Jayvee Araneta's motorcycle accident story: Ang naikabit na putol na braso...at pag-asa

by KC Cordero
Jul 7, 2021
Nang makita ni Jayvee Araneta na nakahiwalay ang kaliwang braso niya sa kanyang balikat, first time daw sa buhay niyang nakaramdam ng matinding takot. "Hindi na kailanman magiging normal uli yung lahat...gustuhin ko man o hindi," saad niya sa kanyang Facebook post.

“Noong time na naaksidente ako, nakuha ko pang tumayo at binuhat ko ang kaliwang braso ko..."

Ito ang bungad ng Facebook status ni Jayvee Araneta, 26 years old, noong Mayo 4, 2021.

Sakay ng kanyang motor, galing ang binata ng Cabanatuan City at pauwi na sa bahay nila sa Valenzuela City nang binangga ito ng isang humaharurot na dump truck.

Sa pagpapatuloy niya, "Naghanap ako ng tao sa paligid at humingi ng saklolo. Luckily, I found someone 'tapos ay umupo ako sa tabi ng kalsada.

“Tiningnan ko yung braso ko na nakahiwalay na halos sa balikat ko, 'tapos bigla na akong nanlamig!

“Nanghingi ako ng tubig sa isang lumapit, 'tapos unti-unti na lang silang dumami. Hindi ko na napansin at hindi ko na rin namalayan na nakaubos na ako ng tatlong bote ng tubig.

“Ang paulit-ulit ko na lang na binabanggit sa mga taong di ko kilala na nasa paligid: ‘Mamamatay po ba ako? Wala na po akong braso. Tulungan niyo po ako...’"

Shocked si Jayvee nang makita niya nang malinaw ang mga nangyari.

Duguan siya, wasak ang motor, nakahiwalay na halos sa kanyang balikat ang kanyang kaliwang kamay at balat na lang ang nagdudugtong. Bukod pa rito ang injury sa iba’t bahagi ng kanyang katawan.

Ang kuwento pa niya sa Facebook status, “Sa tanang buhay ko, akala ko ay sobrang tapang ko na. Hindi ko akalain na matatakot din pala ako nang makita ko ang aking kamay na hindi na halos nakakabit sa aking katawan.

“Palagi kong sinasabing matapang akong tao, pero that time, na-realize ko kung gaano ako kaduwag. Umiyak ako. Takot ako, e. Ayoko pang mamatay."

Ang mahirap na parte ay nung nag-sink in na sa kanya na hindi na magiging normal ulit ang buhay niya, lalo pa't ang trabaho niya ay bilang isang digital artist.

Pinili niyang sarilinin ang lungkot at takot.

"Sa ilang araw ko sa ospital, marami na agad nangyari at akala ko magiging okey na.

“Oras at reyalidad yung kalaban. Reyalidad na pagbalik ko, hindi na kailanman magiging normal uli yung lahat... gustuhin ko man o hindi.

"Dumadating sa punto na nilalamon ako paminsan-minsan ng takot at awa sa sarili, sa totoo lang, kahit magpahanggang ngayon.

“Pero wala akong mapagsabihan kasi ayokong may nalulungkot dahil sa akin. Mahirap panghinaan ng loob kung alam mong maraming nakasuporta sa iyo.

“Sobrang daming kuwento mula noong day one [ng aksidente] up to now at hindi ko na maisa-isa. Madalas malungkot, but I just lift it up to Him para gumaan. ‘Siya’ lang ang nakakaalam ng lahat...” pagbabahagi pa ni Jayvee.

"Pigil yung hagulhol ko dahil baka magising yung ibang pasyente.”

Ikatlong araw niya sa Philippine Orthopedic Center, April 21, ay nagbigay ng update sa aksidente si Jayvee.

Aniya, “After ng operation ko sa shoulder, meron pala akong bali sa siko at need mag-undergo ng isa pang operation sa Biyernes [April 23]. Hindi pala nila magalaw yung siko ko dahil sa laki ng open wound na meron ako sa kili-kili papuntang siko.

“Kinailangan daw pong linisin muna yung sugat before going to another operation dahil mataas yung rate na ma-infect. Kasalukuyang nakasemento po ang lower part ng braso ko at patuloy rin ang pag-cleanse sa upper arm ko na may open wound thru a suction unit.

"But on Friday [April 23], lalagyan na daw po ng metal implants yung siko ko.”

Mayo 18 ay nakaisang buwan na si Jayvee sa ospital.

Ayon pa kay Jayvee, ang una at ikalawang linggo niya sa ospital ang pinakamabigat.

Pagbabahagi niya, “Maraming beses na nakakatulog ako at nananaginip, 'tapos magigising na lang ng madaling-araw na kusang tumutulo yung luha ko kasi sa panaginip ko, normal pa rin ang lahat. Pero pagmulat ko, bakit may benda na akong bigla?

“Parang hinugot yung bangungot sa panaginip 'tapos ay inilipat sa reyalidad. Hindi ko matanggap. Pigil yung hagulhol ko dahil baka magising yung ibang pasyente.”

Ang ginagawa na lang daw niya ay kinakausap ang sarili, iiyak nang tahimik, hanggang sa makatulog at sikatan muli ng araw kinabukasan nang nakatulala.

PERA AT ORAS, BIGAY NG MGA KAIBIGAN AT KAKILALA

Noon na rin siya nag-post sa Facebook para humingi ng tulong.

“Alam kong sobrang laki ng sakripisyo ng isa’t isa sa atin ngayong pandemic, but I humbly ask for financial assistance for my upcoming operation. Ang kahit na anong halaga po ay malaking tulong na po sa akin, lalo sa aking pamilya.”

Pero bago pa man ang post niyang ito ay may mga kaibigan at kaklase nang nagpadala agad ng tulong kay Jayvee.

Palibhasa isa siyang digital artist, maraming kakilala sa art community ang nagbenta ng artworks para makatulong sa kanyang pagpapagamot.

Kaya naman hindi masukat ang kanyang pasasalamat sa mga dumamay.

“Malaki ang utang na loob ko sa mga kaibigan at kakilala kung paano ako nakaka-survive dito araw-araw. Bukod pa roon, nabili namin ng cash ang kailangang bakal for the implant sa bali ko sa siko gamit yung mga donation ninyong lahat, kaya feeling ko, deserve din ninyong malamang lahat kung ano talaga yung totoong lagay ko at ng braso ko.”

Malaking factor din aniya na laging may mga taong nagbigay-oras para kumustahin at kausapin siya. Nakapag-vent ang binata ng emosyon—masaya man o malungkot.

“Maraming salamat sa mga nangungumusta, hindi man madalas, but I always appreciate it when someone does,” nakangiting sambit niya.

Pagbibiro pa niya, “Pati na rin sa best friend at girlfriend ko na walang sawang nakikinig sa mga nasa isip ko kahit madalas ay wala ring sense. At sa patuloy na pag-intindi. Pati na rin sa Nasa Itaas na takbuhan ko pag di ko na kaya yung lahat ng emosyon.”

"Nangingilid ang luha ko habang nagta-type nito ngayon sa saya.”

Ang magandang balita ay naikabit ng mga doktor ang kaliwang braso ni Jayvee.

Iyon nga lang, mahaba ang proseso para sa kanyang road to recovery.

Nagpokus muna ang mga doktor sa mga sugat niya sa kaliwang braso na nagka-bacteria at matagal-tagal din na may nakakabit na suction unit na panghigop ng laman at pantanggal ng excess na dugo at tubig sa sugat.

Tinanggalan siya kalaunan ng suwero na may antibiotic, pero umiinom pa rin ng mas matapang na antibiotic.

“Halos magpantay na yung natirang balat at yung sugat ko. Bali pa rin yung siko ko dahil natatakot daw yung doktor kong mag-undergo ng operation sa buto dahil malaki ang chance na mabulok lang ang bakal sa tindi ng bacteria na nasa sugat ko sa ngayon,” ang bahagi ng update niya ilang linggo matapos ang aksidente.

Makalipas pa ang ilang araw ay mas masaya na ang kanyang post.

“Ang saya ko today, no growth na daw yung bacteria sa braso ko at puwede nang i-surgery. Na-swab na rin ako kanina.

“Thursday ang posible sked ng surgery sa akin kung negative yung swab result. Nangingilid ang luha ko habang nagta-type nito ngayon sa saya.”

At noong Mayo 27 ay muli siyang sumalang sa isa pang matagumpay na operasyon.

Ang kanyang mensahe sa mga sumusubaybay sa kanyang pakikipaglaban: “Gusto ko lang magpasalamat uli sa lahat nang tumulong sa akin at nagpahatid ng mga dasal. Pasama po muli sa dasal niyo. Maraming salamat!”

HINDI MAN LANG SIYA HININTUAN NG TRUCK DRIVER

Malinaw na hit and run ang nangyari kay Jayvee. Sobrang bilis aniya ng pagmamaneho ng drayber ng dump truck at hindi man lang siya hinintuan nito matapos siyang mabangga.

May mga humabol dito, pero hindi na inabutan. At hindi na rin nakuha ng mga humabol ang plate number ng dump truck.

Binalikan na lang siya ng mga humabol, at tumawag ng tulong, hanggang sa may dumating na ambulansiyang nagdala sa kanya sa ospital.

Ang nakapagtataka, ayon sa binata, “Hindi ko rin alam kung bakit hindi ako makaramdam ni katiting na galit man lang sa truck driver na nakasagi at nang-iwan sa akin sa kawalan. Pero mas okey na sigurong ganoon.

