Sa Pilipinas, malaking industriya ang mga pampaganda, patunay na marami ang nais magkaroon ng magandang balat at magmukhang mas bata.
Bukod sa mga beauty products na ipinapahid o ginagamit externally para kuminis at pumuti, meron ding supplements upang makatulong para ma-achieve ang flawless skin.
Isa sa mga in-demand na supplements sa market ngayon ay ang collagen supplements.
Pero gaano nga ba ka-effective ang collagen supplements? Ano ang mga dapat tandaan sa pagpili ng tamang uri ng collagen supplement?
Read: Weight loss through OMAD: here’s what experts say
HOW COLLAGEN WORKS FOR THE BODY, SKIN
Bilang paglilinaw, ang katawan ay may kakayahang lumikha ng sarili nitong collagen para maging firm at maganda ang balat.
Nagagawa ng katawan na gumawa ng sarili nitong collagen sa pamamagitan ng fibroblast function ng cells, sabi ng dermatologist na si Dr. Susan Arcigal sa Kada Umaga episode ng Net 25 noong February 16, 2026.
Mahalaga raw ang collagen dahil ito parte ito ng supporting tissue ng iba’t ibang structures ng katawan tulad ng buto, ngipin, tendons, ligaments, joints, cartilages, maging ng muscles at blood vessels.
At bukod doon, may mga pag-aaral na nagpapakitang nakatutulong ang collagen para gumanda ang balat.
“Kasi ito ay sumusuporta sa skin health mainly. Ito ay at least 30 percent ng buong protina ng katawan, at very abundant ito sa buong katawan including sa skin,” saad ni Dr. Arcigal.
Paliwanag ng dermatologist, ang collagen ang sumusuporta sa connective tissues ng balat para hindi lumawlaw o mag-sag.
“Mainly, support talaga siya because it has high tensile strength, matibay, matatag, nagbibigay ng skin elasticity, hydration sa balat.”
Aniya, nakakabata at nakakaganda ng balat ang collagen.
Dahil dito, hindi nakapagtatakang maraming interesado sa collagen supplements.

DECLINE OF COLLAGEN IN THE BODY
Subalit sa ating pagtanda, bumababa ang kakayahang mag-produce ng collagen ng ating katawan.
Nagsisimulang mag-decline ang production ng collagen ng katawan pagsapit ng mid-20s, at bumibilis ang collagen depletion sa katawan pagsapit ng edad 30s at 40s.
Sa mga babae naman, kapag nakaranas na sila ng menopause, tinatayang 30 percent ng collagen sa katawan ang nawawala, kaya mas obvious ang pag-sag ng kanilang balat at pagkakaroon ng wrinkles.
WHAT TO CONSIDER IN CHOOSING COLLAGEN SUPPLEMENTS
Napakaraming collagen supplements sa market. May mga collagen na bovine, o mula sa hayop tulad ng baka at baboy, at meron dilang marine o galing sa isda.
Pero ang pinakaimportante raw na dapat ikonsidera sa pagpili ng collagen ay ang form nito, sabi ni Dr. Arcigal.
Lumalabas daw sa pag-aaral na ang hydrolyzed form na collagen ay epektibo dahil ito ay highly absorbable.
Kapag sinabing “hydrolyzed,” ibig sabihin nito ay naka-break down na ang substance sa smaller particles, tulad ng amino acids at peptides upang mas mabilis itong ma-absorb ng katawan.
“Kasi yung whole collagen, hindi siya naka-hydrolyzed, ibi-break down pa siya, at yung breakdown na iyon. Puwede rin siyang hindi ma-absorb [ng katawan] kasi na-wipe out na siya ng digestive enzymes and juices. Hindi na siya usable ng katawan,” paliwanag ng doktor.
Dito pumapasok ang benefits ng hydrolyzed form ng collagen.
“Naka-break down na into smaller amino acids and peptides para easily and highly absorbable at magagamit ito ng katawan.
“Mayu-utilize ito ng katawan all over para ma i-support ang connective tissue system ng katawan.
Read: AC Hotel by Marriott Manila: everything you need to know
IMPORTANT REMINDERS ABOUT COLLAGEN SUPPLEMENTS
Payo ni Dr. Arcigal, tingnan sa label ng collagen supplements ang salitang “hydrolyzed.”
“Isu-scrutinize natin ang ating binibili kung anong form ba ito. Hydrolyzed, so yun po yung keyword.”
Binilin rin niya ang tamang dosage. Dapat daw ay 2.5 grams to 10 grams per day ang intake ng collagen supplement.
“On the average ay 5 grams per day,” sundot niya.
Importante rin daw na inumin ang collagen supplement kasabay ng vitamin C.
Bakit?
“Vitamin C increases collagen synthesis and it helps in the absorption of collagen,” ani Dr. Arcigal.
Ibig sabihin, kung wala raw suporta ng vitamin C, posibleng hindi ma-absorb ng katawan ang iniinom na collagen supplement.
Sa ngayon, makabibili ng collagen supplements na powdered, juice, at capsules.
Ang payo lang ng dermatologist, bumili sa reputable establishments, drug companies, at pharmacies upang matiyak na lehitimo ang supplements at tama ang ingredients nito.
Nang matanong kung ano ang mas mabisang supplement, sinabi ni Dr. Arcigal na mas mabisa ang liquid form dahil highly at readily absorbable na ito kumpara umano sa capsules at tablets.
Gayunpaman, ayos pa rin naman daw ang capsules at tablets, gayundin ang powder na hinahalo sa tubig o sa pagkain.

