“Gusto ko siyang makilala!”
Ito ang nasambit ni Senator Loren Legarda patungkol sa Kapuso actress at TV host na si Jennylyn Mercado.
May kaugnayan ito sa pagiging Ambassador of the Ocean ng Rhodora X star at naniniwala ang lady senator na posibleng makatulong si Jennylyn sa bago niyang adbokasiya sa pagsagip sa ating yamang-tubig.
Piniling ambassador ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) si Jennylyn kamakailan, dahil sa pagiging aktibo nito sa scuba diving at iba pang watersports.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Sen. Legarda noong Abril 22, sa Museum of the Filipino People sa Manila, kung saan naganap ang launching ng kanyang video documentary tungkol sa Philippine marine biodiversity.
Ang proyektong ito pinagtulungan nilang gawin ng internationally acclaimed director na si Brillante Mendoza, at katuwang ang DENR at Philippine Information Agency (PIA).
Naging interesado si Sen. Legarda kay Jennylyn nang matanong ng isa pang PEP contributor na si Gorgy Rula kung aware ba ang senador sa pagiging ambassador ng actress-TV host.
Kamakailan nga ay nagsagawa pa ng clean-up drive sa baybayin ng Anilao, Batangas si Jennylyn.
Papuri tuloy ng senador, “Very good. Maganda ang ginagawa niya.
"Gusto ko siyang makilala nang personal. Sige, itatanong ko sa DENR kung ano ang pwede naming magawa together (ni Jennylyn).
"The more people helping out, the better.”
RAISING THE LEVEL OF AWARENESS. Bukod sa climate change at disaster risk reduction, isa sa mga adbokasiya ngayon ni Sen. Legarda ang preservation ng marine resources.
Si Sen. Legarda rin kasi ang Chairman ng Senate Committee on Environment and Natural Resources.
Ayon sa kanya, itinaon nila ang launching ng documentary sa selebrasyon ng Earth Day noong Abril 22.
“We have timed the launch of this project on Earth Day to send a strong message that we need our seas to support life.
"We must find the much-needed balance in marine resource use, while protecting our beautiful and bountiful marine ecosystems.”
Naging inspirado raw si Sen. Legarda na gawin ang video documentray project nang mapanood niya ang marine videos ng sikat na underwater videographer na si Robert “Bobbit” Suntay.
Muli ngang kinontak ng senador si Direk Brillante—na nakatrabaho na rin ni Sen. Legarda sa mga nauna niyang proyekto—upang gawin ang marine documentary ito.
Bukod sa paggamit ng videos ni Bobbit Suntay para sa proyekto, nagbahagi rin ng kanilang underwater photos sina Jan Acosta, Boogs Rosales at Wowie Ong, mga miyembro ng Network of Underwater Digital Imagers (NUDI).
Ano nga ba ang pangunahing intesyon nila sa paggawa ng dokumentaryong ito?
“To raise the level of awareness of the people. Because when you’re aware of it, you’ll appreciate it and you will take care of it.
"And second, to give it away to all students, to all sectors. I’m sure marami pang ganito, pero it is just one effort to add to the many efforts.
"We’re not the only ones doing this, marami pang gumagawa nito,” wika ni Sen. Legarda.
Magdi-distribute daw sila ng mga kopya ng naturang video documentary sa mga paaralan, local government units, non-government institutions, at iba pang institusyon upang mas lumawak pa ang awareness sa Philippine marine biodiversity ng mga Pinoy, lalo na ng mga kabataan.
Umaasa rin si Sen. Legarda na maipapalabas ang naturang dokumentaryo sa mga sinehan, partikular sa SM cinemas, gayundin sa iba’t ibang TV networks.
Bilang isang senador, ano ang susunod niyang hakbang at ano ang pwedeng gawin ng gobyerno upang maisagawa nang maayos ang kampanya at adbokasiya niyang ito?
“Kailangan lang maipatupad ang mga batas natin, e, dahil pinagbabawal naman ang pagtapon ng mga plastik at lata sa karagatan, e.
"Ang kailangan maging aware ang mga tao. Kasi ang gobyerno, mahirap i-monitor ang ating archipelago dahil masyadong malaki. Kaya kailangan talaga ay nasa tao.
"This thing should start within us, the community… our mindset, the way we do things.
"Kaya lang, kung puro magtatapon ng basura sa karagatan, kung lahat ay lalabag sa ating batas, walang mangyayari, mawawala ang ating source ng kabuhayan.”
PARTNERSHIP WITH DIREK BRILLANTE. Ang Philippine marine biodiversity documentary ay ang pangatlong proyekto nina Sen. Legarda at Direk Brillante.
Una nilang ginawa ang Buhos, tungkol sa climate change, at ang Ligtas, tungkol sa disaster risk reduction.
Natanong tuloy ng PEP ang senador kung ano ang nagbubuklod sa kanila ni Direk Brillante para ituloy ang kanilang partnership sa paggawa ng mga makabuluhang proyekto.
“Because he is very willing to help, and he shares my advocacies, he shares my passion.
"He’s a very disciplined worker and an excellent craftsman, so I’m able to translate my policies and advocacies into something visual,” ani Sen. Legarda.
Tuloy-tuloy pa rin daw ang partnership nila, at ngayon pa lang ay may pinaplano na silang bagong proyekto.
“Meron kaming gagawing feature film tungkol sa Bagyong Yolanda and it will have a celebrity. That’s all I can say for now.”