Part 2. Robin Padilla on BB Gandanghari's sex-change plan: "Trip niya yun, masaya siya dun. E, di bahala siya."

IMAGE Rommel Llanes

Robin Padilla on his brother, BB Gandanghari's plan to undergo a sex change operation: "Ano lang yan, kaniya-kaniya tayong prinsipyo sa buhay. Trip niya yun, masaya siya dun. E di bahala siya. Kami, masaya kami dito. Kanya-kaniyang trip yan. Pero syempre, kapag may nangyari sa kapatid mo, ikaw ang unang pupunta dun. Wala nang basagan ng trip ngayon. Naku, ang tatanda na natin, magbabasagan pa ba tayo ng trip?"


Sa ngayon ay maganda ang itinatakbo ng career ni Robin Padilla na may kabi-kabilang projects tulad nga ng kaniyang weekly show na Toda Max at ang nalalapit na teleseryeng Kailangan Ko’y Ikaw.

Sa puntong ito na kanyang career, paano nga ba dinadala ni Binoe ang tagumpay?

Sagot niya, “Ako lagi ko lang naman, sa tagumpay na ibinibigay sa ‘kin ng Panginoong Diyos, importante hindi lang ikaw ang nakakaranas nun, kundi sa mga taong nakapaligid sa ‘yo, kailangan nararamdaman rin nila yung tagumpay na nararamdaman mo.

“Kung ano yung biyayang dumating sa ‘yo, nabibiyayaan din yung mga taong nasa paligid mo.”

Marami man siyang fans ay hindi maiiwasan na mayroon ding mga kritiko si Binoe.

Ngunit aniya, “Yung mga taong nagagalit naman sa ‘kin, e, marami akong natututunan sa mga yun, e.

“Sa totoo lang, binabasa ko yung mga banat nila sa ‘kin. At mula dun, may napupulot ako. Kung ano yung mga hindi ko pa nagawa, yun ang mga pinag-aaralan ko.

“Kasi meron din naman silang punto. Hindi naman lahat ng masama ang sinasabi wala lang magawa.

“Marami dun may sense din yung sinasabi at kailangang pakinggan. At tayo naman ay demokrasayang bansa, lahat ay may boses.”

RELATIONSHIP WITH BB. Samantala, hindi maiwasang tanungin si Robin tungkol sa kapatid niyang si Rustom Padilla na kilala na ngayon bilang BB Gandanghari.

Hindi itinanggi ni Robin na nami-miss niya ang kapatid ngunit ayon sa kanya ay si “Rustom” ang kanyang nami-miss at hindi ang bago nitong katauhan na si BB.

Ano nga bang nararamdaman niya sa binabalak ng kapatid na magpa-sex-change?

Sagot ni Robin, “Desisyon niya lahat yan. Desisyon niya lahat yan. Wala namang kumikontra sa kanya sa pamilya.

“Ano lang yan, kanya-kanya tayong prinsipyo sa buhay. Trip niya yun, masaya siya dun. E, di bahala siya.

“Kami, masaya kami dito. Kanya-kanyang trip 'yan. Pero siyempre, kapag may nangyari sa kapatid mo, ikaw ang unang pupunta dun.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Wala nang basagan ng trip ngayon. Naku, ang tatanda na natin, magbabasagan pa ba tayo ng trip?”

Ibig sabihin ba nito ay nangangamba siya na may maaaring may hindi magandang mangyari sa operasyon?

“Sana naman huwag. Kung anuman ang trip niya, e, walang mangyaring masama sa kanya. Dasal natin lahat yun para sa kanya.”

Ayon pa kay Robin, sa kabila nang hindi nila pagkakasundo sa issue ng kasarian, walang problema sa pagitan nilang magkapatid.

Sabi pa niya, “Wala namang problema. Wala, wala. Lalo na sa ‘kin, kapatid ko 'yan. Ang baduy naman niyan, magkakapatid, may problema?”

Hindi rin daw issue kung wala silang regular na komunikasyon sa isa’t isa. Ani Robin, “Alam mo sa magkakapatid, hindi n'yo naman kailangang araw-araw magkita o ano.

“Ang importante diyan, pag kailangan ka, nandun ka. Minsan naman baka palagi kang nandun, nakakaistorbo ka pala.”

Sa kabila raw ng kagustuhan ni BB na magpalit ng kasarian ay nariyan pa rin si Robin para sa kanya.

“Walang problemang ano 'yan…mas matanda siya sa ‘kin, e. Ano naman 'yan, e, usapin lang ng prinsipyo.

“At ang prinsipyo, pwedeng isantabi 'yan pag ang pinag-uusapan ay pamilya na,” wika ni Robin.

Ibig ba nitong sabihin ay hindi mawawala ang pagmamahal at respeto niya kay BB kahit matuloy na ang binabalak nito?

Sagot niya, “E, ang pagmamahal, hindi mawawala. Laging nandiyan ang pagmamahal. Kapatid mo, e. Hindi mawawala yun.”



STAND ON GUN BAN. Ngayong January 13 ay ipapatupad na ang election gun ban dahil nalalapit na nga ang panahon ng kampanya para sa May 13, 2013 elections.

Nang hingin ang kanyang opinyon tungkol dito, matapang na ipinahayag ni Binoe ang kanyang pagtutol.

“E, kahit total gun ban 'yan o gun ban, hindi ako pabor diyan. Dahil ang naapektuhan diyan yung sumusunod sa batas.

“Kami. Tayo, na meron tayong registered na baril, meron tayong permit to carry.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pag nagkakaroon ng gun ban, tayo, bawal magdala ng baril. Pero yung masasamang tao, nagdadala pa rin sila ng baril.

“Di para nila tayong pinakakain sa mga wolves. Di ba, para sa ‘kin, unfair yun.

“Lalo na ngayon, mag-e-eleksyon, tayo na naman ang walang baril. Yung mga goons, may baril.

“Hindi naman sumusunod sa batas yung mga yun e, di ba? Para sa akin, dapat walang ganun.

“Parang ako, nababaduyan ako dun. Binigyan ka ng permit to carry tapos magkakaroon ng gun ban? Walang logic. 'Wag ka na lang bigyan ng permit to carry.”

Paliwanag pa niya, “Tama yung sinabi ni Pangulong Aquino, e. Kailangan, kapag nakagawa ka ngayon na may gawa kang baril, yun ang mabigat ngayon ang kasalanan.

“Yun ang mabigat ang parusa.

"Pero yung wala ka pang nagagawa, tatangggalan ka ng baril, e, mahirap yun.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN