“Meron na akong high school this year.”
Ito ang masayang ibinalita ni Lian Paz tungkol sa anak niyang si Xonia sa panayam sa kanya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) via Zoom.
Nagkaroon ng moving-up ceremony ang panganay niyang anak noong May 31, 2022, kung saan nag-graduate ito ng Grade 6 with honors.
Ang kapatid naman ni Xonia na si Xalene, 11, ay Grade 5 na.

Sina Xonia at Xalene ay mga anak ni Lian sa kanyang estranged husband na si Paolo Contis.
Kuwento ni Lian, “Ang bilis ng panahon. Totoo pala ang sinasabi nila na in a blink of an eye lang pala, di ba? Kumbaga, iti-treasure mo talaga habang lumalaki sila. Kasi, nagulat na lang din ako, noong pandemic, biglang laki, biglang tangkad.
“Mas matangkad na nga sa akin si Xonia. Sabi ko, magti-thirteen ka na nga pala.”

Simula pa ng pre-elementary ay sa Cebu na nag-aral ang magkapatid. Ngayon, masasabi na ni Lian na iba pala talaga ang fulfillment sa magulang kapag nakikitang may anak na nagga-graduate.
Dugtong pa ng dating EB Babe at Kapuso star, “Noong graduation, alam mo yung feeling as a mother, siguro mapa-flashback mo rin yung mga time na single mother ka pa. ‘Hay, nakaraos.’ Natapos. 'Tapos ngayon, another journey na naman.
“Palaging may question na sana, tama ang ginagawa mo. So far, I think, I’m doing the right thing. Honor student din siya kaya nakaka-proud din.”
thankful for john
Sa Cebu based sina Lian, ang kanyang partner na si John Cabahug, at ang kanilang apat na anak na sina Nina, Xonia, Xaylene, at Lexy.

Si Nina ay anak ni Lian kay John. Si Lexy naman ay anak ni John sa kanyang dating partner.
Malaki ang pasasalamat ni Lian kay John dahil sa tulong nito sa pagpapalaki ng mga anak nila.
Ayon sa 34-year-old celebrity mom, si John na rin daw talaga ang umako ng lahat pagdating sa pag-aaral nina Xonia at Xalene.
“Si John, si John talaga… and I’m very thankful. It’s something na una siyempre, mahihiya ka, di ba?
"Kasi, responsibilidad mo iyan bilang isang magulang, pero kinuha niya ang responsibilidad na iyon to make me even comfortable.”

Dagdag pang mensahe ni Lian kay John, “All I can say is I’m very grateful. Kasi, hindi lang ako ang tinanggap mo. Tinanggap mo ang responsibilidad ko. Sina Xonia at si Xalene.
"Hindi lang dahil kasama ko sila sa buhay, hindi lang dahil mga anak ko sila, itinuring mo rin sila talaga na mga anak mo.
“Sabi mo nga when you saw them, para kang nakakita ka ng mga anghel. Naawa raw siya sa mga bata na they were left behind at a young age.”
Magkatuwang din sina Lian at John sa pagpapatayo ng kanilang mga negosyo, kabilang na ang V Drinks Malunggay Juice.
