Ang mga luha ay napalitan ng mga ngiti at ang lungkot ay napalitan ng saya.
Ito ang happy ending ng nag-viral na newlywed couple mula sa Dumaguete City, Negros Oriental, kamakailan.
Pinag-usapan ang kasal nina Janine at Jove Deo Sagario na ginanap sa Saint Andrew the Apostle Parish sa Amlan noong June 8, 2024.
Sinimulan na kasi ng pari ang seremonya kahit naglalakad pa lamang ang wedding entourage at ang bride.
Sinermunan pa nito ang bride and groom sa gitna ng kasal.
Himutok ng pamilya ng ikinasal, nagmistulang lamay at hindi kasal ang nangyari.

Read:
- Newlyweds "disrespected" by parish priest on wedding day
- Ninang in viral Negros Oriental wedding speaks up
Pero dahil sa pangyayari, nakuha ng couple ang simpatya ng netizens, sampu ng mga wedding organizers at suppliers sa Negros Oriental na nagkaisa para mabigyan sina Janine at Jove Deo ng all-expense-paid second wedding.
Nitong June 17, 2024, Lunes, naganap ang tinaguriang “Wedding Part II” nina Janine at Jove Deo sa isang events place sa Dumaguete.
THE GUY WHO STARTED THE BAYANIHAN
“Bongga” ang paglalarawan ni John Lester Barot, 31, na naging susi para mangyari ang enggrandeng kasal.
Fifteen years nang violinist si John Lester, na madalas maimbitahang tumugtog sa mga weddings.
Naantig ang kanyang damdamin nang mapanood ang viral video ni Janine, na habang naglalakad for her bridal march ay nagsisimula na ang misa.
“Kasi as a violinist, every wedding, importante kasi yung bridal walk. Once in a lifetime kasi yun, e,” sabi ni John Lester.
Nag-post siya at nagprisinta na maging violinist kung magkaroon man ng second wedding.
Tumugon naman kay John Lester ang mga kasamahan niya sa wedding industry.
Paliwanag ni John Lester sa PEP. “Iba-iba kasi kaming mga team dito sa Negros Oriental, pero we are one.
“Mayroon kaming organization, pero iba-iba yung mga teams.”
Sinagot ang catering, transportation, wedding rings, wedding gown and suit, venue, at iba pang gastusin sa kasal.
Read: Twin sisters marry twin brothers
VIRAL NEWLYWEDS' SECOND WEDDING
Nangyari ang second wedding nina Janine at Jove Deo sa Brooke’s Place sa Dumaguete at mismong ang owner ng venue ang sponsor.
Ang nag-officiate ay si Negros Oriental Mayor Manjoe Sycip.
Ani John Lester nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Porta) via call nitong June 19, 2024, walang pagsidlan ang tuwa ng couple at ng kanilang pamilya.
“Super happy talaga. Yung mga face nila talaga, naka-smile lahat,” sabi ng violinist.
"Tapos excited, napa-wow sila. Bongga kasi yung wedding. Kasi yung first wedding parang simple lang, nasa bahay lang ang reception.”
Lubos-lubos daw ang pasasalamat ng couple na sina Janine at Jove Deo sa mga nagkaisa para magkaroon sila ng second wedding.
“Sige-sige talaga na pagpasalamat. Nakita namin habang kumakain nagpapasalamat talaga nang sobrang-sobra,” ani John Lester.
Tila nabura na ang masamang alaala ng kanilang church wedding.


.
PHP1 MILLION WORTH WEDDING
Binanggit din ni John Lester ang unang naging reaction ng bride na si Janine.
Sa simula, may agam-agam daw siya nung nalaman niyang may mga gustong mag-sponsor ng second wedding nila ni Jove.
Naubos na raw kasi ang pera nila dahil sa unang kasal kaya wala talaga silang budget para sa anumang gastos for the second wedding.
“Kasi sabi ni Ma'am [Janine], three years silang nag-save for that wedding. Sabi niya ordinary people lang sila. Di sila Mayaman. Nag-save talaga sila for that wedding.
“Sabi ko, ‘No worries, Ma'am, wala kang gagagastusin kasi may mga sponsors na gustong gagawa sa wedding mo.’”
May post si John Lester tungkol sa pagkikita ng mga wedding suppliers and organizers kasama ang couple.

Inusisa ng PEP si John Lester kung magkano ang expenses sa kasal.
Kung siya raw ang tatanungin, tantiya niya ay kalahating milyong piso ang inabot.
Paliwanag niya, “Meron kasing nagtanong sa media, kasi nagpunta kasi yung local media dito sa Dumaguete.”
Inusisa rin daw siya tungkol sa total expenses.
“Tapos sabi ko parang nasa half a million yata iyon. Hindi ko sure.
“Sinabihan ko yung media, ‘Puwede tanungin mo na lang sila isa-isa kung how much yung service nila? Para sure talaga tayo.’
“’Tapos kinompute nila, aabot talaga ng one million plus, kasi may wedding ring with diamond, then LED, kumpleto lahat…”
Pero giit ni John Lester, beyond the price, ang importante ay nagkaroon ng second wedding ang couple, at ang masamang karanasan ay napalitan ng magagandang alaala.

This time, magba-viral sila for a beautiful reason.
Thankful si John Lester sa lahat ng nag-ambag.
"Hindi ko in-expect kasi post lang iyon. Kasi alam naman nating walang second wedding, puwera na lang kung mayayaman."
Ang pangyayari raw ay testamento na buhay na buhay pa rin pagbabayanihan, at maraming Pilipino ang handang tumulong sa kapwa.

