NEWBIES. Rafa Siguion-Reyna, Vince Velasco, Lance Serrano, and Gab de Leon send girls' hearts aflutter

IMAGE Noel Orsal

GMA Artist Center's new batch of heartthrobs (clockwise) Rafa Siguion-Reyna, Gab de Leon, Vince Velasco, and Lance Serrano, hail from showbiz royalty and the modeling world.


Apat na bagong bini-build-up bilang heartthrob ng GMA Artist Center ang ipinakilala sa entertainment press sa pamamagitan ng pocket presscon sa GMA noong May 29.

Ang apat na ito ay sina Rafa Siguion-Reyna, Vince Velasco, Lance Serrano and Gab de Leon.

Sa apat, dalawa sa kanila ang galing sa pamilya ng mga artista—sina Rafa at Gab. Sina Vince at Lance naman ay parehong nanggaling sa modeling world.

Pero kung meron mang pagkapare-pareho sina Rafa, Gab, Vince at Lance, bukod sa pagiging guwapo at makisig ay pare-pareho rin silang titulado at graduate ng kolehiyo.

RAFA SIGUION-REYNA. Si Rafa ang pinaka-mapalad sa kanila sa ngayon dahil kasama na siya at napapanood sa primetime series ng GMA-7 na Niño.

Communication Arts graduate si Rafa sa New York University. Kasalukuyan din siyang lumalaban ngayon sa Celebrity Dance Battle ng TV5.

Ang pagsasayaw ang isa sa nakahiligang gawin ni Rafa. Pero, may kuwento raw kung paano siya napunta sa pagsasayaw.

“Noong high school ako, basketball ang hilig ko talaga.

"Pero may nakita akong kaibigang lalaki na sumasayaw. Lahat ng girls, gusto siya.

“So, sabi ko, mag-aaral na lang akong sumayaw para magustuhan ako,” natatawa niyang sabi.

Hanggang sa nagdire-diretso na raw ang pag-aaral niya ng dancing at nag-aral din siya ng acting at singing.

Si Rafa ay apo ng veteran singer/actress at producer na si Armida Siguion-Reyna at anak naman nina director-actor Carlitos Siguion-Reyna at writer Bibeth Orteza.

Pero natatawa rin ito dahil napansin naming marami siyang gusto sa buhay.

"Bukod sa pag-aartista, dancer at singer, gusto rin daw niyang mag-franchise ng restaurant dahil gusto rin daw niyang maging businessman.

“Well, hindi naman puwedeng maging artista forever.”

Kasama rin si Rafa sa Hari ng Tondo para sa Cinemalaya kunsaan pamilya niya ang gagawa. Ang daddy niya ang director, ang mommy niya ang writer, at si Robert Arevalo ang bida. Kasama rin sa pelikula ang pinsan niyang si Cris Villonco.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kilala ang pamilya ni Rafa na moderno at malawak ang kaisipan pagdating sa “arts.” Kaya tinanong namin ito kung hanggang saan din niya kakayanin maging daring?

Pakli niya, “Okay naman kapag importante sa script o sa eksena, hindi ko puwedeng hindian.”

Noong isang taon ay hindi siya nakasama sa pagrampa sa Cosmo Bash kahit kasama siya sa Cosmomen.

Ngayong September, sana nga raw ay makasama na siya.

GAB DE LEON. Nakagawa na ng regular show si Gab de Leon sa Kapuso network bilang isa sa mga pinakilala sa Teen Gen noon.

Pero pagkatapos ng Teen Gen, hindi na masyadong napanood si Gab. Ayon sa anak nina Christopher de Leon at Sandy Andolong, nag-concentrate raw siya sa theater pagkatapos ng Teen Gen bilang teatro raw talaga ang isa sa mga hilig niyang gawin.

Graduate na rin si Gab ng Photography sa College of St. Benilde. At nitong nakaraang Pebrero pa lang daw siya opisyal na naging Artist Center talent.

“Nag-audition muna ko para makapasok sa GMAAC, okay naman, work your way.

"Kaya ngayon, nagwu-workshop ulit ako and helpful naman.

"Next week, may culminating activity kami.”

Pangarap na raw ni Gab na maging artista tulad ng mga magulang bata pa lamang siya.

“Ever since I was a kid, gusto ko na talagang maging artista.

"Bukod sa TV, gusto ko rin mag-theater and I take it seriously talaga.

“Yun lang, talagang they wanted me to finish school first. They we’re strict.”

Paano niya gustong makilala, bilang actor o matinee idol?

Aniya, “First and foremost, actor talaga. Kasi, yun naman talaga ang job ko rito.

"Mag-perform, magbigay ng truth sa role ko and that’s all I’m after talaga.”

Suportado naman daw siya ng mga magulang sa lahat ng ginagawa niya. At wala naman daw siyang pressure na nararamdaman na anak siya ng mga magulang pagdating sa pagiging artista.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“I don’t feel the pressure kasi, as an actor, hinuhugot mo yun sa sarili mo ang experiences mo.

"So, different naman ang experiences ng mom ko, dad ko and sa akin.

“So, kung ano ang hinuhugot namin na lalagay sa screen, iba-iba naman,” sabi niya.

Tinanong namin si Gab kung naniniwala rin siya sa sinasabing kapag matagumpay ang mga magulang niya sa pagiging artista, madalas, hindi o nahihirapan itong mapantayan ng mga anak?

“I don’t know about that kasi, normally, I just see them as my parents.

"Hindi kami yung parang... we’re very supportive about each other naman. Parang walang pressure na binibigay sa amin.

“I’m really to be my own person talaga,” diin niya.

VINCE VELASCO. Sa mga sumubaybay ng beki-seryeng My Husband’s Lover (MHL), siguradong makikilala nila si Vince.

Si Vince ang gumanap na boyfriend ni Victor Basa sa naturang serye.

Si Vince ay Communication Pyschology graduate naman ng Ateneo de Manila at 23 years old.

Bukod sa MHL, nakasama na rin si Vince sa Genesis at Akin Pa Rin Ang Bukas pero sa ngayon, wala pa raw siyang ginagawang proyekto sa GMA-7.

Kasalukuyan din niyang tinatapos ang acting workshop na bigay ng GMA AC sa kanila.

“Nag-stop muna kasi ako after MHL kasi tinapos ko muna po ang college ko.

"Tama lang din po na tapusin ko muna ang pag-aaral ko kaya this year pa lang din po akong nag-graduate,” sabi niya.

Pero sa pelikula, kasama siya sa Cain at Abel sa direksiyon ni Adolf Alix at pinagbibidahan naman nina Aljur Abrenica at Alden Richards.

Kung tatanungin daw siya, action daw ang gusto niyang gawin.

“Paborito ko pong director si Direk Dominic Zapata. Anytime po na tawagin niya ako for a show, okay po ako.

"Gusto ko po talaga ang action/drama kasi, palaging may nangyayari,” lahad niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sino naman ang pangarap niyang makapareha sa Kapuso network?

Ayon kay Vince, “Kung gusto ko pong maka-trabaho na leading lady, sina Solenn Heusaff, Kylie Padilla.”

LANCE SERRANO. Ang pagiging bahagi ng gymeoke sa Eat Bulaga! noong isang taon ang itinuturing ni Lance na pinaka-malaking exposure raw niya sa telebisyon.

Nag-audition din daw siya para makuhang artist ng GMAAC.

“Ngayon po, workshop pa lang po ang ginagawa ko at ina-assess pa po nila ang capabilities ko as an actor.”

Sa kanilang apat, si Lance ang Registered Nurse na at graduate siya sa Central Colleges of the Philippines.

Bakit hindi niya tinuloy ang pagiging nurse?

“Noong nag-aaral po kasi ako ng college, nakakapag-model na ko. Talagang gusto ko po.

"Pero by profession, yung Nursing ko naman po, hindi ko po kinalimutan,” saad niya.

Bilang isang modelo, kinamusta namin siya kung nakatanggap na siya ng indecent proposal lalo na sa mga bading.

Natatawang kuwento naman ni Lance, “Minsan po, nagkaroon na ako ng indecent proposal.

“Sabi po niya, babayaran daw niya ko ng P500,000. Number lang po ang nag-text sa akin.

“Pero sinabi ko po na, 'Sir, I’m sorry po. Feeling ko, you don’t know me personally and I respectfully decline your offer.'

“Totoo po yun. Actually, yung una po, P300,000 po ang offer, tapos, tinaasan pa po niya ng P500,000.

“Last na po yun na offer and if I remember correctly, sabi niya, 'Wala na tayong plastikan, bibigyan kita ng P500,000, one night.'

“Pero, sabi ko, 'Sorry po, sir, if you don’t mind, stop texting me na po.'”

Pagdating sa role, sa ngayon ay hindi pa raw siya handa sa mga daring roles pero open naman daw siya in the future.

“Siyempre po, bilang artist, dapat tanggapin mo at pag-aralan mo kung ano ang bibigay sa ‘yo.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kung may showbiz crush man daw si Lance, ito ay walang-iba kung hindi ang Kapuso Primetime Queen.

Aniya, “Bata pa lang po ako, crush na crush ko na si Marian Rivera.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN