Simple pero puno ng saya ang pagdiriwang ng ika-105 kaarawan ni Apo Whang-od sa Buscalan, Kalinga.
Si Apo Whang-od ang tinaguriang pinakamatandang mambabatok o traditional tattoo artist sa Kalinga.
Kabilang ang turistang si Darryl Bautista sa mga nag-post ng videos ng naging selebrasyon ni Apo Whang-od sa Buscalan noong February 19, 2022.
Ani Darryl, si Apo Whang-od ay pinaghanda ng kanyang pamilya at nagkatay ng baboy.
Sa gabi ng selebrasyon, nagtipun-tipon sa paligid ang mga dumalo sa kasiyahan at hinandugan ng birthday song ang kilalang mambabatok.

People sing the birthday song to Apo Whang-od, who turns 105.
Mapapanood pa si Apo Whang-od na nakipagsabayan sa mga nakababatang ka-tribo sa pagsayaw ng traditional dance at sa musika ng gangsa o flat gong.
Maraming namanghang netizens ang nagkomento na malakas pa ang tattoo artist dahil sa magiliw niyang pagsayaw.
Nakasuot si Apo Whang-od ng pulang panyong bandana, dilaw na blusa, at kulay rosas na “ginamat” o ang pang-ibabang kasuotan.
Si Apo Whang-od ang nanguna sa pagsayaw kasama ang mga ka-tribong kababaihan, bago siya nagsayaw nang solo at isa-isang sinabayan ng mga kalalakihan.
Kita ang malaking ngiti ni Apo Whang-od nang isayaw siya.


Apo Whang-od leads the dance on her birthday celebration.
Si Apong Whang-od o Maria Oggay ay isinilang noong Febtuary 17, 1917.
Noong June 2018, pinarangalan si Apo Whang-od ng Dangal ng Haraya Award for Intangible Cultural Heritage ng National Commission for Culture and the Arts.
Ang parangal ay ipinagkakaloob sa mga nabubuhay pang Pilipino dahil sa malaking kontribusyon nila sa larangan ng sining at kultura ng Pilipinas.
Sa edad na 15 anyos, sinimulan ni Apo Whang-od ang kanyang pamamatok, gamit ang tinta na gawa sa pinaghalong uling at tubig.
Ginagawa ang pagtatattoo gamit ang tinik mula sa kalamansi o puno ng pomelo.
