Ipinagdiwang ng Kapuso heartthrob na si Miguel Tanfelix ang kanyang kaarawan sa kakaibang paraan.
Ipinagdiwang ni Miguel ang 24th birthday niya noong September 21, 2022.
Ngunit imbes na magarbong handaan o party, pinili ng Kapuso actor na ipagdiwang ang kanyang kaarawan sa pamamagitan ng pamamahagi ng grocery items sa mga nangangailangan.
Sa kanyang latest vlog sa YouTube na may titulong "24TH BIRTHDAY (part 1)", ibinahagi ni Miguel ang kakaiba niyang selebrasyon.
Mula sa pagbili ng mga pagkain, de lata, at tubig, pag-pack ng grocery goods, hanggang sa kanyang pag-iikot at pamimigay nito sa mga nangangailangan at mahihirap na pamilya.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Miguel nang mag guest ito sa PEP Live ngayong Huwebes, September 28, 2022, kasama ang kanyang on-screen partner na si Ysabel Ortega.
Read: Ysabel Ortega grateful to GMA-7 for "first lead" role
Isa sa mga naitanong kay Miguel ay may kinalaman sa kanyang kakaibang pagdiriwang ng kaarawan.
Pag-amin ng Kapuso star, nagmula sa napanalunan niya sa sinalihang game show ang ipinambili niya ng grocery items.
Ang tinutukoy na game show ni Miguel ay ang The Wall Philippines kung saan kamakailan ay naglaro sila ni Ysabel at nanalo ng jackpot prize na tumataginting na PHP1.9 million.
Read: Miguel Tanfelix at Ysabel Ortega, nanalo ng P1.9M sa The Wall Philippines
Kuwento ni Miguel, "Matagal ko na kasi siyang ginagawa and every time na nananalo ako sa game shows, ayun talaga yung plano ko... na mag-give back.
"Naalala ko, nung una sa All Star Videoke, ginamit ko yung sasakyan para makaikot around the area at mamigay ng mga konting pagkain para sa kanila.
"And eto, nanalo kami ni Ysabel sa The Wall Philippines, ginamit ko yung napanalunan namin dun to celebrate my birthday with them."
Dagdag pa niya, "Matagal ko na siyang ginagawa, pero hindi ko lang siya pinapalabas sa channel ko."
Mukhang likas din kay Miguel ang tumulong sa kapwa dahil hindi lang grocery packs ang kanyang ibinabahagi kundi maging ang mga natirang pagkain sa kanilang taping at set.
Saad niya, "Naalala ko, after ng mga kunwari taping pag may mga natitirang pagkain, lalo na sa All Out Sundays at Sunday Pinasaya, iikot ulit ako around the area at magbibigay randomly."
Nag-iwan din ng mensahe ang aktor sa kanyang fans at followers: "Kung meron kayong sobra, kahit konti, ipamahagi niyo sa iba.
"Minsan yung konti sa atin, malaki na para sa kanila. Kahit ano, kahit candy.
"Kahit nga time lang e, for sure maa-appreciate nila yun."
BIRTHDAY CELEBRATION
Maliban sa pamamahagi ng mga grocery packs ay ipinagdiwang din ni Miguel ang kanyang kaarawan kasama ang kanyang fans.
Nagkaroon ng fan meeting event si Miguel sa Sky Ranch sa Tagaytay noong September 22, 2022, na dinaluhan ng kanyang mga masusugid na tagahanga.
Ngunit may espesyal na bisita si Miguel nang sorpresa siyang puntahan ni Ysabel dito at may dalang cake.
Read: Miguel Tanfelix napa-"wow" nang sabihang napamahal na sa kanya si Ysabel Ortega
Pagbabahagi ni Miguel, "Sobrang na-surprise ako, parang nung araw na yun, hindi ko in-expect na pupunta si Ysabel sa Tagaytay.
"Kasi pag nagpapaalam kami sa mom niya na magde-date kami, hindi siya pinapayagan madalas sa South. Kaya nagulat ako nagpunta siya sa Tagaytay.
"Feeling ko naging special yung araw na yun kasi nakasama niya yung Team Miguel, naka-bonding niya."
Read: Miguel Tanfelix excited for Ysabel Ortega's first lead role in a teleserye
Sa likod ng natatanggap na sunud-sunod na projects ni Miguel, plano rin niyang makapag-aral para maging direktor at makapag-travel pa abroad bago siya tumuntong sa kanyang silver year.
"Marami akong goals. Siguro first in mind na naiisip ko ngayon is yung maging director. After Voltes V: Legacy, plano kong mag-short course ng directing.
"Plano ko rin na ituloy yung naudlot kong travel before pandemic. Dapat kasi magyu-Europe ako nun kaso nagka pandemic. So, baka after Voltes V, mag-travel ulit ako."
Sina Miguel at Ysabel ay kasalukuyang napapanood sa GMA-7 primetime series na What We Could Be. Magkasama rin sila sa upcoming action-fantasy series na Voltes V: Legacy.
Read: What We Could Be nina Miguel at Ysabel, maganda ang simula sa ratings