Reminder niya, maging consistent sa pag-inom ng supplement, at mapapansin daw ang resulta nito matapos ang apat hanggang walong linggong pag-inom nito.
Aniya, puwede itong inumin anumang oras, subalit inirerekomenda niya na inumin ito kapag wala pang laman ang tiyan.
Mas mainam din daw kung sa gabi ito inumin.
“Because during sleep, our cells repair and the collagen can participate in that repair system,” sabi ng doktora.
Hindi rin daw importante kung saan ang source ng collagen: kung sa cow, pig o fish.
Pero bilin ng doktora, “Kailangan alamin din natin sa ating sarili kung may allergies ba tayo.”
Sa pamamagitan nito, matutukoy kung ang pipiliin ay ang bovine collagen o marine collagen.
Aniya, hindi lang babae kundi ang lalaki ay puwede ring mag-take ng supplement.
Binanggit din ng doktora ang mga risk factors na nagpapabilis ng depletion ng collagen sa katawan ng tao.
Kabilang daw rito ang paninigarilyo, pag-inom ng alcohol, excessive sun exposure, chronic stress, at exposure sa environmental pollutants.
Paalala ng doktor, kahit na mag-take ng collagen supplement, mahalaga pa rin ang pagkakaroon ng healthy overall lifestyle.
Hindi rin daw totoo na ang collagen supplement ay nakakadagdag ng timbang.
“Ang collagen naman ay hindi siya nagbi-break down into essential amino acids na needed for muscle growth. Ang essential needed amino acids [for muscle growth] ay whey at casein,” ani Dr. Arcigal.
Saad niya bukod sa supplements, puwede ring maging source ng collagen ang bone broth, bawang, citrus fruits, itlog, isda, balat ng isda at balat ng manok [pero mataas din ito sa cholesterol].
Pero paalala ni Dr. Arcigal, importante na panatilihin ang pagkakaroon ng balanced diet.
“Balanced diet pa rin. Huwag kalimutan yung ibang mga minerals and vitamins, hindi lang naman collagen.
“Hindi rin tayo puwedeng mag-overload o mag-overdose ng collagen kasi hindi na balanse para sa ibang parte ng katawan para mag-thrive, para mag-function well.”
Importante pa niyang bilin, “If with any doubt, consult with a health medical professional,” lalo na raw kung may comorbidities, gaya ng kidney stones, autoimmune conditions, at kidney disease.
At higit sa lahat, ipinaalala ni Dr. Arcigaln na walang therapeutic claims ang supplements at hindi ito gamot.
DERMATOLOGISTS on STUDIES ABOUT COLLAGEN SUPPLEMENTS
Pinag-usapan din ang isyu tungkol sa collagen supplements sa isang YouTube video ng dermatologist at content creator na si Dr. Gaile Robredo-Vitas.
Sa 2024 video na ito, kasama ni Dr. Robredo-Vitas ang isa pang dermatologist na si Dr. Mara Therese Huber.
Punto ni Dr. Huber, na may background sa clinical trials, mas nais pa raw niya ng mas maraming clinical trials para sa collagen supplements.
“It should be studied a bit more to see the potential,” ani Dr. Huber.
Binanggit ng dermatologist na sa mga ginawang studies sa collagen supplements, magkakaiba raw ito isinagawa.
Punto niya, sa isang collagen supplement trial, ang mga pasyente ay gumamit din daw ng tretinoin. Sa isa pang collagen supplement study, ang mga pasyente ay gumamit naman daw ng sunscreen.
Ang tretinoin at sunscreen ay mga skin care products na maalagaan ang balat.
“Parang in a way, the trials are not too similar kasi gusto mo parehong-pareho yung… kumbaga, inaral itong supplement na ito, inaral paulit-ulit, lahat sila nag-sunscreen, lahat sila nag-tretinoin or not…
“And then parang mas stronger yung ebidensiya mo kasi yung inaral similar, and then nagre-replicate ng results,” paliwanag ni Dr. Huber.
“Kung maraming studies supporting collagen supplements [are effective], why not support,” aniya.
Punto naman ni Dr. Robredo-Vitas, may iba pang choices na “gold standard” para ma-achieve ang good skin, tulad nga ng tretinoin at sunscreen.
Ang dalawang produkto raw na ito ay may sapat na ebidensiya para mapaganda ang balat, isama pa raw rito ang konsultasyon sa dermatologist.

Ang nakikita raw na problema ng dalawang dermatologists, nagiging additional cost pa sa tao ang collagen supplements para sa kanyang skin care gayong may products na “gold standard” para sa pagpapaganda ng balat tulad ng sunscreen, tretinoin, at consultation with dermatologists.
Sinabi rin ng dalawang doktor na hindi maiwasan ang risk of bias dahil ang nagso-sponsor ng clinical studies ng collagen supplements ay ang manufacturers nito.
Paglilinaw nila, hindi nila kinokontra ang paggamit ng collagen supplements para ma-improve ang skin.
Ang nais daw nila ay karagdagang pag-aaral at independent studies para maging solido ang ebidensiya ng pagiging effective ng collagen supplements.
