Kung dramatic entrance ang pag-uusapan, hindi magpapakabog ang elevator wedding entrance ni Kate Anne Sadie Roman-Saulo mula sa 10th Floor ng Fairmont Bab Al Bahr hotel sa Abu Dhabi, UAE.
Ang wedding ceremony ay ginanap mismo sa harap ng building, kaya makikita ng mga guests ang pagbaba ng bride habang nakasakay sa see-through elevator.
Makikita rin ng maraming onlookers ang kanyang march dahil nagsimula ito sa stairs sa harap ng building papunta sa wedding venue.
Ikinasal sila ni Reuben Emmanuel Cruz Saulo noong February 18, 2023.


More than one year mula nang maganap ang kasal, maraming netizens pa rin ang nahuhumaling sa video.
Marami pa rin ang napa-“sana all” nang ni-repost ito nito lamang July 4, 2024, at humakot ng 5.5 million views, 466,200 reactions, 19,200 shares, at 2,491 comments.
Naitampok din ito sa Unang Hirit noong July 5, 2024 kaya naging usap-usapan ulit sa social media.
Read: Is Gil Puyat Avenue being changed to Gil Tulog Avenue?
UNPLANNED GRAND ENTRANCE
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Kate Anne noong July 11, 2024.
At ang kuwento niya, hindi pala planado ang grand entrance na iyon.
“The elevator entrance was not planned at all. Sobrang suwerte ko lang kasi may mga staff sa hotel that time who helped me to pull it off,” lahad ng bride.
Simple at intimate lamang daw ang kanilang inihandang selebrasyon at mayroon lamang humigit kumulang 40 guests.
Ngunit naging madamdamin at memorable ito para sa lahat dahil sa grand entrance ng bride.
Dagdag ni Kate Anne, “Naisip ko siya last minute before ako bumaba to surprise all of our guests.
“Kaya nung pababa ako dun sa viral video, majority of our guests were surprised and crying.”
Umaapaw din daw ang emosyon ng kanyang napangasawang si Owell dahil ito ang unang beses na nakita siya suot ang kanyang wedding gown.
“Yung husband ko, first time niya din ako nakita nun, wearing my wedding gown, ‘cause during the preparation of our wedding, sabi ko talaga sa kanya, surprise yung wedding gown.”
Read: Hello Kitty is not a cat, but a little girl--Sanrio
LIVING HAPPILY EVER AFTER
Mahigit isang taon na silang kasal, pero hindi pa rin daw nababawasan ang kilig ni Kate Ann sa kanyang asawa.
Simula pa noong sila’y nasa dating stage pa lamang, alam ma niyang si Owell ang “the one,”
Aniya, “Alam kong siya na yung lalaki na makakasama ko habang buhay, kasi during the first three years ng relationship namin, hindi kami nagkaroon talaga ng malaking problema.”
“Sobrang calm and peaceful ng naging relationship namin.
“Lagi siyang naka-support sa akin sa lahat ng gusto ko and desisyon ko sa buhay.
“Never ako nag-overthink or pinag-isipan na magloloko siya or what, dahil na rin siguro sa mga pinaramdam and pinakita niya sa akin.
“Nasa kanya na lahat ng gusto ko sa isang lalaki. Masipag, mabait, family-oriented, and sobrang effort and sweet as a boyfriend and husband.
"Kaya nung nag-propose siya sa akin sa Maldives, nag-YES agad ako.”

Parehong tubong-Nueva Ecija ang couple.
Ayon kay Kate Ann, nagkakilala sila ni Owell noong 2018 sa pamamagitan ng isang common friend.
Nineteen years old lamang ang dalaga noon, at 26 naman ang binata.
Noong i-search ni Kate Ann ang pangalan ni Owell sa Facebook, nadiskubre niyang nag-iwan ito ng mensahe sa kanyang account noon pang 2016.
Noong panahong iyon, si Owell ay nagtatrabaho sa Dubai.
Doon na nagsimula ang kanilang pagpapalitan ng chat messages.
October ng taong iyon ay umuwi ang binata sa Pilipinas at naging official ang kanilang relasyon.
“LDR kami for 8 months, then umuwi siya nung graduation ko June 2019.
“Then isinama niya na ako sa Dubai to work there.
“Nag-propose siya sa akin nung June 2021 sa Maldives and 4 years na kaming mag-girlfriend/boyfriend before we got married."
Matapos mamalagi ng limang taon sa Dubai, kunsaan siya nakapagtrabaho bilang restaurant staff at kalaunan ay bilang Luxury Personal Shopper, muling umuwi si Kate Ann sa Pilipinas upang ipagpatuloy ang nasimulang business.
Kung marami man ang napapa-sana all sa bonggang wedding entrance ni Kate Anne, siguradong mas mapapa-sana all sila sa matamis na pag-ibig na patuloy na pinagsasaluhan nila ng asawang si Owell.
“I’m trying to think [of] the worst challenge we faced as a couple but nothing comes to my mind.
“Siguro kasi during our almost 6 years relationship together, 5 years as a couple and 1 year married we are always doing our best to understand each other eh.”
“Di ba, sabi nga nila, wala namang perfect na tao and ganun din kami as husband and wife.
“Pinagtagpo kami ni God para pasayahin, intindihin at bunuin ang kulang ng isa’t isa.
“I know it’s not always going to be rainbows and butterflies but we are confident na malalagpasan namin kung meron man kami magiging problema in the future, as long that we have each other’s back.”