"King of Comedy Bars" Andrew de Real talks about his wards Vice Ganda, Chokoleit, Pooh, and more

IMAGE Facebook/Courtesy of Andrew de Real

Andrew de Real is not one to take credit from the success of his wards, like Vice Ganda, Chokoleit, and Pooh; nor does he want to be called Godfather of Malate or King of Comedy Bars. "I just want to be a simple entrepreneur or a mentor. I prefer that way."


Hindi lang sa pagtatayo ng negosyo mahusay si Andrew de Real, ang kinikilalang “Godfather of Malate” at “King of Comedy Bars.”

Mahusay rin siyang kumilatis ng talent, lalo na sa larangan ng pagpapatawa.

Ilan sa kanyang “discoveries” ay sina Chokoleit, Pooh, Anton Diva, Philip Lazaro, John “Sweet” Lapus, at ang phenomenal box-office star na si Vice Ganda.

Gayundin ang mga nauna sa kanila na naka-marka na ang pangalan sa showbiz, gaya nina Allan K, Arnell Ignacio, at Ai-Ai Delas Alas.

"Happy naman ako sa kanila. I’m happy for them. At least na-achieve nila ang dreams nila.

“Nakuha nila, and they still manage to look back, iyon naman ang importante," wika ni Andrew nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kamakailan.

Paano nga ba niya ilalarawan ang bawat isa?

"Si Vice, tigas-ulo, pero magaling.

“He started with me. Na-discover ko iyan ‘90s. Hindi pa ganyan ang hitsura.

“Ka-batch niya sina Rey Kilay at Anton Diva… Wally [Bayola]. One group sila, Thursday group."

Bakit hindi siya ang nag-manage sa showbiz career ni Vice gayong siya naman pala ang naka-diskubre rito?

"I don’t manage. I just teach…

“Baka pag-awayan kasi, e. Ayokong pinag-aawayan ang pera. Baka mawala ang respeto."

Ano naman ang masasabi niya tungkol sa iba niyang mga dating alaga?

"Ayan, magkaka-batch din sila… ano, makulit. Ganoon din, tigas-ulo.

"Si Pooh naman, ma-lovelife. Na-i-in love sa lalake.

"Si Ai-Ai, ganoon din, pala-in-love, pala-depress, pero magaling.

"Si Arnell? Pinaka-artist sa lahat. Siya iyong ano, lahat, all-around. He composes, he sings, he does theater, hosting, everything.

"Si Allan naman ang pinakamagaling. He is really a funny man, for me, ha. Natural ang comedy niya, e, spontaneous."

ON VICE GANDA’S POPULARITY. Bagamat marami na sa kanyang mga discoveries ang nakilala sa showbiz, hindi naman maikakaila na ang 2012 at 2013 ay taon ni Vice Ganda.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa tingin ni Andrew, ano ang meron kay Vice at kinagat siya ng husto ng masa?

"Siya iyong last na sumikat sa batch, e. Siya iyong nag-offer ng lahat. Tapos na ang lahat, di ba?

“Sumikat na sina Chokoleit, sumikat na sina John Lapus, si Phillip Lazaro… Siya iyong pinakabagong baby."

Sa palagay ba niya ay magtatagal si Vice sa showbiz?

"Depende. Laging depende iyon kung how you manage yourself, hindi ba?

“It’s a stardom. Kapag hindi mo iningatan, madaling mawawala.

“Basta ako, lagi kong advice sa kanya, alagaan niyang mabuti ang career niya. Mabilis makuha, mabilis mawala."

Kumusta ang pakikitungo sa kanya ni Vice ngayon?

"Nagkita kami minsan, Puerto Galera o kung saan man, nandoon pa rin ang respeto niya sa akin.

"Mamu pa rin ang tawag niya sa akin. 'Mamu, pengeng script, he he…’ Mamu, pagawa ng script.' Ganoon.”

Sa tinatamasang kasikatan ni Vice Ganda ngayon, kahit paano’y nakakaramdam rin ng konting pride si Andrew.

"Ah, yes, definitely. Kapag may nagawa kang something sa isang tao, you will be very, very proud.

“There’s was once, I was with Wyngard Tracy, e, tambay siya ng The Library kapag nabo-bore siya.”

Si Wyngard Tracy ang dating manager nina Maricel Soriano, Martin Nievera, Jaya, Aiko Melendez, at iba pa.

Nalipat din sa kanyang pangangalaga sina Richard Gomez, Lucy Torres, Wendell Ramos, John Estrada, at Priscilla Meirelles nang pumanaw ang nauna nilang manager na si Douglas Quijano noong 2009.

Pumanaw na rin si Wyngard noong 2010.

Pagpapatuloy ni Andrew: “‘Tapos, kapag lasing na siya, sasabihin niya: ‘Alam mo, ikaw ang pinakamagaling sa aming lahat.’ Sabi ko naman, ‘Bakit?

“Kasi lahat ng discovery mo pangit. Sabi ko, ‘Matutuwa ba ako o maiinsulto?’

“Sabi niya, ‘Matuwa ka kasi totoo iyon. Wala namang maganda sa mga pinasikat mo, e. Pero magagaling lahat.’

“Natawa na lang ako. Pero naisip ko rin, ‘Oo nga ‘no? Walang maganda sa kanilang lahat,’” natatawa niyang sabi.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kung tutuusin ay malaki ang utang ng loob ng mga nabanggit na comedians kay Andrew. Pero aniya, hindi naman siya naghahanap ng kapalit sa mga naitulong niya sa kanila.

“Nasa sa kanila iyon. If they will going to acknowledge it, fine. If they don’t, fine. Hindi naman ako ma-ano sa credit, e."

KING OF COMEDY BARS AND GODFATHER OF MALATE. Sa ayaw niya’t sa gusto, nabansagan na nga si Andrew bilang King of Comedy Bars, dahil na rin sa mga successful na negosyo niya, tulad ng The Library na mayroong branches sa Malate at Ortigas.

"Ayoko iyon! Masyadong malaki… Nakakatakot,” wika niya.

“I just want to be a simple entrepreneur or a mentor. I prefer that way."

Sa ilang taon niya sa negosyo, ano ang nakikita niya sa hinaharap ng comedy entertainment?

"Marami pa. Marami pang sisikat. Marami pang susulpot. At marami pang bagong venue ng entertainment.”

Isa na nga sa mga bagong venues ang itinayong Destination Heaven ni Andrew kamakailan sa Malate.

READ: Comedy director and entrepreneur Andrew de Real opens new establishment in Malate

“This is very, very new to the community. Noong nag-soft opening kami until the grand opening ng Destination Heaven, nagulat lahat ang mga tao: ‘Ang taray nito! Walang kapareho."

Dahil sa mga naging kontribusyon niya sa nightlife ng lugar, kinikilala na rin ngayon si Andrew bilang Godfather of Malate.

Bagamat hindi niya rin gaanong tanggap ang titulong ito, natutuwa si Andrew na kahit paano’y may mga naniniwala sa kanyang hangarin para sa lugar.

"Oo. Kasi, di ba, if you talk about, like, other countries... Like, if you go to Castro, San Francisco; if you go to Vancouver, David’s Street; if you go to Thailand, that’s Patpong; in Manila, it should be Malate. Ito iyong puntahan dapat—the destination of the community."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kung tutuusin, naging hotspot na rin ang Malate noong late '90s at early 2000's dahil naging paboritong puntahan ito ng mga kabataan, partikular ng mga gay, na mahilig sa nightlife.

Maituturing ngang "glory days" ng Malate ang mga panahong iyon, na ngayon ay tila hindi na kasing sigla dahil na rin sa pagsikat ng bagong clubs at bars sa iba't ibang panig ng Metro Manila.

Pero naniniwala si Andrew na kaya pang ibalik ang sinasabing glory days na ito.

"Definitely! You’ll keep on coming back kasi never naman... Malate never died.

"I’ve been here for 28 years, ganyan lang siya. Lagi lang siyang quiet, 'tapos biglang magbu-boom, 'tapos medyo lie-low ulit, then pi-pick-up na naman.

"Hindi siya mawawala kasi hindi siya itinayo, e. It happened.

"Not like other places na itinayo for another intention, like for example, The Fort.

"Ito hindi, e. Malate is already Malate. Saka maraming memories ang Malate.

"I was born and educated here. ‘Tsaka nakita ko iyong ganda ng Malate. It’s very Bohemian. Hindi siya pretentious.

"You can come as you are. Wala kang... hindi mo kailangang mag-pretend, ‘di ba?"


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN