Who is Atty. Ferdinand Topacio?

IMAGE Nerisa Almo

Kilala si Atty. Ferdinand Topacio sa showbiz circles dahil sa paghawak nito ng mga kontrobersiyal na kasong kinasasangkutan ng mga artistang tulad nina Claudine Barretto at Yasmien Kurdi. Dahil dito ay hindi maiwasang madawit din sa mga intriga ang personal na buhay ng abugado.


Sa mundo man ng showbiz o pulitika, madalas na ang may hawak ng mga kontrobersyal na kaso ay si Atty. Ferdinand Topacio, 47.

Gustong malaman ng marami: sino si Atty. Topacio?

Bilang maiksing profile ng abugadong madalas mapag-usapan sa showbiz circles ngayon, nilalatag ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang ilang kasong hawak, o hinawakan, ni Atty. Topacio.

Makikitang ang mga kliyente ng abugado ay hindi lamang sa larangan ng showbiz, kundi nauna pa nga ang mga kliyente nitong mga pulitiko.

Hawak din niya ang ilang pribadong mamamayan na inakusahan ng murder.

Sa showbiz, ang mga kasalukuyan o kaya'y dating mga kliyente ni Atty. Topacio ay sina Claudine Barretto, Sarah Lahbati, Bea Binene, at Yasmien Kurdi.

Sa pulitika, ang mga kliyente ni Atty. Topacio ay sina dating Presidente Gloria Macapagal Arroyo, dating First Gentleman Mike Arroyo, at dating Governor Luis "LRay" Villafuerte.

Sa mga kasong murder naman, defense lawyer si Topacio nina dating Governor Joel Reyes at kapatid nitong dating Mayor Mario Reyes, na mga akusado sa pagpatay sa broadcast journalist na si Gerardo Ortega.

Kasalukuyang defense lawyer naman si Atty. Topacio ni Lope Jimenez, ang pangunahing akusado sa pagpatay kay Ruby Rose Barrameda.


CLAUDINE BARRETTO. Sa kasalukuyan, si Topacio ang legal counsel ni Claudine Barretto sa mga kasong isinampa ng aktres sa asawa at aktor na si Raymart Santiago.

Nito lang Oktubre 1 ay pinangunahan ng abugado ang isang press conference, kung saan pinabulaanan ng kampo ng aktres ang sinabi ni Raymart na nalululong ang aktres sa ipinagbabawal na gamot.

Mula nang maghain si Claudine ng Temporary Restraining Order laban kay Raymart noong Hulyo 29, madalas nang si Atty. Topacio ang tagasagot ng mga katanungan ng media para sa aktres.

Siya rin ang may hawak ng mga kasong Petition for Child Custody at Perjury na isinampa ni Claudine laban kay Raymart.

Ang mga kasong ito ay kasalukuyang dinidinig sa Marikina Regional Trial Court.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi ito ang unang pagkakataong sumabak si Atty. Topacio sa mga kasong sangkot ang isang high-profile showbiz personality.


SARAH LAHBATI. Siya ang unang abugado ni Sarah Lahbati, nang sampahan ang aktres ng kasong Libel ni Atty. Annette Gozon-Abrogar, presidente ng GMA Films, at ng sumunod na kasong Breach of Contract ng GMA Network, noong Enero ng taong ito.

Ang pumalit na abugado para kay Sarah ay si Atty. Marie Glen Abraham, sa mga kasong sa kasalukuyan ay dinidinig sa Quezon City Prosecutor's Office.


YASMIEN KURDI. Si Atty. Topacio rin ang nagsilbing legal counsel ng Kapuso star na si Yasmien Kurdi, nang sampahan ng aktres ng reklamong Acts Of Lasciviousness at Unjust Vexation ang co-star na si Baron Geisler, noong May 2009.

Natagalan ang resolusyon ng kasong ito, dahil na rin sa ilang beses na hindi pagsipot ni Baron sa Bocaue Municipal Trial Court, para sa patuloy na pagdinig ng kaso noong 2010.

Noong October 2011, nagkasundo ang kampo ni Yasmien at ni Baron na magkaayos na, kung magbibigay ng public apology ang aktor.

Nagkaharap ang dalawa sa isang press conference na ginanap sa Pepeton’s Restaurant, Scout Borromeo, Quezon City, at dito ay pormal na humingi ng tawad si Baron kay Yasmien.

Dito rin inanunsiyo ng aktres ang plano niyang magsumite ng Affidavit of Desistance sa korte, upang pormal nang iurong ang kaso laban sa aktor.


ANGELICA JONES. Kinuha si Atty. Topacio bilang abugado naman ni Angelica Jones, nang maghain ang dating aktres ng electoral protest matapos nitong matalo bilang miyembro ng Provincial Board ng Laguna noong 2007.

Sa kasalukuyan ay wala pa ring pinal na resulta ang ihinaing reklamo ni Angelica sa Commission on Elections.

Samantala, nagtagumpay ang aktres na makamit ang naturang puwesto sa gobyerno noong 2010 at 2013 elections.


BEA BINENE. Tulad ng kanyang mga kliyente, mismong si Atty. Topacio ay hindi nakaligtas sa mga intriga.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Halimbawa na ang nauwing masalimuot na lawyer-client relationship nila ng GMA contract star at Artist Center talent na si Bea Binene.

Ayon sa mga lumabas nang media reports, naging malapit si Atty. Topacio, 47, sa pamilya ni Bea Binene, 15, dahil tumulong ang abugado sa pag-launch ng Bea Cares Foundation noong 2011.

Pero nauwi sa eskandalo ang maganda sana nilang samahan.

Una na rito ang napabalitang ugnayan sa pagitan ni Atty. Topacio at ni Bea, na pareho nilang pinabulaanan sa publiko.

Ilang buwan matapos nito, nadawit naman sila sa panibagong kontrobersiya.

Matatandaang kumatawan si Atty. Topacio bilang legal counsel umano ni Bea sa kasong Child Abuse, na isinampa ng aktres laban sa DWLS disc jock na si Daniel Villanueva, o mas kilala bilang Papa Dan.

Pero sa mga sumunod na naglabasang balita ay itinanggi ni Bea na binigyan niya ng awtoridad si Atty. Topacio na idemanda si Papa Dan.

Ikinagalit ito ng abugado dahil ipinagmukha raw siyang sinungaling ng aktres.

Sumunod ay nagsampa ng civil case si Atty. Topacio laban kay Bea, upang linisin umano ang kanyang reputasyon. Patuloy ang pagdinig ng kaso sa Regional Trial Court ng Tanauan, Batangas City.



QUESTIONABLE CLOSENESS TO CLAUDINE? Sa kasalukuyan, nagkakaroon naman ng ispekulasyon sa pagiging malapit ni Atty. Topacio sa kanyang kliyenteng si Claudine, 34.

Buwan ng Agosto nitong taon nang kwestiyunin ng mismong Instagram at Twitter followers ng aktres ang tungkol dito.

Ito ang mga panahong madalas mag-post si Claudine ng mga larawan nila ni Atty. Topacio na magkasama sa iba’t ibang pagtitipon.

Dala ng palitan nila ng tweets noon, may fans si Claudine na nakapansin sa sweetness nila sa isa’t isa.

May tweet si Claudine noong August 25 na: “@FerdiTopacio Been trying to call u. Uwi ka na.”

Ang sagot na tweet ni Atty. Topacio: “Hi clau on my way home tom. Miss you, Sab and Santino, Meeting agad pagdating ko, ha? Blessed Sunday to all of you.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ganunpaman, mabilis na pinabulaanan ng dalawa ang bulong-bulungan sa pagkamalapit nila.

Paliwanag ni Claudine sa kanyang followers sa Twitter: “NasaVietnampo kasi c @FerdieTopacio at medyo na miss namin presence nya sa bday nung kaibigan namin wid Atty. Joey Lomangaya.

“Medyo may problema lang kasi kahapon kaya pinauuwi na namin sya. cannot b reached cell niya sa twitter lang pala mahahanap @FerdieTopacio.”

Paliwanag naman ni Atty. Topacio, ang lahat daw ng kanyang kliyente ay itinuturing niyang kaibigan, kundi man kapamilya.

