Dalawampu’t limang taon na ang binibilang ni Noel Ferrer sa mundo ng entertainment industry.
Nagsimula siya bilang writer ng ilang programa sa telebisyon noong early '90s tulad ng Sharon, Martin Late @ Night, Tatak Pilipino, Mel & Jay, ASAP at marami pang iba. Naging writer din siya ng maraming major concerts sa bansa.
Bukod sa pagiging professor sa University of the Philippines at Ateneo de Manila University, pinasok din ni Noel ang pagma-manage ng artista.
Nasa pangangalaga pa rin ni Noel ang kauna-unahan niyang talent na si Ryan Agoncillo.
At sa pagdiriwang ng 25th anniversary niya sa showbiz, inilunsad ni Noel ang kanyang second book na pinamagatang Sisikat Din Ako.
Siya mismo ang naging publisher ng una niyang libro, ang Philippine Indie.
Ayon kay Noel, “Alam niyo naman, yung actual na pagsusulat ng karanasan natin, alam niyo naman na yun ang misyon natin—yung sumulat ang mga tao ng libro na iiwan sa library at puwedeng pag-aralan.
“Kasi di ba, kapag nasa diyaryo tayo, after one issue, wala na.
“So ito, gusto ko na ma-catalog tayo at mapag-aralan. Kasi, legit naman talaga ang mga issue na dinadaanan ng mga nasa showbiz.
“Lalo na ngayon na maraming gustong mag-artista at pumasok sa show business, kailangan matuto sila sa pinagdaanan natin at ibang tao.”
ADVICE TO ASPIRING STARS. Ang Sisikat Din Ako ay hindi lamang para sa mga nangangarap maging artista kundi para na rin sa ilang artista na gustong sumikat.
Ayon kay Noel, dito mapupulot ng mga readers ang “all the learnings we had from dealing with stars, starlets or wannabes."
Detalye niya, “Number one, hindi ganun kadali. Iba pa yung issue ng pagiging mahusay at pagiging mabuti. Yung tatlo palagi.”
Ginanap ang book launch ng Sisikat Din Ako noong September 19 sa Manila International Book Fair sa SMEX Mall of Asia.
Dinaluhan ito ng mga kaibigan ni Noel sa industriya tulad ng National Artist na si Bienvenido Lumbera, The Company, Direk Joey Reyes, ang biyenan ni Ryan na si Mommy Carol Santos at ang anak nitong si Jeffrey Santos, mag-asawang Christopher de Leon at Sandy Andolong, at Cris Villonco.
Nandoon din ang ilang mga talents ni Noel na sina Ryan, Edgar Allan Guzman, Luis Alandy kasama ang non-showbiz girlfriend na si Joselle, at Iza Calzado with boyfriend Ben Wintle.
TOP OF HIS LIST. Naniniwala raw si Noel na sa panahon niya, ang maituturing talagang pinakasikat na artista sa bansa ay ang Superstar na si Nora Aunor.
“Si Ate Guy, binuwag niya ang mga conventional stars.
“Nakita mo yung hukbo ng mga tao. Pero sinabi ko rito yung artistry, yung popularity, siguro siya yung pinakasikat.
“Pero isa sa pinakadisiplinado naman, Ate Vi [Vilma Santos], nandito rin.
“May mahahangaan ka sa iba’t ibang sikat na artista, nandito sa last part. Kasi you’re only as good as those people you idolize, they were all movie fans...
“Kung kukunin mo yung magagandang traits ng bawat isa para maisama mo sa pinaniniwalaan mo at pagkatao.”
TEACHER AT HEART. Nasa ilalim din ng pangangalaga ni Noel sina Joross Gamboa, Vin Abrenica, Marco Alcaraz, Atom Araullo, Victor Neri, at Lani Misalucha.
Pero ayon kay Noel, hindi “career” sa kanya ang pagma-manage.
“Hindi ko kasi siya tiningnan as career. It’s really more on mentoring. Kasi ako siguro, in the end, teacher talaga ako.
“Ipinagdasal ko yun, 'Ano ba talaga ko?' I want to be a professor, I want to be a teacher. It so happened na yung mga taong nakasalamuha ko, nasa media, nasa mga artista.
“Pero kahit tayo naman, ganun siguro ang misyon ko, babalik at babalik ako sa pagtuturo.”
Nakitaan ba agad ni Noel ng potensiyal si Ryan noong una niya itong hinawakan as talent, lalo pa’t hindi ito kumportable sa pag-aartista sa umpisa?
Sagot ni Noel, “Oo, pero grounded. Yun naman ang mahal nating lahat sa artista, yung sikat pero nakatapak sa lupa.
“Yung kahit sikat, alam nila ang core. At nasasabihan natin na nakaapak dapat sa lupa.”
STARS IN THE MAKING. Sino sa mga artista ang gusto ni Noel bigyan ng libro at sabihan na “sisikat din ako”?
Tugon ni Noel, “Si Liza Soberano, sinulat ko siya. Given the right break, major sisikat pa ‘yan.
“Given the right partner, hindi lang mapako sa isa at yung disiplina sana na hindi nagmamadaling tumanda.
“Number two, Nadine Lustre.
“She’s an underdog now, but she acts very well.
“If handled well, puwedeng sumikat pa siya nang major.
"At pangatlo, si Ruru Madrid. Magaling umarte, sisikat pa siya at sana mabigyan siya ng mga tamang projects.”
HOPEFUL FOR MARK. Sino sa mga artista ngayon ang kailangang magbasa ng libro para malaman kung sisikat pa nga siya?
Saad ni Noel, “Ako ito, Mark Herras.
“Pero hindi na sa kanya. Sana sa mga naghahandle na ng career niya.
“Kasi panalo siya sa StarStruck at nakitaan talaga siya ng husay.”
BIGGEST LESSONS. Sa loob ng dalawampu’t limang taon ni Noel sa industriya, ano ang mga natutunan niyang aral na gusto niyang ibahagi sa iba?
“Hindi husto ang kasikatan. Dapat mag-evolve ka sa kahusayan.
“'Tapos in the end, manatili kang mabuti. Ako, dun talaga. Babalik at babalik ako run.
“Hindi sapat ang kasikatan.
“Dapat ang kasikatan, nagagamit mo sa kabutihan at mas lalo ka pang maging mahusay.
“Kasi kung sino ang mas mahuhusay, yun ang dapat na bumabait. Kaso lang, minsan baligtad.
“At sana mas marami pang tao ang seryosohin ang craft nila sa pag-arte dahil hindi madali, hindi madali.”