Patok sa netizens ang kanto-themed birthday party ni Donnalyn Bartolome.
Kahapon, August 14, 2022, nagpalasamat si Donnalyn sa mga nanood ng kanyang birthday vlog na in-upload niya sa YouTube noong Huwebes, August 11.
Trending daw sa nasabing video-sharing app ang kanyang vlog na mayroong halos 4 million views.
Sabi ni Donnalyn, “THANK YOU FOR MAKING US #1 TRENDING ON ITS FIRST DAY!! Pinakasimple pero pinakamasayang birthday ko..”
Ayon pa sa singer-YouTuber, isinabuhay raw niya ang mga nakagawiang selebrasyon noong bata pa lang siya kung saan nairaraos ang mga okasyon sa mga kanto lamang.
Noong July 9 ang ika-28 kaarawan ni Donnalyn.
Saad niya, “My Kanto Birthday Party is not just a concept, this was my life when I left home abroad where my life was comfortable.. pero hindi mo maaabot pangarap mo sa pagiging komportable lagi.
“Kaya nung umalis ako sa amin to work here sa Pinas, hindi ko inaasahan, kahit mahirap, isa siya sa adventure ko sa buhay na hindi ko makakalimutan.”
Sa selebrasyon niya noong mismong kanyang kaarawan, muling sinariwa ni Donnalyn ang mga bagay-bagay noong walang-wala pa siya.
Ilan sa mga pinagsaluhan nila sa kanyang kanto-themed birthday ay lumpia, isaw, kwek-kwek, betamax, mani, at balut.
Ang kanya namang cake ay sinaing na may tutong.
Ilan sa mga inumin nila ay gin, beer, brandy, at rhum.
Sabi ni Donnalyn, “So I relived the times when I was just starting out on my bday last month July 9, just like nung time na walang wala pa ako.. pero nandiyan yung mga taong mahal ako kahit butas butas ang shorts.. at murang sapatos at tsinelas lang kaya kong bilihin. Ngayon.. mas dumami pa ang nagmamahal sa akin kahit ganito mga trip ko.. kayo na mag caption each photo HAHAHAHAHA!!!”
Kabilang sa mga dumalo sa kanto-themed party ni Donnalyn ay ang Kapuso celebrities na sina Andre Paras, Mikey Quintos at boyfriend niyang si Paul Salas, at vlogger-turned-comedian Jelai Andres.
Namataan din sa party sina Awra Briguela, Rastaman, Zeinab Harake, at iba pang vloggers.
Noong petsa mismo ng kanyang kapanganakan, nabatikos ng netizens si Donnalyn dahil sa kanyang baby-themed photo shoot.
Hindi nagustuhan ng ilang netizens ang kanyang photo shoot kung saan umaakto siyang “sexy baby.”
Isang larawan dito ay naka-bib siya bilang pang-itaas na damit kung saan sumisilip ang ibabang parte ng kanyang boobs.
Meron din siyang larawang umiinom ng gatas mula sa isang feeding bottle.
Ang isa naman niyang in-upload ay sexy picture niya na sinusubo ang kanyang daliri.
Humingi naman siya ng dispensa sa kanyang pagiging "insensitive."
Read: Donnalyn Bartolome apologizes for baby-themed photo shoot