Rocco Nacino haunted by spooky encounters at home and on the set of Lam-Ang and Bayan Ko

IMAGE Demai G. Sunio-Granali

Dahil sa ilang makababalaghang karanasan, hindi ninanais ni Rocco Nacino na mabuksan pa ang kanyang third eye. “Matatakutin ako, e. Huwag na lang.”


Kapag panahon ng Halloween, nagiging paboritong paksa ng usapan ang katatakutan.

Maging ang mga celebrities ay hindi nawawalan ng kuwento tungkol sa mga kababalaghang naranasan nila.

Isa si Rocco Nacino sa mga celebrities na nagsabing nagkaroon ng nakakatakot na karanasan.

Aniya, nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) pagkatapos ng Sunday All Stars noong Linggo, October 27, “Naniniwala ako na totoong may mga multo at iba pang mga espiritu.”

Ito raw ay dahil sa mga nakita at naranasan ng kanyang pamilya sa nilipatan nilang bahay dito sa Pilipinas nang manggaling sila ng Singapore.

"I was 13 years old, and hindi pa nabi-bless iyong bahay namin.

"Mahilig akong matulog noon sa comforter na nakalabas ang paa.

"At one time, may nag-flick sa paa ko. Tapos pagtingin ko sa paanan ng bed, may ulo na pababa.

"So iyon pala, may nakatira sa bahay namin!" natatawa niyang sabi.

"Tapos iyong mga kasambahay namin, tuwing umuupo sila sa toilet bowl, nagpa-flush nang kusa.

"Iyon, may nangti-trip talaga.

“Pero noong na-bless na iyong bahay, nawala na siya.”

Bukod dito, may ilan pang hindi maipaliwanag at makapanindig-balahibong karanasan si Rocco sa shooting ng pelikulang Lam-Ang, na hanggang ngayon ay hindi pa naipapalabas.

"Sa Lam-Ang, noong nagsu-shoot kami sa Ilocos, wala kaming portalet kasi nasa isang malaking field kami.

“So, kung saan-saan na lang umiihi ang mga boys. Hindi ako nakapag- 'tabi-tabi po'. At noong gabing ‘yon, nabangungot ako.

“May dumalaw sa akin na parang maliit na tao, 'tapos tumatalon siya sa katawan ko.

"Nawala lang siya nang pinilit kong hatakin iyong kumot ng P.A. ko. 'Tapos noong nagising siya, nawala na.

“And then, noong ikinuwento ko sa mga production staff kinabukasan, apat pala kaming nabiktima!”

THIRD EYE. Sa dalawang beses na nakaranas si Rocco ng kababalaghan, pakiramdam ba niya ay lapitin talaga siya ng mga engkanto, espiritu, o kung anupamang supernatural entities?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Dalawang beses lang naman!” natatawa niyang sagot.

Naniniwala ba siya sa third eye?

“Oo. May mga kaibigan ako na kapag naglalakad kami, sasabihin nila, 'O, huwag tayo dito pumuwesto o tumambay.' Lipat daw kami ng lugar dahil may nakikita siya.

“During our taping ng Bayan Ko, may nangyari din.

"Hindi kami makabigkas ng lines namin ni Betong dahil tawa kami nang tawa.

“Si Direk Adolf, hinayaan niya kami, so naka-take six or seven kami hanggang nakuha na namin."

Ang tinutukoy ni Rocco na Direk Adolf ay si Adolf Alix Jr.

“Iyon pala, after, sabi ni Direk Adolf, kaya hindi siya nagagalit at hinayaan niya kaming matawa hanggang sa matapos iyong eksena, dahil may nakikita siyang dalawang figure sa harap namin.

"Pinagti-tripan daw nila kami kaya tawa kami nang tawa!”

Kung totoong lahat ng tao ay may third eye, kaya lang ay nakasara iyong sa iba, gugustuhin ba ni Rocco na pabuksan iyong sa kanya?

“Ayoko!” sabay ngiti ng Kapuso actor.

“Matatakutin ako, e. Huwag na lang.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN