Hanggang sa huli ay umiral ang pagiging competitive ni Nathaniel Christian Portez, isang senior high school student mula sa Agdangan, Quezon.
Agaw-eksena si Nathaniel, ang valedictorian ng Quezon Science High School, sa kanilang graduation ceremonies.
Naka-flash sa malaking LED screen ang pag-akyat ni Nathaniel sa stage para tanggapin ang pinakamataas na karangalan sa kanilang batch.
Sa 37-second video post ni Nathaniel sa TikTok, tumuntong siya sa entablado kasama ang ama.
Nakaabang sa entablado ang tatlong school teachers.
Inabot ng lalaking guro ang diploma kay Nathaniel at ang medalya sa ama ng binata.
Nakipag-fist bump si Nathaniel sa dalawang babaeng guro sa stage.
Hinawakan ni Nathaniel ang kamay ng isang babaeng guro, pinaikot ito na animo’y isinayaw, at nag-bow bilang pagbibigay-galang.
Naghiyawan ang audience, na halatang naaliw sa ginawa ni Nathaniel.

Lumapit si Nathaniel sa ama, na siyang nagsabit ng medalya sa kanya.
Pumuwesto ang binata katabi ang tatay para sa picture-taking.
Pero hindi pa rito natapos ang eksena ni Nathaniel.
Ipinahawak niya sa ama ang kanyang diploma. Dinukot ni Nathaniel mula sa kanyang bulsa ang shades at saka isinuot.
Pumuwesto uli siya para sa isa pang picture-taking, at naghagis ng iilang piraso ng confetti mula sa kanyang kamay.

Naghiyawan muli ang audience at nagpalakpakan din.
Caption ni Nathaniel sa kanyang video (published as is): “pov: competitive ka sa pagandahan ng eksena sa grad niyo”
Dagdag pa niya: “thank u for the 6 years quesay!”
Ang TikTok video na ito ni Nathaniel ay umabot na sa 3.9 views matapos ang isang linggo mula nang i-post niya ito.
Bukod pa rito, nag-viral pa ito at ni-repost sa social media.