Saad ni Atty. Topacio sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong August 26: “My clients are close to me because you have to understand the nature of the cases that I am handling for them…

“…I am in a manner of speaking her [Claudine's] best friend right now, in the sense that she has to tell me all of her secrets.

“Because gano’n naman talaga kapag may lawyer ka. Lahat ng information na dapat mong ibigay [ibibigay mo], in order for the lawyer to effectively protect you.”

Nabanggit din ni Atty. Topacio na isa siyang “happily married man,” kaya’t imposible raw na magkaroon siya ng affair sa ibang babae.

Ang asawa ni Atty. Topacio ay si Judge Dinnah Aguila, na sa kasalukuyan ay nagtatrabaho bilang hukom sa Manila Regional Trial Court, Branch 42.

Maging si Claudine ay naglinaw din na wala silang relasyon ng kanyang abugado.

Bilang patunay nito, iginiit ni Claudine na madalas nga niyang makausap ang asawa ni Atty. Topacio sa telepono.

THE SINGER-LAWYER. Ganunpaman, naging palaisipan kung bakit madalas madawit sa intriga ang kilalang abugado.

Sa pananaliksik ng PEP, ang umaangat na dahilan—liban sa pagtanggap niya ng mga kliyenteng high-profile at controversial—ay ang pagiging mala-showbiz ni Atty. Topacio.

Bukod kasi sa pagiging abugado, dati siyang bokalista ni Eli Saison sa Concourse Lounge ng Manila Garden Hotel, na ngayon ay kilala bilang Dusit Hotel.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hanggang ngayon ay tumatanggap pa ang abugado ng gigs bilang jazz singer ng bandang The Jazz Holes.

Hilig ni Atty. Topacio ang pagkanta, base na rin sa larawan nila ni Claudine at iba pang mga kaibigan na nagbi-videoke session.

GLORIA AND MIKE ARROYO. Bagamat palabiro at simple ang dating ni Atty. Topacio, bigatin ang mga hawak nitong kaso sa mundo ng pulitika.

Si Topacio ang legal counsel ni dating Presidente Gloria Macapagal Arroyo, na humaharap sa kasong electoral sabotage simula noong 2012.

Dinidinig ang kaso sa Pasay City Regional Trial Court sa kasalukuyan.

Siya rin ang abugado ng dating First Gentleman Jose Miguel “Mike” Arroyo, na naghain ng petisyon upang ibasura ang Department Circular No. 41 ng Department of Justice-Commission on Elections (DOJ-COMELEC), kaugnay ng electoral-sabotage complaint laban sa kanyang asawa.

Dinidinig ang kaso sa kasalukuyan.


LRAY VILLAFUERTE. Si Atty Topacio rin ang lead counsel ng dating Camarines Sur Governor Luis Raymond “LRay” Villafuerte, sa kampanya nito na pigilan ang dibisyon ng naturang probinsiya.

Ang House Bill 4820, na may layuning hatiin sa dalawa ang probinsiya ng Camarines Sur, ay kasalukuyang dinidinig sa Senado.


ALFREDO LIM. Si Atty. Topacio pa rin ang nagsilbing defense lawyer ni dating Manila Mayor Alfredo Lim, noong sinampahan ng electoral protest si Lim ng kandidato at dati ring Manila Mayor Lito Atienza, noong May 2010.

Noong Enero nitong taon ay pormal nang iniurong ni Atienza ang reklamong inihain niya sa Comelec.


JOURNALIST GERARDO ORTEGA. Si Atty. Topacio ang tumatayong defense lawyer ni dating Palawan Governor Joel Reyes, sa kasong pagpatay sa broadcast journalist na si Gerardo Ortega.

Si Gerardo ay namatay sa pagkabaril sa ulo, na nangyari pagkatapos nitong mag-broadcast ng programa niya sa DWAR, sa Puerto Prinsesa City, noong Enero 2011.

Naaresto ang kinilalang gunman na si Marlon Recamata at ang kasabwat na si Rodolfo Edrad, noong Pebrero 2011.

Sa kanyang sinumpaang salaysay, itinuro ni Rodolfo si ex-Governor Joel Reyes at kapatid nitong si Coron Mayor Mario Reyes, na siyang nagsiutos umano sa pagpatay kay Ortega.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pinaghihinalaang motibo ang lantarang pag-atake ni Ortega sa mga local officials na sangkot umano sa kontrobersiyal na Malampaya funds scam.

Nag-isyu ang Puerto Princesa Regional Trial Court ng warrant of arrests para sa magkapatid na Reyes noong Marso 27, 2011, ngunit nakaalis ng bansa patungong Vietnam ang dalawang akusado.

Noong June 2011, niresolba ng Department of Justice ang kaso pabor sa magkapatid na Reyes, dahil sa kakulangan ng ebidensiya.

Noong September 2012, nagbuo ng investigating panel si Justice Secretary Leila De Lima upang muling buksan ang kaso.

Ngunit nitong Marso 2013, pinawalang bisa ng Court of Appeals ang ikalawang investigating panel ng DOJ, dahil sa ilang teknikalidad.

Sa kasalukuyan ay balak ng pamilya ng namayapang journalist na mag-apela sa Supreme Court.


RUBY ROSE BARRAMEDA. Kliyente rin ni Atty. Topacio si Lope Jimenez, ang pangunahing akusado sa kasong pagpatay kay Ruby Rose Barrameda.

Si Ruby Rose ay kapatid ng dating beauty queen at artistang si Rochelle Barrameda.

Matatandaang noong Marso 2007 ay naiulat ang pagkawala ni Ruby, na hiwalay na asawa ni Manuel Jimenez III, anak ni Lope.

Sumuko ang isang suspek, si Manuel Montero, noong Mayo 2009, at umamin ito sa salang pagpatay kay Ruby.

Sa tulong ni Montero, natagpuan ang katawan ni Ruby, na nakapaloob sa isang steel drum na puno ng semento, sa Navotas City, noong June 2009.

Ilan pa sa mga itinurong kasabwat ni Montero ay sina Manuel Jimenez Jr., Lope Jimenez, Eric Fernandez, Robert Ponce, at Lennard “Spyke” Descalso.

Ang asawa ni Ruby na si Manuel Jimenez III ay nadawit sa kaso, ngunit tinanggal din kinalaunan sa listahan ng akusado, dahil sa kawalan ng ebidensiya.

Ang kaso ay kasalukuyang nililitis. Sa ngayon, si Manuel Montero, na siyang pangunahing witness ng prosecution, ay umatras na.

Ayon sa gmanetwork.com ng Agosto 15, 2013, sinabi ni Robert Reyes, ang ama ni Ruby Rose: "The case is not moving and not progressing. Ruby Rose has already been the victim. Her family should not be victimized as well because the case has been moving at a snail's pace."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Panawagan ng ama sa Court of Appeals: "Kaya we are asking the CA justices na i-resolve na ang mga pending motions."

BACKGROUND. Sumunod si Atty. Topacio sa yapak ng kanyang ama, na isang abugado at dating pulitiko.

Ipinanganak sa Cavite noong November 9, 1965, si Atty. Topacio ay bunsong anak ni Atty. Arturo Topacio Jr., na dating senior member ng Provincial Board at three-time councilor ng Cavite.

Ang ina niyang si Belen Sumague-Topacio ay dating City Treasury Administrative Officer ng Tanauan, Batangas.

Nagtapos si Atty. Topacio ng kolehiyo sa San Sebastian College-Cavite, at saka nagpatuloy ng post-graduate studies sa Ateneo Law School at University of the East.

Bagamat pinili ni Atty. Topacio na manatiling isang abugado kaysa maging pulitiko, aktibo ito sa pagsisilbi sa gobyerno.

Ayon sa wikipedia, ilan sa mga nauna niyang trabaho ay ang pagiging speech writer sa Office of The Vice-President (1989-1991), noong panahon ni Vice-President Salvador Laurel;

Special Legal Counsel to the Mayor of Manila (1993-1998), noong panahon ni Mayor Alfredo Lim;

at Chairman of the Manila Sports Council (1994-1998), noong panahon pa rin ni Mayor Lim.

Ang tanong na lang: ano pa kaya ang mga susunod na kabanata sa buhay at karera ng isang Atty. Ferdinand Topacio?


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN