TORONTO, CANADA. Safe na dumating dito sa Toronto, Canada ang grupo ng Eat Bulaga!, Miyerkules ng umaga (April 9, Toronto time), sakay ng Korean Air flight 073 mula Incheon, South Korea.
Excited ang EB Dabarkads sa kanilang unang show sa Canadian East Coast.
Nauna na silang nagpunta sa West Coast—sa Vancouver noong Black Saturday of 2011—sa sold-out show sa Queen Elizabeth Theater.
In full force na dumating dito para pasayahin ang mga kababayan nating Pinoy sina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon.
Kasama rin sina Jose Manalo, Wally Bayola, Allan K, Anjo Yllana, Jimmy Santos, Keempee de Leon, Paolo Ballesteros, Ruby Rodriguez, Julia Clarete, Pauleen Luna, ang EB Babes, at ang child star na si Ryzza Mae Dizon.
Hindi naman nakasama sa Toronto trip na ito ang iba pang Dabarkads na sina Michael V, Pia Guanio, Isabelle Daza, at Ryan Agoncillo.
FIRST TIME FOR RYZZA. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakasama sa isang show abroad ng Eat Bulaga! ang bagong child wonder ng programa na si Ryzza Mae.
May mga Pinoy na nag-expect na makakasama si Ryzza sa EB show sa Tokyo, Japan, noong June 2013, pero hindi siya nakasali roon.
Finally ay natuloy na siya this time.
Bale ito ang ikalawang biyahe abroad ni “Aleng Maliit,” na una nang nakapunta sa Hong Kong Disneyland noong May 2013, kung saan nag-shoot siya para sa special episode ng The Ryzza Mae Show.
Abalang-abala si Ryzza noong Martes, April 8, na araw ng kanilang flight, dahil live ang first anniversary celebration ng The Ryzza Mae Show. Pagkatapos nun, segue siya sa live show ng Eat Bulaga!.
Sa sobrang pagod ng child star ay plakda ito sa Club Manila lounge sa NAIA Terminal 1, kung saan naghintay ng past-midnight boarding ang buong tropa.
Ang sarap ng tulog ni Aleng Maliit, na sinabayan pa ng “tatay” niya sa Vampire Ang Daddy Ko na si Jimmy Santos, na natulog din sa tabi ng bagets.
Kaya “duet” sina Big at Small—pangalan ng karakter ng dalawa sa nasabing Kapuso sitcom—sa paghihilik.
Sobrang low batt at antok na antok the whole time si Ryzza kaya nabigong magpagpiktyur ang fans na nakakita sa kanya sa airport that night.
Pagkatapos ng halos four-hour flight ay nagkaroon ng limang oras na layover ang grupo sa Incheon International Airport sa South Korea bago ang connecting flight sa Toronto.
Doon ay buhay na buhay na si Ryzza at full of energy na ulit kahit past 5 a.m. (Seoul time) pa lang.
During the long-haul fight to Toronto, mataas pa rin ang energy ni Ryzza.
Sa 13 hours na biyahe ay saglit lang siyang natulog, dahil panay ang nood niya ng in-flight movies.
Sobrang enjoy ang bagets sa panonood ng mga pambatang pelikula, ‘tulad ng paborito niyang Disney animated film na Frozen.
Kapag nababagot siya ay naglalakad-lakad si Aleng Maliit sa loob ng eroplano at kung saan-saan nakakarating.
Panay rin ang kain niya ng tsitsirya habang nasa ere.
Pag-landing ng eroplano sa Toronto Pearson International Airport ay mas na-excite ang child wonder dahil first time niya sa Canada.
Sa airport pa lang ay ang dami nang Pinoy na panay ang pa-photo op kay Ryzza.
Tuwang-tuwa ang mga kababayan natin sa 8-year-old TV host.
COLD WEATHER. Kahit nagsimula na ang spring season dito ay ang lamig pa rin ng klima sa Toronto. Nasa 5 degrees Celsius ang temperature pagdating namin.
