Part 2. Robin Padilla says Aljur Abrenica should study Islam if he's bent on pursuing Robin's daughter, Kylie

IMAGE Noel Orsal

Balitang nagkausap na si Robin Padilla at si Aljur Abrenica tungkol sa hangarin ng binata sa anak ni Robin na si Kylie. Ngunit hangad ni Robin na pag-aralan ng young actor ang mga aral ng Islam. “Si Aljur, kung totoong ano ‘yan, kailangang mag-aral siya. Sabi naman ni Aljur, noong kinausap ko siya, sabi naman niya, handa naman siyang mag-aral.”


Habang ipinagdiriwang ni Robin Padilla ang unang anibersaryo ng sitcom niya sa ABS-CBN, ang Toda Max, tuloy pa rin ang iba niyang projects.

Nagsimula na rin siyang mag-taping para sa kanyang pagbabalik sa primetime, ang Kailangan Ko’y Ikaw. Kasama ni Robin dito sina Kris Aquino at Anne Curtis.

May pelikula pang ginagawa si Robin ngayon sa ilalim ng kanyang produksiyon na papalitan na ang titulong Kuratong Baleleng.

Ayon kay Robin, pinagbawalan na silang gamitin ang titulong “Kuratong.”

Paliwanag niya, “Nami-misinterpret kasi na kapag Kuratong, yung gang.

“Pero hindi, e.

"Kuratong Baleleng, darling bell yun sa Mindanao.

"Kasi ang mga bahay doon, ang lalayo. So, para alam ng kapitbahay niya kung kailangan nilang mag-usap.

"Kawayan yun.

“Kuratong, yun ang lalaki, yung pamalo. Yung baleleng, yung kawayan.

“So, iniiba na nga. Kasi, pati Senado, nadadamay.”



VIVA FILMS. Kung hindi raw sana umatras ang Viva Films bilang co-producer, sa November 30 na sana ang showing ng pelikulang ito ng mga Padilla.

“Si Rommel [Padilla, Robin's brother] ang nagha-handle. Puro anak niya ang bida.

“Siya ang nakikipag-usap sa Viva. So, siyempre, kung ano ang desisyon ni Rommel, doon ako.

“Hindi naman puwedeng nagdesisyon ang kapatid ko, kokontrahin ko pa.

“So, pag-uwi niya, sabi niya, ‘Tol, solo na tayo ulit.’

“Actually, solo naman talaga kami. Kaso, tumawag lang si Dikong [Deo Fajardo].

“Sabi niya, ‘Tawag ka ni Boss Vic [del Rosario, Viva Films boss].' E, siyempre, tatay ko yun.

“Punta ako agad kay Boss Vic. Sabi ni Boss Vic, gusto niyang bumakas. 'Sige, bumakas ka.'”

Twelve million pesos na raw ang nagagastos ni Robin nang dalhin niya ang pelikula sa Viva.

Pero may pitong araw na shooting pa raw sila.



ALJUR ABRENICA. Gaya ng nabanggit, mga Padilla ang kasama niya rito sa pangunguna ng anak niyang si Kylie at pamangkin na si Daniel.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kasama rin dito ang rumored boyfriend ni Kylie na si Aljur Abrenica.

Si Robin ba ang personal na pumili kay Aljur para mapabilang sa cast?

“E, kasi, doon sa script, may love story.

“Sabi ni Direk, 'Kumuha na tayo. Puwede bang ako ang kumausap dun?'” natatawa niyang sabi.

Okay ba naman sila ni Aljur?

“Basta huwag ko lang makitang umiyak ang anak ko. Ako pa!” sagot ni Robin.

Hindi pa naman niya nakikitang umiyak si Kylie?

“E, hindi niya siguro makuhang umiyak.”

May balitang naghiwalay pero nagkabalikan din sina Kylie at Aljur. Totoo ba ito?

“Hindi ko alam. May ganyan ba?

“E, kasi, hangga’t hindi naman nagsasalita si Kylie, parang napaka-awkward naman.

“Parang napaka-tsismoso naman ng dating ko.”



AGAINST THE RELATIONSHIP? Diretsahang tinanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Robin tungkol sa balitang hindi siya boto ka Aljur para kay Kylie.

Tugon ni Robin, “Meron ba namang hindi boto sa hindi inaamin ang anak mo? Ikaw naman…”

Hindi kaya ang kinukunsidera lang pareho nina Kylie at Aljur ang mga career nila kaya hindi pa sila umaamin?

“E, huwag kayong umibig! Kalokohan yun.

"Unang-una, Muslim kami.

“Ako ba, may iniintinding career kapag gusto ko ang isang babae?” saad niya.

Hindi ba magkakaroon ng conflict ang pagiging hindi Muslim ni Aljur?

“A, dapat siyang mag-aral ng Islam kung talagang serious siya,” sabi ni Robin.

Kinakausap ba niya si Kylie sa mga ganitong bagay?

“Siyempre! Hindi naman ako nagkukulang.

“Si Aljur, kung totoong ano ‘yan, kailangang mag-aral siya.

“Sabi naman ni Aljur, noong kinausap ko siya, sabi naman niya, handa naman siyang mag-aral.”

Dugtong pa ni Robin, “Siyempre, nakakatawa lang na nagmamahalan kayo, priority mo ang career.

“What?! Sana kung hindi ako artista.”

Siya kasi, love talaga ang priority?

“Ganun yun! Ang tao kasi, hindi na mababaw. Maloloko mo pa ba ang mga tao?”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



ISLAM RELIGION. Dalawang taon nang kasal si Robin sa kanyang asawa na si Mariel Rodriguez, pero hindi pa rin masasabing niyakap na ni Mariel ang relihiyong Islam.

Sabi naman ni Robin, “Matagal nang gustong maging Muslim nun.

“Pero siyempre, kapag tinanggap mo kasi ang Islam, dapat wholeheartedly.

“E, siya, puso pa lang niya ang nakakatanggap.

"Paano siya magla-live sa TV? Hindi puwede.”

Wala bang conflict kapag ang misis ng isang Muslim ay hindi pa converted?

“A, Islamically speaking, wala naman. Lalaki ang Muslim… babae ang Kristiyano.

“May conflict sa lalaki ang hindi Muslim. Doon nagiging haram [bawal].

“There’s no compulsion in religion.”

Sabi pa ni Robin, “Ang babaeng Muslim kasi, ang katuruan, magpasakop ka sa lalaki.

“So, kapag Christian ang asawa mo, patay na!”



MUSLIM KIDS? Si Kylie ba ay isinasabuhay ang pagiging Muslim?

Sagot ni Robin, “Si Kylie, well-versed ‘yan. Pero noong nag-eighteen siya, kanya na ‘yan.

“Siyempre, there’s no compulsion in religion—walang pilitan.”

Ano na ang relihiyon ni Kylie ngayon?

“Ewan ko sa kanya. Sasabihin niya, Muslim.

"Kapag tinanong mo Muslim, Muslim siya.

“Pero ako, kaming lahat, hindi kami nagkukulang sa kanya ng paalala.

“Pero tulad nga ng sabi ko, walang pilitan, sagot mong lahat yun.”

Mas masunurin ba ang panganay niyang si Queenie kesa kay Kylie?

“A, hindi, pare-pareho lang ‘yan. Ano ko lahat ‘yan.

“Lahat ‘yan, hindi mo puwedeng kontrahin.

"So, ako, hindi ako kumukontra sa kanila.

“Kung ano ang trip mo, trip mo ‘yan. Kasi, nadaanan ko lahat 'yan.

“Si Queenie lang, naiba. Noong mag-Hajj [pilgrimage], ayaw nang mag-artista.

“Nag-Hajj siya, e, nakita niya ulit ang lights… praise God.

"Ngayon, mag-aaral ulit.

“Galing siya ng Australia, nag-enroll na siya. Umuwi na siya.

“So, next year, doon na siya.”



HARAM, THE TELESERYE. Ang anak ni Robin na si Kylie ay gagawa ng teleserye sa GMA-7 na tatalakay sana sa pag-iibigan ng isang sundalong Kristiyano at ng isang babaeng Muslim, ang Haram.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ngunit dahil sa pagtutol ng ilang sektor ay nagdesisyon ang pamunuan ng GMA-7 na huwag munang ituloy ang proyektong ito.

Pinalitan nila ito ng ibang proyekto, ang Pahiram Ng Sandali, na pagbibidahan pa rin nina Kylie at Dingdong Dantes.

Ano ang naging reaksiyon ni Robin dito bilang isang Muslim?

“Hindi dapat shinelve. Hindi dapat,” sabi niya.

May mga Muslim daw yata na nanakot o hindi pumayag?

“E, ganun naman talaga yun. Two sides of the coin ‘yan, always.

“Expect nating may papayag, may hindi.

"Dapat noong kinonceptualize nila yun, handa na sila.”

Nasabay raw kasi sa isyu ng isyu tungkol sa short film na Innocence of Muslims?

“Hindi naman dapat ikagalit yun. Dapat nga matawa kami lahat dun.

“Dapat iprotesta, hindi dapat ikagalit.”

May panghihinayang din ba sa kanya na hindi itinuloy ng GMA-7 ang Haram?

“Siyempre! At para sa isang Muslim na katulad ko, napakaganda nun.

"Victory na yun para sa mga Muslim. Nasa primetime TV ka, nakikita mo yung culture.

“Hindi lang naman kultura ng Muslim yun, kultura nating Filipino.

“Nandoon nga yun sa pirmahan ni PNoy at MILF na ilagay sa mga katuruan ng eskuwelahan na ang Islam ay parte ng history ng Pilipinas.

“’Yan ang unang-unang relihiyon dito sa Pilipinas, bago pa dumating ang Kristiyanismo.

“Yun lang naman ang sa akin.

"Pero siyempre, wala tayong magagawa.”



BB GANDANGHARI ISSUE. Naitanong din ng PEP kay Robin ang kapatid na si BB Gandanghari—na dating si Rustom Padilla.

Sa pamilya Padilla, tila si Robin na lang daw yata ang hindi pa tumatanggap sa kapatid bilang si BB Gandanghari?

Sabi naman ni Robin, “Hindi, accepted ko na siya.

“Wala namang problema sa amin yun.

“Pero, hindi naman ibig sabihin na kapag sinabing accepted ka na namin, hindi na kami puwedeng, 'Sobra na!'

“Konti naman... wala ka sa Amerika.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“E, kapag nasa Amerika naman siya, hindi naman ako nakikialam.

“E, nasa Pilipinas, dahan-dahan naman.”

Ano ba yung para sa kanya ay sobra na ginagawa ni BB?

“Yung naka-tights siya!” natatawang sabi ni Robin.

Walang maisagot si Robin sa mga narinig na sexy kasi si BB ngayon at girl na ito.

Sabi na lang niya, “Trip niya yun. Ayokong basagin ang trip niya.

“Basta masaya siya dun. At para sabihing okay ako dun..."

Pero nagkausap na silang dalawa?

“Sa ngayon, inaayos ni Rommel, bini-bridge ni Rommel.”

Ang impression kasi, hindi pa rin niya tanggap ang seksuwalidad ng kapatid ngayon?

“Kung hindi ko siya tanggap, ang tagal ko na siyang pinosas!

“Kailangan lang, pakinggan niya rin kami.”

Napapanood ba niya si BB sa mga palabas nito, gaya ng Enchanted Garden ng TV5?

“E, yun nga, noong naka-tights siya, napapapikit ako. 'Si Utol ba ‘to?!'”

Matagal na raw talaga ang huling pagkakataon na nagkausap sila.

“Hindi pa siguro panahon, pero darating din yun.

“Pero kami ang unang nasasktan kapag merong...

"Katulad noong nagkaproblema yata sa Enchanted Garden, sinabi sa akin ng stuntman ko.

“Parang hindi yata sila nagkaintindihan ng fight choreographer niya.

“Siyempre, ako yung unang, ‘Sabihin mo sa fight choreographer, kilalanin niya si Rustom, ha?’”

Rustom o BB na ba ang tawag niya sa kapatid?

“Rustom pa rin. Ang tagal ko naman siyang kapatid.

Baka naman ang basehan na tanggap na niya ang kapatid kapag nagawa na niya itong tawaging BB?

“Hindi naman... okay na sa iba yun, huwag na sa amin,” tugon ni Robin.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN