibigayan ng flowers, ng tsokolate.

“Yung mga teenagers diyang nagbibigayan ng love notes, ng text o kung anuman, o kendi na shape ng heart. Maganda iyon. It’s a nice thought.

“But what is more important is that every day, we remember the ones that matter most.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“And these are, of course, our spouses, our parents, our children, and of course, our family. Di ba? And our friends.

“Iyon sa akin ang mahalaga, e, na everyday we celebrate with love. Iyan ang essence ng Valentine’s Day.”

Matapos sabihin ito ay biglang napakanta si Ogie: “‘Every day is Valentine’s Day. I’d like to share it with you. Every day, is Valentine’s Day my love.’

“Okey ba? Ngayon ko lang sinulat iyong kantang iyon,” nakangiting sambit ni Ogie.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN