Nine days of sightseeing and bonding for Lorna Tolentino and sons in France

IMAGE Allan Diones


Lorna Tolentino (right) with the flickering lights of the Eiffel Tower behind her. Her sons Ralph and Renz (left) also joined the actress's recent trip to France VIEW photos of Lorna Tolentino's trip to France


From Paris, kung saan napasyalan ni Lorna Tolentino ang Champs-Elysées, Arc de Triomphe, Eiffel Tower, at Notre Dame Cathedral, nagtungo ang kanyang grupo sa munting bayan ng Lourdes na nasa Pyrenees region sa southwestern France.

Dito ay nagsimba kami sa basilica nito at naglublob sa milagrosang tubig mula sa bukal ng Our Lady of Lourdes.

Nakaranas ng matinding pagbaha ang Lourdes nito lamang Hunyo at naapektuhan ang train station nito.

Kaya sa halip na sa mismong Lourdes ay sa Pau station kami bumaba at sumakay ng free buses na naghatid sa amin sa town proper ng Lourdes.

Matatandaang kasabay ni LT ang manager niyang si Lolit Solis na nagpa-stem cell treatment mula sa black mountain sheep sa Edenkoben, Germany noong 2012. Dapat sana ay babalik sila para sa second round ng kanilang stem cell shots, pero dahil may sariling stem cell treatment na ang Belo Medical Group ni Dra. Vicki Belo at ang Flawless (kung saang endorser ang aktres) ni Ms. Rubby Sy, ay sa Lourdes na lang sila tumuloy this year.

Agad na nagbalik-alaala si Manay Lolit pagkakita niya sa maganda at malaking Notre Dame du Rosaire de Lourdes (Basilica of Our Lady of the Rosary) na hindi pa ganun ang itsura noong huli siyang magpunta roon.

Taong 1982 nang una siyang makarating sa Lourdes, kung saan nag-shooting ng pelikulang Miracle of Love ang dati niyang alaga na si Gabby Concepcion. Si Roxanne Abad Santos (na may sakit na leukemia nung panahon na ‘yon) ang katambal ni Gabby.

Kuwento pa ng talent manager, pumanaw si Roxanne nung unang araw ng showing, at dahil doon ay naging hit ang pelikula sa takilya.

Ibang-iba raw ang itsura ng Lourdes na natatandaan ni Tita Lolit.

Ang hindi lang daw nabago ay ang La Grotte (Grotto) kung saan sinasabing nagpakita ang Mahal na Birhen sa dalagitang si Bernadette Soubirous.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Intact pa rin ang kuwebang bato ng Massabielle, ang lugar kung saan nakausap ng 14-anyos na peasant girl na si Bernadette ang Blessed Virgin nung 1858.

Naging Santa si Bernadette nang kilalanin ng Simbahang Katoliko ang mga milagrong naganap at mga gumaling nang dahil sa tubig na nagmumula sa bukal ng Lourdes.

Nandun pa rin sa grotto yung original source ng tubig na pinahukay ng Birhen kay Bernadette. Pero ngayon, marami nang drinking fountains kung saan libreng kumukuha ng tubig na sinasabing milagroso at nagpapagaling ng mga may karamdaman.

Bukod doon ay moderno na rin ang The Baths kung saan naliligo o naglulublob ang napakaraming dumadayo roon para malunasan ang kanilang mga sakit.

Mas mainit sa Lourdes kumpara sa Paris, pero nagtiyaga sa initan at sa mahabang pila sina Tita Lolit at LT para lang maranasan ang paglublob sa tubig.

Masaya, magaan, at maaliwalas ang pakiramdam nina LT at Manay Lolit matapos lumublob sa tubig ng Lourdes.

Ang sabi ng huli, nasa bucket list niya talaga ‘yon dahil hindi niya ito nagawa sa dalawang nauna niyang punta sa Lourdes.

"Yung una kasi ay saglit lang sila dahil sa shooting ng movie nina Gabby, at yung pangalawa ay winter yata so hindi siya nakaligo dahil malamig.

Si LT naman, tila mas gumaan daw ang feeling matapos manggaling sa The Baths, tapos ay lalo pa siyang na-refresh nang uminom siya ng malamig na spring water mula mismo sa drinking fountains.

Nung Sunday, July 7, ay nagsimba kami sa Rosary Basilica, kung saan English ang lengguwahe ng misa nung umagang ‘yon.

The previous night ay sumama kami sa malaking Marian procession na dinaluhan ng napakaraming deboto at pilgrims mula sa iba’t ibang sulok ng mundo.

Hindi biro lalo na sa matatanda at mga maysakit ang dumayo sa bayan na ‘yon para sa pag-asang gagaling ang kanilang mga karamdaman at pagbibigyan ng Our Lady of Lourdes ang kanilang mga kahilingan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

ASIAN DELICES. Akala ni LT, malamig ang panahin sa Lourdes kaya puro long sleeves ang dinala niyang damit.

Namili ito ng sundress sa mga flea market, at dito niya na-meet si Gina Lat-Rousset, isang Pinay na nakapag-asawa ng Pranses na piniling manirahan at magtayo ng munting negosyo sa Lourdes.

Asian Delices ang tawag sa food kiosks nila sa 61-63 Rue de la Grotte na nag-iisang tindahan ng Filipino food.

Ang sarap magluto ni Gina kaya sinuportahan siya ng mabait niyang French husband na si Charly Rousset. Sarap na sarap si LT sa adobo kaya nag-take out pa ito at dinalhan kami sa tinutuluyan naming hotel.

Si Lorna raw ang ikalawang artista na nakita roon ni Gina.

Ang una ay si Shaina Magdayao na nagpunta roon kamakailan nang maghiwalay ito at ang nobyong si John Lloyd Cruz. Bumili rin daw si Shaina ng adobo kay Gina, na ayon sa kanya ay mabait sa personal ang Kamilya actress.

Nung Abril ay nagpunta rin sa Lourdes si Kris Aquino kasama ang mga anak na sina Joshua at Bimby, pero nanghinayang si Gina dahil hindi niya nakita si Kris in person.

Apat na Pinoy lamang sila na naninirahan doon sa Lourdes at natutuwa sila kapag may celebrities na napapadpad doon. Kahit nasa France ay nasubaybayan daw ni Gina online ang huling teleserye ni Lorna sa GMA-7 na Pahiram ng Sandali.

Napapanood din niya sa Startalk si Manay Lolit at ang Bukod Kang Pinagpala, kung saan kasama ang anak ni LT na si Ralph.

SHOPPING WITH RENZ. Bukod sa magagandang tourist sites, na-enjoy din ni LT ang pagsa-shopping sa Paris.

Kasundung-kasundo ng aktres ang ang anak na si Renz pagdating sa shopping.

Panay ang ikot ng dalawa sa Champs-Elysées at nagtagal din sa kakapamili sa Galeries Lafayette.

Isang ikinatuwa ni LT ay ang pagkikita nila sa Paris ng college friend niyang si Connie Lugue, na based na roon at tumatayong chief of staff ng ating Philippine Ambassador to Paris and Monaco na si Cristina G. Ortega.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nag-host ng dinner ang ambassador at si Connie sa French restaurant na Chez Clément sa Champs-Elysées. Naimibitahan din ang grupo sa official residence ni Madam Ortega na nasa Avenue Foch.

From there, dinala kami ni Ms. Connie sa Eiffel Tower.

Halos hatinggabi na nang nakarating kami sa Trocadero, kung saan may magandang view ng pamosong tore.

"INVALID WOMAN." At the end of our trip, masakit na ang tuhod ni Manay Lolit at hindi na niya kering rumampa.

In fairness, nung una ay join siya sa malalayong lakaran sa Paris kahit ilang beses na siyang nagpunta roon.

Walk din siya sa Lourdes, kung saan hinanap pa ang coach na sasakyan sa may train station.

Kaya ayun, pagbalik ng Paris ay bumigay na ang tuhod niya at kiyemeng imbalido na raw siya.

Pero magiliw pa rin siyang nagpasalamat kina "Doktora Vicki Belo at kay Tita Babette for making possible my dream for a miracle bath. Talagang generous sila sa kanilang love!"

Ang binabanggit niyang si Tita Babette ay si Madam Victoria Aquino-Benoit, na "reyna ng Paris" kung tawagin ni Manay.

Tiyahin ito ni Kris Aquino at kapatid ni Ninoy Aquino at ng dating senadora na si Tessie Aquino-Oreta.

Kamukha ni Sen. Tessie si Tita Babette, na mahigit nang 20 years sa Paris, kung saan na rin siya nakapag-asawa ng isang Pranses.

Honored kami na nag-host ng masarap na Filipino dinner si Tita Babette para sa grupo namin sa kanyang posh home sa Rue du Cirque na walking distance lang mula sa tinuluyan naming apartment sa Rue de Duras.

GOING BACK TO 'PINAS. Bago mag-lunchtime nung July 12 nakabalik ng ‘Pinas ang grupo namin mula sa siyam na araw na bakasyon sa France.

Isang magandang balita ang sumalubong kay Manay Lolit pag-uwi niya ng Maynila.

Napag-alaman niyang ibinasura ng korte ang kasong libelo na isinampa sa kanya ni Atty. Raymund Palad, ang abogado ni Katrina Halili sa kaso nito noon laban kay Hayden Kho, Jr.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nagkaroon ng isyu noon si Atty. Palad sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) at naisulat ‘yon ni Tita Lolit sa kanyang kolum.

Nagalit daw ang nasabing abogado at naghabla sa korte ng Valenzuela. Damay din sa nasabing kaso sina Ricky Lo, entertainment editor ng Philippine Star, at Salve Asis, entertainment editor ng Pilipino Star Ngayon.

“Naku, isa ‘yon sa mga miracle ng Lourdes sa akin. Na-dismiss yung kasong libel ni Atty. Palad sa amin nina Ricky at Salve,” bulalas ng Startalk host sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

Dagdag niya, “Tahimik lang kami, pero nung May pa yung kaso na ‘yon. Ngayon, mag-iingay na ako dahil dismissed na. ‘Di ba, poetic justice for the invalid woman na planning to go to Europe again?

“Magandang pasalubong kahit sumakit ang tuhod ko sa Paris, ‘di ba?"

Ang number one city pa rin sa puso ni Tita Lolit ay ang Tokyo, Japan; number two ang New York sa USA; at number three ang Washington. Pero tila nagkakaroon na raw siya ng emotional attachment sa Paris kaya mukhang malapit na itong maging number four city sa puso niya!

VIEW photos of Lorna Tolentino's trip to France


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN