Samot-sari, makukulay, at naggagandahang cakes ang tumambad sa mga bisita ng Cake Fiesta Manila nitong Nobyembre.
Ginanap ang event sa SMX Convention Center sa Pasay City, at nilahukan ito ng cake makers mula sa iba't-ibang parte ng mundo kabilang ang Pilipinas.
Ilan lamang sa mga programa na inihanda para sa mga bisita ay ang Live Cake Decorating Battle, free demos, at lessons para sa aspiring cake makers at artists, at ang Display Cake Competition.
At isa sa inabangan ay ang "Sculpted Cake" category sa ilalim ng Display Cake Competition.
Dito kasi ay litaw na litaw ang creativity at galing ng mga kalahok sa paghulma at paglikha ng cake models ayon sa gusto nila.
Mahigpit din ang rules ng kategorya kabilang dito ang hindi paggamit ng styrofoam at dapat ay nakakain ang majority na parte ng cake.
Read: 8 cake-related incidents that made news
TRIBUTE TO AN ICON
Pumukaw sa pansin ng mga manunood ang cake na likha sa imahe ni Whang-Od, ang katutubong tattoo artist na kilala sa buong mundo.
Si Whang-Od ang kinikilalang oldest living mambabatok, ang tradisyunal na paraan ng pagta-tattoo gamit ang stick at bamboo.
Read: Why Apo Whang-Od is not eligible for the National Artist award
Ang Whang-Od cake ay likha ng baker, cake artist, at entrepreneur na si Charo Caldito-Caparas.
Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Cha (palayaw ni Charo) sa pamamagitan ng Facebook Messenger ay ikinuwento niya kung paano ginawa ang cake na isinali sa kumpetisyon.
"Five days ko siya ginawa pero four hours per day lang kasi juggling ako sa cake orders. Tumutulong pa ko sa tao ko and hatid sundo sa school ng three kids," bungad ni Cha.

Dagdag pa ni Cha, "Sa sculpted cake na ito gumamit ako ng cake (no dummy) chocolate ganache and sa cover gum paste and modeling chocolate, na second time ko lang na-experience gumamit."
Bihira raw gamitin ang modeling chocolate sa Pilipinas dahil sa init ng klima at may posibilidad na hindi ito tumigas at matunaw agad.
Ito at ang ibiyahe ang cake mula Marikina hanggang sa Pasay ang malaking challenge na kinaharap ni Cha sa kumpetisyon.

"Mabigat kasi siya at 35 lbs at walang aircon sa SMX during ingress kaya mainit. So alalay kami in case mag-collapse yung chocolate."
Pero bakit si Whang-Od ang napili niyang design ng cake?
"Favorite subject ko kasi si Whang-Od," diretsong sagot ni Cha.
"In fact, may ginawa ako na figure ni Apo [Whang-Od] para sa celebration cake competition for Bakery World held in Cebu last September. Nanalo ang cake namin ng Silver," dagdag pa niya.
"For me kasi she's an icon. A symbol of femininity, bravery, and uniqueness."
POSITIVE FEEDBACK
Marami naman ang humanga at natuwa sa cake model na gawa ni Cha.
Sabi niya, "Sa mga pinoy cake artist and cake enthusiast, pagpasok pa lang ng cake display, si Whang-Od agad [yung nakita nila] napa-wow sila. Siyempre, kilalang-kilala siya."
Malaking karangalan kay Cha ang makagawa ng cake na inspired ng kanyang idolo.
Biro niya, "Parang na-meet ko na siya in person. Habang ginagawa ko kasi parang nakatingin siya sa akin; iniisip ko bigla na lang magsasalita."
Silver prize ang nasungkit ng Whang-Od cake ni Cha, samantalang nagwagi ng Bronze ang Maria Clara at Ibarra-inspired cake niya para naman sa Wedding Cake Display category.
Read: Maria Clara at Ibarra's X factor: great storytelling, stellar cast, big-budget production

Champion naman si Cha at ang kanyang grupo para sa Sugar Figure category ng Live Cake Wars Battle matapos talunin ang cake artists mula Mindanao at Thailand.
Hindi ito ang unang kampeonato ni Cha sa Cake Fiesta.
Dalawang beses na siyang nagkampeon, ito ay noong 2019 (Cake Wars - Adult category) at 2022 (Cake Wars - Hyper-realistic Cake category).
Hinirang din siya na overall Cake Wars champion noong 2022.
Pero no doubt na ang Whang-Od cake ang masasabi niyang isa sa proudest creations niya.
"Talagang masasabi ko na dugo't pawis ko iyan. Ako lahat gumawa from start to finish," pagmamalaki ni Cha.
"This one talagang malapit sa puso ko," dagdag ni Cha na dating nagtatrabaho sa bangko bago naglakas-loob na sundin ang kanyang passion sa baking at cake design.
Nung 2014 ay itinayo ni Cha ang sarili niyang pastry at cake business na Edible Dreams.
Going back sa kanyang idolo, may balak ba siyang dagdagan ang kanyang tattoos at magpagawa kay Whang-Od?
"Nasa bucket list ko siya," pahayag ni Cha, na itong taon ay dalawang beses fineature ng American Cake Decorating magazine.
"Sana [makapagpa-tattoo ako], habang malakas pa siya at kaya pa niya."