Nang dumating ang grupo sa tutuluyang hotel sa may downtown Toronto, nakatuwaang ipasuot ni Poochie Rivera, isa sa resident directors ng Eat Bulaga!, ang kanyang black jacket kay Ryzza para huwag itong lamigin habang hinihintay na i-unload ang mga bagahe mula sa sinakyan naming service bus.
Nagutom yata ang bata kaya nag-request ng chicken at steamed rice, na agad namang inoohan ng promoters ng show rito sa Toronto.
Pagod pa rin sa mahabang biyahe ang bagets kaya natulog lang sila sa hotel room ng mommy niyang si Rizza Dizon buong hapon, at nung dinner time na namin sila ulit nakita.
Sa Swiss Chalet resto, na hindi kalayuan from the hotel, ang first dinner ng Dabarkads.
Ang cute ni Ryzza sa kanyang panlamig na outfit na matching polka dots ang jacket at bonnet.
Tinamaan ng jetlag ang bagets habang naghihintay ng kanyang food. Ayun, sleep siya habang nagdi-dinner ang lahat!
Mukhang mahal na mahal ng mga taga-Toronto si Ryzza.
Ang dami sa kanilang nagtu-tweet at nagmi-message sa Instagram na gusto nilang bigyan ng mga regalo, ibili ng kung anu-ano, ipasyal at ilibre kung saan-saan si Aleng Maliit.
Sobra ring excited ang mga kababayan natin sa meet and greet with Ryzza pagkatapos ng Eat Bulaga Live in Toronto, sa Sony Centre for the Performing Arts, sa Sabado, April 12 (Toronto time).
VIC & PAULEEN. As expected, palaging magkasama ang magkasintahang sina Vic Sotto at Pauleen Luna rito sa Toronto.
Parehong ginawin ang dalawa kaya ang kakapal ng suot nilang panlamig.

VIEW PHOTOS: Vic Sotto, Pauleen Luna, Ryzza Mae Dizon in Toronto, Canada
Si Bossing ay hindi mahilig sa malalamig na lugar, pero napapasabak siya sa ginaw kapag nagsu-show ang EB sa mga lugar na ‘tulad ng Canada.
Si Pauleen ay madali ring ginawin kaya pinaghandaan niya ang mga susuutin niya rito.
Si Jose Manalo ay sanay raw sa lamig kaya kahit T-shirt lang ang suot ay kaya niyang lumabas.
Nang mag-show nga ang EB sa London noong November 2012, walang takot na naghubad si Jose at rumampa sa Abbey Road nang shirtless.

VIEW PHOTOS: Dabarkads in London! (Part 2)
Hindi pa namin alam kung mangangahas ulit si Jose na gawin ‘yon sa Niagara Falls.
Habang isinusulat ang artikulong ito ay nakatakda pa lang mag-tour ang grupo, sa Day 2, sa sikat na falls na nasa border ng U.S. at Canada.
Na-miss nang slight ng Dabarkads si Joey de Leon sa first dinner ng grupo dahil noong gabing ‘yon pa lang ang dating nito mula sa Manila.
Ang paborito niyang airline na Cathay Pacific kasi ang sinakyan ng comedian-TV host pa-Canada, at hindi siya nag-Korea Air with the rest of the group.
Ibinalita sa PEP ng mga involved sa EB show dito sa Toronto na soldout na ang tickets para sa nasabing event sa Sabado.
Second week of February pa lang ay ubos na raw agad ang VIP tickets, ‘tapos ay sunud-sunod nang naubos ang iba pa.
Nasa 3,200 ang seating capacity ng Sony Centre for the Performing Arts, located at 1 Front Street East, Toronto, Ontario.
Ang halaga ng tickets ay $178, $148, $118, $108, $88, and $68.
Ang Eat Bulaga Live in Toronto ay handog ng GMA PinoyTV, GMA LifeTV, at GMA NewsTV International; produced by Happy Box & Great Smile Denture, Inc. in association with MCY Entertainment.