Pamamasada ng jeepney ng kanyang Papa Rey ang nagtaguyod para makatapos ng pag-aaral si Joseph Salcedo ng Bato, Camarines Sur.
Kaya nang mapabilang si Joseph sa mga pumasa sa Mechanical Engineers board exam nitong February 2023, libreng sakay ang kanilang ipinamahagi sa mga kababayan.
Read: Cum laude couple, topnotchers din sa 2023 Mechanical Engineers board exam
Nag-viral kamakailan ang libreng sakay na ginawa ni Mang Rey sa kanyang mga pasahero.
Isa sa mga nalibre ay ang netizen na si Mark Cynric Baldesco Beriña, isang nursing student, at ipinost niya ang tungkol sa libreng sakay sa kanyang Facebook account.
Buong paghangang nai-share ni Mark kung gaano ka-proud ang jeepney driver sa success ng kanyang anak.
Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Joseph nitong Miyerkules, March 8, 2023, ay ibinahagi niyang nangakong magpapa-libreng sakay siya—sa tulong ng amang jeepney driver—kapag pumasa siya sa board exam.
“Yung pagpalibre po kasi ay parang naipangako ko sa simbahan na 'ka ko pag makapasa man ako, sasabihan ko si Papa na magpalibre ng mga pasahero,” mensahe ni Joseph.
Dagdag kuwento niya: “Ang sabi ko nga po noon ay kahit isang biyahe lang pero ang ginawa ni Papa ay isang buong araw.
“Sabi ko po sa kanya noon na ako na magbibigay ng pang boundary niya dahil hindi naman po amin iyong jeep.
“Kaso sa sobrang tuwa din po ng may ari ay hindi na po pinag-boundary si Papa.”
LIBRENG SAKAY DAHIL ‘PASADO ANG ANAK KO’
Dalawang dekada nang nakasandal ang kanilang kabuhayan sa jeepney at ito ang naging susi sa pagtatapos ni Joseph ng kursong Mechanical Engineering sa Camarines Sur Polytechnic Colleges.
Bunso sa tatlong magkakapatid si Joseph at housewife ang kanyang ina.
Kapwa professionals na rin ang tatlong magkakapatid. Ang kanyang ate ay nagtapos ng Bachelor of Science in Office Administration, habang ang kanyang kuya ay nagtapos din ng Bachelor of Science in Mechanical Engineering.
Ang pagiging jeepney driver ng kanilang ama ang dahilan para makapagtapos ng pag-aaral ang magkakapatid.
Kaya hindi maipagkakaila ang pagkalungkot ni Joseph sa banta ng jeepney phaseout na isinusulong maipatupad ngayong taon.
Katunayan, desidido siyang maipasa ang board exam sa unang take lamang dahil nga sa banta na mawalan ng hanapbuhay ang kanyang ama.
“Inisip ko pa po noon na dapat pala ma-one take ko lang itong exam na ito kasi paano kung matuloy na yung phaseout?
“Mawawalan na niyan ng biyahe si Papa. Yun lang naman po kasi source of income namin,” himutok ni Joseph.
Hiling niya, “Sana po ay ayusin na lang nila o i-upgrade ang mga jeep, pero wag naman pong alisin.”

Si Joseph (2nd from right) kasama ang (far left to right) ate, ina, amang driver na si Mang Rey, at kuya)
MAHIRAP PERO LUMABAN
Bagamat hindi sila mayaman, hindi raw naramdaman ni Joseph ang labis na kahirapan dahil sa pagsisipag ng kanyang ama bilang jeepney driver na mabigyan sila ng maayos na buhay.
Sa kanyang ama at pamilya humugot ng inspirasyon si Joseph para malampasan ang mga pagsubok sa pag-aaral, tulad ng mga hamon ng online class.
Nagpursige siya sa kanyang pagre-review at sinikap na maipasa ang board exam sa unang take.
Buti na lamang at tagumpay ang naging bunga ng lahat ng kanyang pagpupunyagi.
Isa si Joseph sa 3,774 Mechanical Engineers board passers mula sa 6,070 na nag-take ng exam, base sa resultang inilabas ng Professional Regulation Commission nito lamang March 2, 2023.