Isang lunch get-together ng ilang miyembro ng press ang ipinatawag ni Atty. Ferdinand Topacio noong Wednesday, April 10, sa kanyang opisina sa Pasig City.
Ipinakilala ni Atty. Topacio ang kanyang bagong alaga— ang 23-year-old Loven Canon mula sa Surigao.
Base sa pakikipag-usap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Loven, napag-alaman naming may kaya ang kanilang pamilya, kaya naging curious kami kung bakit gusto niyang pumasok sa showbiz.
CHILDHOOD DREAM. Lahad niya, “Actually, matagal ko na talaga siyang gusto, bata pa lang ako. It’s just that we’re from Mindanao... iyon nga, less opportunity, so kinalimutan ko siya.”
“So, iyon... nag-focus ako sa pag-aaral, sa business. It so happened na one time pinadala ako dito sa Manila to attend a business meeting, so ayun, nakita ako ng manager ko before, who was the manager of Jenny Miller before. So, nilapitan niya ako, sabi niya if artista ba daw ako, sabi ko, 'Hindi po.'
“Sabi niya, 'Gusto mo bang mag-showbiz?' E, sabi ko, i-try ko lang po kasi sobrang busy ako sa ngayon, e.
“Tapos later on, bumalik ako sa amin, tawag siya nang tawag... may mga acting workshop daw, baka gusto ko daw mag-join.
“E, gustuhin ko man, hindi ko siya masingit sa sked ko because sobrang busy nga, until such time na pumayag na ako kasi yaya siya nang yaya, so nag-attend ako ng isang workshop.
“So, iyon... from there, after that workshop nag-take off na, meron na kaming ginawang short film, so tuluy-tuloy na hanggang sa na-meet ko sila Atty. Topacio.
“Actually, what’s good right now, within just a short span of time, ano lang naman ako nag-start... within February.
“Meron na akong appearance sa Toda Maxx, meron na akong movie with Kim Chiu and Xian Lim under Star Cinema.
“Hindi ko lang alam kung kailan ipapalabas. I played the girlfriend of Kean Cipriano, iyong sa Callalily, which was the love interest of Kim Chiu daw dun. My scenes were shot already, but I think the whole movie hindi pa siya tapos.”
FAMILY BUSINESSES. Inusisa rin namin kung ano ba ang mga ari-arian nila sa Surigao.
Saad niya, “Actually iyong family ko, line talaga kami ng politicians, which was iyong great grandfather ko.
"After nung great grandfather ko, sumunod na iyong mga businessman, hanggang sa iyong dad ko. Iyong mga kapatid ng dad ko, business ang pinagkakaabalahan.”
“And sa aming magpi-pinsan, ako lang iyong business-inclined din. Lahat kasi ng mga cousins ko nag-aaral ng medicine, family of doctors kasi kami, and my family owns a hospital [Surigao Medical Center].
“And then may school din kami [Surigao Education Center] na may branch na kami in Cagayan right now. It's managed by my dad, pre-school to college siya.”
WORKING WITH WILLIE. Hindi naman masasabing baguhan si Loven pagdating sa showbiz. Nagtrabaho siya kay Willie Revillame sa Wil Time Bigtime noon bilang marketing associate.
Kuwento niya, “Before kasi, na-discover na ako ni Willie. Audience lang ako, sa TV5, kasi iyong friend ko gusto niya talagang manood ng show, tapos ako, may paayaw-ayaw pa akong nalalaman. Tapos, nung time na wala talaga siyang kasama, so napilitan ako na samahan ko iyong friend ko.
“It so happened na nakita ako ni Willie sa audience, tapos after nung show pinatawag ako sa dressing room, inalok ako ng trabaho, ganyan, ganyan.
"‘Gusto mo bang mag-host sa show?' Sabi ko, 'No, Kuya, may trabaho ako doon sa amin.”
“Ito palang si Willie, ugali nito ayaw niyang hinihindian siya, so sabi niya, 'Balik ka na lang dito bukas tapos i-tour kita sa studio, tingnan mo lang baka magustuhan mo, in case.'
“So, bumalik din ako... courtesy. Alam mo iyong ganoong respeto.
“Noong pagbalik ko, that was the first day of my work [sa Surigao], wala na akong magawa, tumawag na lang ako dun, tapos sabi ng dad ko, actually ayaw talaga naming mag-showbiz kasi iyong family ko conservative, ayaw nila iyong nakikita in public.
“Ako lang iyong... even before in Surigao, ako lang iyong nakikitang lumabas sa city, nangingialam ng issues sa city namin.
"So ayun, sabi niya [dad], kung ganoon talaga ang gusto mo just don’t stay in front of the camera. Stay behind, ayaw kasi nila yung public figure nga.
“So iyon, naging marketing officer ako ni Willie. Nagma-market ako ng show before, for nine months.”
Niligawan din ba siya ni Willie?
Natatawa niyang tugon, “Ay, naku hindi naman. Si Kuya, alam mo iyong lalaki…palabiro talaga e, ita-try ka talaga nun.
"Ngayon, nasa babae naman talaga 'yan, kung… hindi naman dinadaan-daan lang sa biro, ganun naman talaga si Kuya.
“Knowing Kuya, binibiro naman talaga lahat nun pag may nakilalang bago.”
Paano nga ba siya binibiro ni Willie noon?
Saad niya, “'O, Loven, ano ka ba, may boyfriend ka ba ngayon?'
“'E, wala Kuya e.'
“'Hindi ako maniwala, sa ganda mong yan? Ako, feel mo ba akong maging boyfriend?'
“Mga ganun lang… 'Kuya naman... Kuya, nagtatrabaho lang talaga ako. Gusto ko lang talagang magtrabaho dito.'
“Tapos sabi niya, ‘Pero pag magbago isip mo ha, dito lang ako ha?’
“Mga ganung biro lang.”
MEETING CESAR MONTANO. E, paano naman napasok si Cesar Montano sa buhay niya?
Patuloy niyang kuwento, "Iyon na nga, common friends before, may mga common friends na talaga kami na name-mention siya, parang, ‘Uy, kakilala mo ba si Loven? Nagso-showbiz-showbiz din kasi iyon.’
"'Ay, hindi ko pa na-meet, e,' parang palaging naririnig na ako ni Cesar.
“And it so happened, na iyong mga friends ko na friends ni Cesar nagsasabing, 'Ipa-meet ko kayo,' so matagal ko nang naririnig, matagal na din kaming gustong ipa-meet, it’s just sobrang busy ako.”
“So, one time nung presscon ko, after that presscon, pumunta kami, nag-drop by kami sa Bellisimo, tapos iyon na meet ko si Cesar, tapos from there niyaya niya ako na ipa-try iyong pasta niya... parang ganun-ganun.”
Inamin naman ni Loven na matagal na siyang tagahanga ni Cesar.
Lahad niya, “Since bata pa, hinahangaan ko iyon, ang laki talaga ng respeto ko dun, noong bata pa ako napapanood ko na iyong mga movies niya, iyong hindi ko makalimutan iyong Antipolo Massacre up until today.
“Tinatanong ko siya, 'Ano iyong sikreto mo?'
“Kasi di ba, kung gusto mong maging artista kailangan may hinahangaan ka talaga, tapos di ba kung i-impart man ni Cesar iyong knowledge niya of how he became a great actor, ano iyon sa akin... plus iyon sa akin.
“Tapos, isang karangalan sa akin iyong mahawakan ka ng isang Cesar Montano, na alam mong iti-train ka niya.”
Pabirong tanong ng PEP sa kanya, kung paanong mahawakan?
Depensa niya, “No, no... ibig kong sabihin, iti-train ka niya, iyong ganun ba, when it comes to workshop.
“Hindi, kasi may plan kami with my manager, and also sa kasama ko sa talent ni Atty. Topacio, may gagawin kaming indie [film] which will be directed by Cesar.
“And at the same time napag-usapan din nila na since si Cesar ang magdi-direk ng movie, siya iyong gagawa ng script, so why not siya na rin iyong magti-train sa amin sa workshop?
“So, kaming dalawa ni Xavier Cruz, another talent of Atty. Topacio, one-on-one workshop, from that matutukan ka talaga, di ba? Mailalabas iyong kung saan ka ba kulang.”
Hindi ba siya natakot na mai-link kay Buboy?
Tugon niya, “Naku, alam mo naman sa showbiz hindi talaga maiwasan iyang intriga, di ba?
“Pero ako, kaibigan ko lang talaga si Cesar. Mabuting kaibigan si Cesar.”
“Noong na-meet ko na siya, na-find out ko… na-amaze lang ako kasi very down-to-earth, very accommodating at first.
"Tapos alam mo iyong first meeting namin, normal naman yung parang ma-awkward, di ba, kasi ngayon lang kayo nagkita?
“Pero wala, e... parang matagal na kaming magkakilala... alam mo iyong gano'ng feeling parang close-close na, parang ganun.”
“MI AMOR.” Nabanggit din ni Loven na niregaluhan siya ni Cesar ng DVD ng isang movie nito, at nakita naming may nakalagay na dedikasyong “Mi Amor” or "My Love."
Ano kaya ang ibig ipahiwatig nito?
Sabi niya, “Wala, natuwa lang ako. Noong sinusulat nga niya iyong dedication, sabi niya, 'Naku, intriga ka nito.'
“E, natawa lang ako... ayun nagpasalamat lang ako kasi usually, I know binibili talaga iyon. Pero ito binigay ni Cesar. Parang sabi niya, 'It was a token.'”
CESAR'S PAINTING. Sa isang Instagram post naman ni Loven, may isang litrato dito na parang ipininta siya ni Cesar.
Ano ba ang kuwento tungkol dito?
Saad niya, “This one, iyong painting na ginawa niya sa akin... iyong mukha ko abstract, sabi niya, 'This is a token of friendship,' gumanun siya.
“'Montano expressionism,' ang sabi niya sa akin, na-overwhelm ako kasi that was the first painting na ginawa niya for the year 2013.”
Hindi kaya type siya ni Cesar?
Pag-amin niya, “Ay, hindi ko inaasahan iyong mga ganun, hindi naman ako assuming.
"Unless kung sasabihin talaga directly sa akin, pero I think my relationship with Cesar is iyong parang maestro namin siya, estudyante lang kami.”
Isang member ng press ang nagsabing, mabilis daw si Cesar pagdating sa chicks.
Ano kaya ang masasabi niya dito?
Lahad niya, “Ay naku, hindi pa ako handa sa mga ganung bagay as of now kasi tinatanong nga ni Atty. Topacio if may BF ako.
“Sabi ko, 'Atty, how I wish,' pero hindi ko talaga siya maisingit, e... with my schedule, sobrang hectic kasi even before, I do business na.”
Sa ngayon, abala raw si Loven sa kanyang trucking business at paghahanda sa kanyang nalalapit na indie movie.