NEWBIE: RK Bagatsing tells the tale of how he broke into showbiz sans the help of brother Raymond Bagatsing

IMAGE Glen P. Sibonga

RK Bagatsing on his frustrations during his days as a showbiz hopeful: "Ang pinakamahirap siguro, iyong rejection sa audition. Doon, na-depress talaga ako doon. Lalo na iyong pinakamalapit na, iyong dalawa na lang kayo, 'tapos iyong isa iyong pipiliin... kasi siyempre, ikaw, gutom na gutom ka, e."


Nang magdesisyong pumasok sa showbiz ang baguhang aktor na si RK Bagatsing, sadyang hindi niya ipinaalam sa nakararami na kapatid niya ang batikang aktor na si Raymond Bagatsing.

Mas masarap daw kasi sa pakiramdam kapag alam niyang nakuha niya ang isang proyekto dahil sa pagsisikap at hindi dahil sa may koneksyon siya.

Pag-amin ni RK sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), “In a way, nakakatulong kapag nalaman nila na kapatid ko siya, pero I never really used his name or his connections para magka-project ako.

"Lalo na ngayon, nasa GMA siya, never ko sinabi sa kanya na, ‘Kuya, ipasok mo naman ako diyan.’ Hindi ko ginawa iyon. Hindi talaga ako umasa sa kanya.

"Kasi si Kuya naman, inabot niya iyong status niya ngayon sa sarili niyang sikap, so ganun din ang gusto kong gawin.”

Nakausap ng PEP.ph si RK noong Nobyembre 8, sa intimate press conference ng pelikulang Slumber Party, sa Nomnomnom Restaurant sa Quezon City.

Una nang naipalabas sa piling sinehan ang pelikula noong nakaraang taon, bilang bahagi ni Cinema One Originals Film Festival.

Magkakaroon naman ito ng nationwide screening simula Nobyembre 27 ngayong taoon.

Kabilang sa cast ng pelikula sina Markki Stroem, Archie Alemania, at Sef Cadayona.

Sa pagpapatuloy ng panayam, sinabi ni RK na kahit kailan ay hindi rin daw siya nagyabang na kuya niya si Raymond.

“Hindi naman ako yung pag pupunta sa audition, sasabihin, ‘Kapatid ako ni Raymond Bagatsing,’ hindi ko naman ginawa iyon.

"Kasi, parang, ang yabang ng dating, di ba? At saka mas lalong tataas ang expectation sa iyo pag ganoon.

"Actually, mas may pressure pa nga pag ganoon.

"Nalalaman na lang nila na magkapatid kami kapag tinanong nila ako.”



INSPIRED BY KUYA RAYMOND. Malaking inspirasyon nga raw para kay RK ang kanyang Kuya Raymond, kaya naman sa kanya rin siya humihingi ng payo tungkol sa acting at showbiz.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Of course, marami rin naman akong natutunan kay Kuya kasi isinasama niya 'ko sa mga taping.

"He gave me some tips on acting, about the business, ganyan. Idol ko talaga ang kuya ko.”

Hindi ba siya nag-aalala na lagi siyang maikukumpara sa kuya niya?

“Iyong comparison, hindi ko masyadong pinuproblema iyon kasi hindi naman ako nandito para maging another Raymond Bagatsing, e.

"Gusto ko siyempre gumawa ng RK Bagatsing na pangalan.

"Pero ginagawa kong inspirasyon ang lahat ng achievements ng kuya ko for me to also do good dito sa business.”

HARDSHIPS AND REJECTIONS. Binalikan ni RK ang mga pinagdaanan niyang hirap bago siya tuluyang nakapasok sa showbiz.

“Nag-VTR ako, nag-audition ako, sari-sari ang ginawa ko.

"Kasi galing ako sa corporate world, e, nang mag-decide ako na gusto kong i-pursue iynng pag-aartista katulad ng kuya ko.

"So, siyempre, kailangan kong mag-invest para makuha ko ang gusto ko. Hanggang sa unti-unti nauubos na iyong ipon ko.

"I sold my car. Na-experience kong mag-commute.

"Akala ko kasi noon, kapag nakuha ka sa isang commercial, magtutuloy-tuloy na iyon. Hindi pala ganun.

"Habang nandito ka pala sa showbiz, kailangan mo palang paghirapan lahat.”

Upang tuparin ang pangarap niyang mag-artista, nag-enrol sa Star Magic workshop si RK sa ilalim ng director at acting coach na si Rhyan Carlos.

"That was noong nasa corporate world pa ako at nagde-decide akong pasukin ang showbiz.

"Mahirap, kasi pumapasok ako sa work sa umaga, tapos workshop sa gabi, at madaling araw na ako nakakauwi."

Nakapag-go-see pa raw si RK kay Star Magic head honcho Johnny Manahan para sana mapabilang sa Star Circle, pero hindi ito natanggap.

Nag-audition din siya sa reality show ng ABS-CBN na Pinoy Big Brother, at pati na sa artista reality search ng GMA Network na StarStruck, pero hindi rin pinalad si RK.

"Natatandaan ko pa nga noon sa PBB, after ng audition, noong mapadaan ako kay Direk Lauren Dyogi, sinabihan niya ako, ‘May problema ka ba?' Kasi napansin niya siguro parang ang lalim ng iniisip ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sabi ko, ‘Hindi po. Wala po.’ Pero, alam mo, pag naiisip ko yun, ano kaya kung sinabi kong may problema ako, siguro baka nakuha ako,” biro niya.

Ano ang pinakamahirap at pinakamasakit na naranasan niya sa pagtupad ng kanyang pangarap sa showbiz?

“Ang pinakamahirap siguro iyong rejection sa audition. Doon, na-depress talaga ako doon.

"Lalo na iyong pinakamalapit na, iyong dalawa na lang kayo, 'tapos iyong isa iyong pipiliin... kasi siyempre, ikaw, gutom na gutom ka, e.

"Minsan iyong client pipiliin iyong mas kilala kaysa sa akin, kasi siyempre, iyon, sure na. E, ako hindi pa kilala.

"Parang ang sakit noon na, 'Sana bigyan niyo naman ako ng chance.'

"Siyempre, masakit, uuwi ka and ganoon na naman. Iisipin ko, ‘Ano kaya ang mali sa akin?’

"And ang mahirap is how to keep yourself moving forward, kasi dinadamdam ko talaga noon, e."

May panahong halos sumuko na raw si RK at itinigil ang pagpunta sa audition at VTRs sa loob ng anim na buwan.

"Iniisip ko kung babalik na lang ba ako sa corporate world, kasi iyong mga dating katrabaho ko ang tataas na ng mga position.

"So, siyempre meron iyong mga 'what if', pero babalik pa rin eventually iyong drive mo sa gusto mong gawin.

"Parang, nandiyan lang iyan, namamatay lang for a while pero nabubuhay din ulit.

Sa muling pagsabak ni RK sa auditions ay natutunan niyang maging mas matibay pagdating sa kabiguan.

"Unlike before na dinadamdam ko pag hindi ako nakuha, ngayon, dahil na rin sa dami ng rejections, parang manhid ka na.

"Nandoon na ako sa thinking na kung hindi talaga para sa akin, hindi talaga.”



FIRST TASTE OF SHOWBIZ. Kung tutuusin, hindi naman ito ang unang pagkakataong pumasok sa showbiz si RK.

Kuwento niya, “Noong bata kasi ako, siguro mga twelve o thirteen, kasali ako kay Kuya Germs [German Moreno], iyong Bestfriends noon na parang That’s Entertainment."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kasabayan nga raw niya ang ilang artista, na sina Biboy Ramirez, Aubrey Miles, at ang magkapatid na Rayver at Rodjun Cruz.

Pero hindi pa raw itinuring iyon ni RK na seryosong showbiz career.

"Siyempre, bata pa ako noon, so parang naglalaro-laro lang. Hindi ko talaga sineryoso iyong showbiz.”

Naguguluhan pa rin daw siya noon kung ano ba talaga ang gusto niya.

“One time, sabi ko, 'Ayoko na, gusto ko namang mag-basketball.'

"Sabi ng parents ko, ‘Seryoso ka? Nandiyan ka na, e, nasa GMA ka na, e.’

"Pero, iyon, ako pa rin ang nasunod kaya nag-aral ulit ako, at doon ko itinuloy iyong gusto ko na mag-basketball.

"Pumasok ako sa varsity, nasa Team B ako noon, kaya lang hindi ko rin naituloy noong magka-injury ako.

“And then, hindi pa ako nakaka-graduate nang mag-decide naman akong magtrabaho na.

"Pumasok ako sa call center, then sa sales and marketing. I was earning good naman that time.

"Kaya lang, parang may hinahanap ako. Hanggang one day nag-decide akong pasukin at i-try ulit ang showbiz.”

FULFILLING HIS DREAM. Sadya raw yatang nananalaytay sa ugat ni RK ang pagiging artista, kaya muli siyang nagbalik sa showbiz.

Sa kabila ng hirap na dinaanan, hindi raw siya sumuko.

Mas lalo pang nabuhay ang pangarap niya nang makapasa siya sa audition para sa kanyang kauna-unahang pelikula, ang indie film na Slumber Party, na idinirek ni Emmanuel dela Cruz.

Kuwento niya, “Nakita ko lang siya online, sa Facebook. Nakita ko na may open auditions, so nagpunta ako doon, nag-audition ako.

"Ang in-audition ko iyong leading man sana, iyong role na napunta kay Sef Cadayona.

"Kasi... hindi ko alam na iyong tatlong major roles e beki [bakla]! Noong humarap na ako kay Direk, pinag-read niya ako for the role ni Junnel.

"Pagkatapos, sabi ni Direk, ‘Iyong kuya mo magaling magbading-bading. Ikaw, kaya mo ba?’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"E, nandun na ako, sabi ko, ‘Sige, i-try natin.’

"So, nag-read ako for the gay role and the rest was history. I found myself playing the role of Phi.”

Naging hit naman ang Slumber Party sa Cinema One Originals noong nakaraang taon.

Hindi nga raw makakalimutan ni RK ang tagpo kung saan kinamayan at binati siya ng mga tao sa premiere night, dahil sa mahusay niyang pagganap.

Maging ang Kuya Raymond niya ay nanood din at pinuri rin siya.

“Sabi niya, ang cute daw ng movie. So, ako, tuwang-tuwa, kasi para purihin ka ng kuya mo for a job well done, sobrang sarap sa pakiramdam.

"'Tapos, iyong mga tao, nagustuhan nila talaga. I’m so happy.”

Na-nominate pa si RK ng dalawang magkaribal na award-giving bodies: bilang New Movie Actor of the Year sa 2013 Star Awards for Movies ng Philippine Movie Press Club (PMPC); at sa Breakthrough Performance sa 2013 Golden Screen Awards ng Enpress.

Ngayong taon, magiging closing film sa Cinema One Originals 2013 ang Slumber Party, bukod pa sa napipintong nationwide theatrical run nito sa Nobyembre 27.

Ano ang pakiramdam ni RK ngayong mas lumalawak na ang kanyang audience?

“Siyempre masaya, at the same time, kinakabahan ako kasi nga before iyong Cinema One Festival last year, mostly ang nakapanood sa akin iyong mga kaibigan ko, and natuwa naman sila.

"Pero ito kasi mas maraming audience na iyong makakapanood, siyempre hindi ko alam how they would react, di ba?

"So, ito, mas maraming makakapanood, sana magustuhan nila.”

THANKFUL & HOPEFUL. Nagpapasalamat lang si RK na napasok siya sa paggawa ng indie film noong panahong tinatanggap na ito ng mga manonood.

"Ang suwerte ng generation namin ngayon dahil kasama kami doon sa pag-boom ng indie.

"So, iyong tatlong films ko, puro indie. Sobrang s'werte ko lang talaga na magaganda pa iyong projects na nakuha ko.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bukod sa Slumber Party, ginawa rin ni RK ang The Guerilla Is A Poet, na entry sa Cine Filipino Film Festival 2013, at ang Sitio, na entry naman sa Cinema One Originals ngayong taon.

Kung i-a-assess niya ang sarili ngayon, nasaan na siya sa pagtupad ng kanyang pangarap?

“Ang masasabi ko, slowly but surely, nandoon na ako sa path na gusto kong puntahan.

"I’m just happy na iyong mga nakukuha kong projects are quality projects. Sana magtuloy-tuloy pa.”

SINGAPOREAN SERIES. Samantala, kasalukuyang nasa Singapore si RK para sa taping ng isang TV series.

Naikuwento niya sa PEP ang tungkol dito bago siya umalis.

“May gagawin akong TV series doon, parang teleserye, iyong Point of Entry. Season four na nila.

"Kasama ko si Bela Padilla doon sa series. Meron pang isang Pinoy, si Bong Cabrera, siya yung nanalong Best Supporting Actor sa Cine Fillipino.

"Ang role ko is head ng sindikato dito sa Philippines.

"Actually, nag-taping na kami dito sa Manila. Tapos, pupunta ako ng Singapore para ituloy ang taping.”

Ang naturang English-language police drama ang seryeng ginawa noon ng singer-actress na si Karylle, kung saan nakasama siya sa third season.

Sabi ni RK tungkol sa proyekto: “Siyempre, masaya ako kasi international TV series iyon, di ba?

"Sana magkaroon din ako ng teleserye dito sa atin. Iyon ang isa sa mga gusto ko pang gawin.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN