Robin Padilla on how he stays young and handsome: “Hinihigop ko lahat ng energy ni Mariel [Rodriguez]!”

IMAGE Rommel Llanes

Bb. Joyce Bernal on Kailangan Ko'y Ikaw lead actor Robin Padilla: “Kapag napanood ninyo itong KKI , masasabi ninyong puwede na siyang ihilera kina Christopher de Leon at Tirso Cruz III.”


Tiyak na ibang Robin Padilla ang matutunghayan sa Kailangan Ko’y Ikaw, ang pinakabagong primetime series ng ABS-CBN.

Sa junket presscon kaninang umaga, January 10, sa Lemuria Restaurant, Horseshoe Drive, Quezon City, napag-alaman ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na ang Kailangan Ko’y Ikaw (KKI) ay hindi karaniwang action project na dating ginagawa ni Robin, bagkos puno ito ng drama.

Personal na hiling din ni Robin ang teleserye at dito’y makakasama niya sina Kris Aquino at Anne Curtis.

Sabi ng action superstar, “Hiningi ko itong drama na ito. Hindi ko pa kasi ito nagagawa.

“Kaya nakahihiya kung hindi ko ibibigay ang lahat-lahat, kasi pinaghirapan din nila ito at talagang hirap din sila rito.

“At dahil sa bigat ng role ko, kailangan talagang nakabantay si Direk Joyce [Bernal] dahil hindi puwedeng bumagsak ang role ko—hindi puwedeng magpa-bandying lang.

“Pero ito talaga ang gusto kong gawin!

“Malaking break itong ibinigay sa akin ng Dos.

“Kaya naman bago kami nagsimula ni Direk Joyce, pinag-usapan na naming lahat ng character na dapat ipakita ko.

“Ganoon talaga kasi kami ni Joyce. Kasi nga, sobrang bigat nitong Kailangan Ko’y Ikaw.”

Isang alagad ng batas ang role ni Robin sa Kailangan Ko’y Ikaw, at hinahanap niya ang hustisya para sa amang inakusahan ng pagnanakaw.

Una siyang iibig kay Anne bilang si Ruth, ngunit siya’y mabibigo. Pero muling nagbukas ang kanyang puso nang maramdamang minamahal niya si Kris bilang si Roxanne.

Magkapatid sa istorya sina Anne at Kris.

Sabi pa ng aktor, “Pero hanggang doon lang iyon.”



LOVE SCENES. Hindi ikinaila ni Robin na nag-enjoy siya sa love scene nila ni Kris na kaagad kinunan sa first day pa lang ng taping.

“Oo, talagang na-enjoy ko yung love scene namin ni Kris, malamig lang yung tubig!” sabay tawa niya.

Kung enjoy siya sa mga lovecscene, nasabi naman nitong nakakatakot katrabaho si Kris.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Paliwanag ni Robin, “Kasi kailagang laging naka-alert kami. Kailangan ready kami lahat.

"Siyempre kilala naman natin si Kris, di ba?

“May eksena nga kami na kakargahin ko siya at ang ini-request lang naman niya sa akin ay huwag ko raw siyang ibagsak.”

First time namang makatrabaho ni Robin si Anne.

“Si Anne, mabigat sa ibang usapin. Kailangan matindi ang pagpipigil mo.

“Kailangan bumalik ka sa reyalidad,” patungkol ng aktor sa matitindi nilang eksena ng aktres.



DREAM PARTNERS. Dagdag pa ni Binoe, kung si Kris ay "dream" ng bawat lalaki, si Anne naman daw ay "pantasya" ng sinumang kalalakihan.

Iginiit ni Robin na ipinanganak siyang handa sa anumang pakikibaka sa buhay, kaya sa mga kissing niya with Anne at Kris, wala nang kailangan pang paghahandang gawin.

Kapansin-pansin din ang pagiging hitsurang bagets ni Robin kahit nakasuot lamang ito ng white T-shirt at maong pants.

Iba rin ang aura nito sa kanilang poster na ayon sa production, walang make-up nang kunan ng litrato ang aktor.

Ano ang sikreto ni Robin at napapanatili niya ang magandang pangangatawan at kaguwapuhan?

“Hinihigop ko lahat ng energy ni Mariel!” walang kaabug-abog niyang sagot.

Dagdag pa niya, “Hindi ako nagpupuyat, bahay lang ako at saka walang bisyo.”

Puring-puri ni Robin ang asawang si Mariel Rodriguez dahil kahit puyat daw ito’y super-asikaso pa rin sa kanya.

“Nauunang gumising yun sa akin lalo na kapag aalis ako, kahit puyat pa yun.

“Inihahanda niya yung mga kailangan ko, yung kakainin ko—kahit oatmeal lang naman iyon.

“Maasikaso talaga si Mariel.

“Lagi siyang masaya. Kahit may problema na siya, hindi mo makikita na namomroblema o sumisimangot.”

Nagbabantay ba sa taping si Mariel?

“Hindi siya nagpupunta roon. Alam niya ang boundaries niya,” sabi ni Robin.



BB. JOYCE BERNAL. Iginiit ng direktor ng Kailangan Ko’y Ikaw na si Bb. Joyce Bernal na ibang Robin Padilla ang makikita sa kanilang teleserye.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sabi ng direktor, “Mahirap katrabaho si Robin.

“Siguro naghahanap na siya ng challenge, yung mas seryoso at kailangan detailed.

“Intense na siya before, pero mas intense siya ngayon.

"Dapat niyang i-unlearn yung alam na niya.”

Bukod kay Robin, pinuri rin ni Joyce ang napakagandang script ng Kailangan Ko'y Ikaw.

Sabi niya, “Maganda ang pagkakabalanse ng script.

“Maganda na hindi ko na kinailangang balansehin dahil hindi ko na naman talaga trabaho iyon.

“Pinangalagaan ko na lang yung character nila.

“Noong una kong mabasa at makita ang script, nagandahan na agad ako.

“Magagaling sila... even Anne, very professional. Si Kris naman, nakatrabaho ko na sa Segunda Mano.

“Bale ito ang biggest challenge ni Robin.

"Hindi siya tulad ng ibang artista na strike while the iron is hot.

“Kasi siya kung ano yung ginagawa niya ngayon, doon siya naka-focus—alam niya kung ano yung pupuntahan niya.

“Kapag napanood ninyo itong KKI, masasabi ninyong puwede na siyang ihilera kina Christopher de Leon at Tirso Cruz III,” pagmamalaki ni Joyce.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN