Naka-jackpot si Gabriel Ilmedo!
Hindi lang kasi mabait at maganda ang misis niya kundi galante pa.
Si Gabriel ay may ugaling one-day millionaire pero nagbago ito mula nang makilala si Jasmine Araneta.
Kaya sa araw ng kanilang kasal, sinorpresa ni Jasmine si Gabriel ng gift: PHP1 milyon.
Ang siste, ang unang akala ng groom ay na-scam siya sa araw ng kanyang kasal noong Mayo 4, 2022.
Nagsimula ang wedding video na excited si Gabriel habang naghahanda sa photo shoot, kasama ng kanyang groomsmen.
Biglang iniabot ang cellphone kay Gabriel dahil may tawag para sa kanya.
Nagpakilala ang nasa kabilang linya na mula raw sa isang restaurant na kinainan niya.
Maririnig si Gabriel na nagsabing wala siyang kinainang restaurant na PHP3,000 ang bill.
Sinabi ni Gabriel na nasa kasal siya nung mga sandaling iyon at sinabihan ang nasa kabilang linya na baka mali sila ng tinawagang numero.
Nagpahabol pa ang nasa kabilang linya na nanalo si Gabriel ng PHP1 milyon.
Pero hindi natinag ang groom sa tumataginting na halaga. Halatang nainis na siya at sinabi sa kausap, “Meron din kaming 1 million,” at saka pinutol ang pakikipag-usap.
“Iskamin mo pa ako…” sabi ni Gabriel.
Ang lahat ng eksenang ito ay kuha sa video ng The Burning Bush-Clifford Sangcopan, isang event videographer.
PHP1 MILLION GIFT NOT PRANK
Ang mga groomsmen ang nagsabi kay Gabriel na may PHP1 million talaga.
Aba, biglang may nag-abot ng dummy check na PHP1 million!
At ang inakalang scam ni Gabriel, totoo pala!
Ang malaking halaga ay regalo mula sa kanyang bride mismo.
Pero may catch!
Sa kanilang first wedding anniversary pa magagamit ni Gabriel ang perang iniregalo sa kanya ng asawa.
Tuliro man at hindi makapaniwala, tinanggap ito ni Gabriel at sinabing mixed emotions siya dahil sa kasal, sa init ng panahon, at sa excitement.
Inamin ni Gabriel na bahagya siyang nainis nang matanggap ang tawag na inakala niyang prank.
Unexpected ang PHP1 million, pero kitang-kita ang tuwa sa mukha groom na napaluha sa mismong kasal nila.

ONE-DAY MILLIONAIRE NO MORE
Naikuwento naman ni Jasmine na bago pa sila magkakilala ni Gabriel, may one-day millionaire attitude raw si Gabriel.
Pero nang maglaon ay nagbago na ang binata at natuto itong mag-budget at pahalagahan ang pera.
Sa tingin ni Jasmine, karapat-dapat ang asawa sa kanyang regalo.
Aminado naman si Gabriel na marami siyang maling desisyon noon, pero sigurado siya na tama ang kanyang desisyong pakasalan at makasama si Jasmine.
May “prank” mang nangyari sa kasal nila, puno naman ng pagmamahal at pangako ang kanilang mga puso.