“Nakakabaliw, pero sa mga araw na dumaraan ay natututo na akong tanggapin nang dahan dahan, paunti-unti, ang nangyari. Hindi ito madali. Emotionally, mentally, physically ay nakakapagod.”

January-August 2020: 31,800 road accidents

Nakakagimbal man ang nangyari kay Jayvee, karaniwan na ang mga ganitong aksidente sa Pilipinas.

Kung ang pagbabatayan ay ang statistics, nasa 12,000 Pinoy ang namamatay kada taon dahil sa aksidente sa daan—at pinakamarami rito ay sa Metro Manila.

Sa inilabas na impormasyon ng Metro Manila Development Authority (MMDA) noong September 8, 2020, batay sa Road Crash Statistics sa Metro Manila mula January 2020 hanggang August 2020, tinatayang nasa 31,811 road accidents ang naiulat.

Umabot sa 136 ang fatalities, 6,614 ang non-fatal, at 25,061 naman ang lumikha ng damage sa property.

Papataas din ang trend ng road accidents sa Pilipinas—na mula sa 63,072 noong 2007 ay naging 116,906 noong 2018.

Karaniwang sanhi ng aksidente ang overspeeding, nakainom o lasing ang nagmamaneho, driver’s error, mechanical defect, jaywalking, kakapusan ng driver sa kaalaman sa traffic rules, kawalan ng disiplina sa pagmamaneho, at mga sirang kalye.

On average, pinakamaraming kaso ng road accident ang kinasasangkutan ng private cars (118,522) at motorsiklo (35,006).

ANG BAGONG JAYVEE ARANETA PAGLABAS Ng OSPITAL

Praktikal na tao si Jayvee. Alam niyang hindi sa lahat nang pagkakataon ay matutulungan siya ng mga kaibigan at kamag-anak sa pagpapagamot.

Gayunpaman, sinabi niyang nakagawa na ng paraan ang kanyang pamilya para mabayaran ang hospital bills pagsapit ng panahon na lalabas na siya ng ospital.

Tinanggap na rin niya ang posibilidad na baka hindi na niya mabalikan ang dating trabaho.

Ang masaklap kasi, nang maganap ang aksidente ay kaha-hire lang sa kanya ng kumpanyang pinapasukan.

“Bilang isang digital artist, kailangan ko ang dalawang kamay ko sa trabaho. Itong kaliwa ko, hindi ko alam kung magagamit ko pa na kagaya nang dati. Itong kanan ko, medyo tinamaan din sa aksidente. Pero ang mahalaga ay buhay ako at muli kong mahaharap yung journey na nakalaan sa akin dito sa mundo.”

Noong Hunyo 5 ay nakalabas na siya ng ospital.

Nang makausap siya ng PEP.ph [Philippine Entertainment Portal] ay sinabi niyang naigagalaw na niya ang mga daliri sa kaliwang kamay.

Ayon sa kanyang mga doktor ay “very good sign” ito.

Hindi raw niya alam kung paano magpapasalamat sa mahuhusay na doktor ng Philippine Orthopedic Center na umasikaso at nag-opera sa kanya.

Habambuhay raw niyang tatanawing utang na loob iyon, gayundin sa mga taong unang sumaklolo sa kanya nang ma-hit and run siya.

Ipinakita rin niya ang kanyang mga obra na nasimulan na niyang ipinta, pero hindi na niya natapos dahil sa aksidente.

“Hopefully, maituloy ko or makagawa ng panibago soon,” nakangiti niyang sambit.

TANGING HILING NI JAYVEE: PANALANGIN

Kung nagduda man noong una ang binata sa kanyang katapangan, ngayon ay baka hindi dobleng tapang lang ang taglay niya sa dibdib matapos niyang malampasan ang isang malagim na aksidente.

Pero bukod sa tapang, ang isang kahanga-hanga kay Jayvee ay ang kanyang mindset na ibahagi sa lahat ang kanyang naging karanasan at pakikipaglaban.

At kung mayroon man siyang tanging hiling, iyon ay ang maisama natin siya sa ating mga panalangin.

“Alam kong maraming nangyayari sa mundo at sa buhay ng bawat isa sa atin na mas dapat nating pagtuunan ng pansin, pero sana ay maisama pa rin ako ninyo sa dasal ninyo araw-araw. Maraming salamat po sa inyong lahat...”

HOT STORIES

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Nang makita ni Jayvee Araneta na nakahiwalay ang kaliwang braso niya sa kanyang balikat, first time daw sa buhay niyang nakaramdam ng matinding takot. "Hindi na kailanman magiging normal uli yung lahat...gustuhin ko man o hindi," saad niya sa kanyang Facebook post.
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results