Ikinatutuwa ni John Prats na katuwang siya sa paglilihi ng asawang si Isabel Oli.
Pasensiyoso naman daw siya kaya madali niyang nasasakyan kung anuman ang mga lambing ni Isabel sa kanya.
“Effortless sa akin kung anuman yung mga pinaglilihian niya, mood swing niya, natatawa talaga ako.
“Minsan, gigising ng twelve midnight, gusto ng arroz caldo ng isang sikat na food chain, pagpunta ko run, wala na yung promo.
“E yung promo lang ang gusto niyang arroz caldo kaso wala na raw, so bumili ako sa iba.
“Sinabi ko dun pa rin galing, pero hindi. Ngayon alam na niya,” natawa niyang kuwento.
Ano pa ang pinaglilihian ni Isabel?
“Arroz caldo, SkyFlakes, depende… minsan gusto niya ng donut, pagdating sa kanya, na-realize niya ayaw niya pala.
“Yung morning sickness niya, matindi. Sa food, ayaw niya ng oily, nandidiri siya.
“Minsan, hindi namin alam kung ano ang gusto niyang kainin kaya bumabagsak kami sa SkyFlakes.”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si John sa launch niya bilang endorser kasama si Diego Loyzaga ng Bench Quick Fix nung Sabado, September 20, sa SM Mega Fashion Hall.
Maselan daw si Isabel sa mga naamoy, pero yung ginagamit niyang Bench Quick Fix, wala raw siyang isyu rito.
“Wala siyang pakialam sa gel ko, pero yung deodorant ko, yung pabango ko, lahat palit, ayaw niya.”
TIMEOUT. Sa ngayon, bed rest muna raw si Isabel.
Katwiran ni John, “Crucial kasi yung first three months, so we want really secure yung baby.
“Wala muna siyang work, pero ang ganda naman na ng kapit ng baby nung nakita namin.
“Okey na siya, pero ang gusto talaga ng doctor, i-assure yung three months niya bago siya lumabas.”
Nabanggit niya dating hangga’t maaari, gusto niyang ang mapapangasawa ay sa bahay lang at aasikasuhin ang pamilya nila. Ganun kasi ang mother ni John.
Paglilinaw ng aktor, “Well, basta ang priority lang namin, especially siya, when I work, siya yung sa bahay.
“Pero kung okey na ang mga bata at malaki naman, and she wants to work, siyempre hindi ko pipigilan si Liv [palayaw ni Isabel] kung gusto niya.”
Ano ang reksiyon niya nang nalamang buntis na si Isabel?
“Bukod sa nalaman kong magkaka-baby na kami, mas masaya ko na nakabuo ako!
“Sabi ko nga, noong ikinasal ako, kakabahan ka pala, ‘Naku, makakabuo kaya ako?’
“Hindi ko siya natesting e pero ngayon, sobra akong blessed.
“Three months after ng wedding namin, biniyayaan na kami ng baby kaya sobra-sobrang saya ako, iba talaga kapag handa ka."
FEATHER OR KEONI. Nine weeks pa lang ang baby nina John at Isabel, pero may nakahanda na silang ipapangalan sa panganay na anak.
Ayon kay John, “Kapag babae, ang pangalan niya, isa lang, Feather.
"Gustong-gusto ni Liv yun, e. Ako naman, kapag lalaki, Keoni.
“Sa Hawaii kasi, ang meaning nun, John, at saka, ang pangalan niya, isa lang.”
Ang gusto raw nilang anak ay apat, pero biglang umaapela raw si Isabel sa kanya ngayon.
“Dati kasi apat e biglang sa nararamdaman niya ngayon, sabi niya, 'Puwede bang ito na lang?'
“Sabi ko, 'Hindi ah! Pumirma ka sa kontrata na magiging anak natin apat.'”
CHANGES IN JOHN'S LIFE. Simula raw nang ikasal sila ni Isabel, masasabi ni John na may mga nagbago sa kanya, “Nabago, pero in a good way lahat.”
Lahad niya, “Mas secure na ko, wala na 'kong iniisip, alam kong may pamilya na ko ngayon, bagong family na.
“Excited akong umuwi after work at mas nagkaroon ako ng drive to work.
“Kasi hindi lang para sa akin ‘to, lalo na ngayon, future niya, nabuntis siya.
“Future na rin ng baby kaya iba na rin ang motivation ko.”
Mas naging matipid na rin daw siya, “Sobra! Hindi na ako makabili sa sarili ko.
“Kung bibili man ako, parang hindi ko na kailangan ‘to.”
BENCH FAMILY. Sa isang banda, masaya naman si John dahil mahigit na sampung taon na rin daw siyang parte ng pamilya ng Bench.
Isa siya sa mga original endorsers ng Bench Fix.
Sabi ni John, “Maarte ako sa hair, may mood ako minsan na gusto kong mahaba.
"At palaging si Paolo ng Bench Fix ang nag-aayos ng buhok ko.
“At saka sa Bench kasi, si Tito Ben Chan, kaya nga siya naging ninong ko, hindi kami endorser sa Bench, family kami.
“Kaya every time na may dumarating na kontrata sa bahay, always thankful ako na nandito pa rin ako.
“Ang dami ng nawala, dumating na bagong endorsers, and I’m so thankful na I’m still here, ganun ang treatment nila sa akin.”
Wala rin daw silang kumpetisyon kahit na marami silang celebrity endorsers.
Sabi nga niya, “Always thankful lang ako, ang dami ngang bago, pero nandito pa rin ako.”