Pinalakpakan sa mismong araw ng kanyang graduation ceremony ang BSED Mathematics student na si Anne Rose Quinto.
Nag-viral ang video ni Anne Rose at ng kanyang inang si Girlie, at maraming netizens ang naantig ang puso sa napanood na pangyayari.
Makikitang umakyat ang graduate sa stage nang nakayapak. Nasira kasi ang sandals ng kanyang ina kaya tinanggal niya ang sapatos at ipinasuot sa nanay.
Hindi inakala ni Nanay Girlie na ang pagpapasuot ng sapatos sa kanya ng anak ay maghahatid ng magandang oportunidad.
Si Girlie, 52 anyos, ay isang housewife at may walong anak.
Si Anne Rose ay pang-anim sa magkakapatid.
READ 12 anyos, youngest graduate with five degrees sa isang U.S. college
Nangyari ito sa Investiture of Hoods program na bahagi ng Practicum Graduation ng Education Department ng Bago City College sa Negros Occidental.
Ginanap ang investiture sa MYTMCC (Bago City Coliseum) noong Miyerkules, June 14, 2023.
GOING BAREFOOT ON STAGE
Sa Digicast Negros ipinalabas ang buong footage ng viral video, kung saan maririnig ang palakpakan ng lahat sa pag-akyat ng mag-ina.
Ayon kay Girlie, hindi sinasadyang napasok sa isang butas ang takong ng kanyang sandals, at sa pag-angat ng paa niya, napigtas ang strap.
Salaysay ni Nanay Girlie, “Nung papalakad na ako, biglang naputol ang ano [strap] ng sandal ko.
“Nahiya na ako umakyat ng stage kasi hindi naman puwede na yung isang paa lang ang meron, yung isa, wala.”
Agad namang ipinaalam ni Girlie sa anak na hindi ito makakaakyat sa stage.
“Sabi ko, Ta [palayaw ni Anne Rose], tawagin mo muna ang boyfriend mo kasi ang sapatos ko napigtas. Hindi na ako makaakyat.”
Pahayag ni Anne Rose, “Agad na tumakbo ang boyfriend ko papunta sa amin.
“Ako na lang ang naiwang mag-isa na hindi pa nakakaakyat. Kaya siya na lang ang nagkabit sa akin [ng hood].
"Pero sinabihan agad ako ng aming instructor na si Mama raw talaga ang dapat magkabit sa akin ng hood.”
Bumaba muli ng stage si Anne Rose at binalikan sa puwesto ang ina.
READ Cum laude-board passer gets apology from girl who ghosted him
BAREFOOT MOMENT
Dahil mabilisan ang lahat, agad na tinawag ni Anne Rose si Nanay Girlie.
“Sabi ko sa kanya, ‘Ma, eto suotin niyo na lang, o.’ Okay lang na magpaa ako. Kaya ayun, umakyat uli kami ng stage para ikabit niya ang aking hood.”
Nagpalakpakan naman ang mga tao sa gesture ng anak sa ina.
Plain black high-heeled shoes ang sapatos ni Anne Rose. Masikip raw ito kay Nanay Girlie, pero hindi nito inalintana ang sakit na naramdaman sa kanyang mga paa nung mga sandaling yun.
“Sobrang sakit ng mga paa ko kahapon habang suot ko ang sapatos. Tiniis ko lang,” sabi ni Nanay Girlie na katabi lang ang anak. Hindi sila magkapareho ng shoe size, at mas malaki ang paa ni Nanay Girlie.
“Mas malaki ang entrada ng paa niya,” sabi pa ni Anne Rose.
Hindi raw ito ang unang beses na nasiraan ng sapatos si Nanay Girlie.
Last year, ganito rin aniya ang eksena sa graduation naman ng kapatid ni Anne Rose.
“Ganyan din ang nangyari sa akin noong nakaraang taon. Nung gumradweyt yung isa kong anak. Ang nangyari, nabali naman yung heels ng sapatos ko. E di, binali ko na rin yung isang takong para pantay na sila.”
Hindi naman napigilan ng ina ang maging emosyonal.
“Kung ibang mga anak, hindi siguro kayang gawin yung ganoon. Pero siya, nagawa niyang magpaa para lang sa akin.”
Fish vendor ang ama ni Anne Rose na si Anghel Quinto Sr.
Hindi nakadalo si Tatay Anghel dahil nagbenta raw ito maghapon, pero umabot sa kanya ang kuwento.
Sabi ng ama ni Anne Rose, "Kahit ako nagulat at nakaramdam ng konting hiya dahil sa nangyari, pero proud pa rin ako dahil naka-graduate ang anak ko."
READ Kumusta na si Jarel Barcelona Tadio, kasambahay na magna cum laude?
FREE REVIEW FOR BOARD EXAM
Ngayong tapos na si Anne Rose, plano nitong mag-apply muna ng trabaho.
Ito ay para may pangtustos siya sakaling mag-review na para sa board exam.
Pero dahil sa viral video ni Anne Rose, nakakuha siya ng full scholarship mula sa Carl Balita Review Center Bacolod.
Anytime ay puwede na raw siyang magsimulang mag-review.
Sabi nga, pag may ginawa kang mabuti, babalik ito sa iyo, in unexpected ways.
Plano ni Anne Rose na magturo sa Bacolod City o sa Bago City pag isa na siyang full-fledged teacher.