Naging viral noong October 2020 ang larawan ni Elmer Lumbo, isang lalaking inakala ng lahat na isang construction worker.
Sa larawan na ipinost ng kanyang anak sa Facebook, makikita si Elmer na nagsesemento at gumagawa ng riprap habang gamit ang flashlight dahil madilim na ang paligid.
Namantsahan ng semento ang kanyang damit, at base sa mga larawan ay masasabing ilang oras na siyang nagtatrabaho.
Pero hindi construction worker si Elmer, kundi principal ng Habana Integrated School, isang public school sa Buruanga, Aklan.
Bakit ang principal ang gumagawa ng construction work sa eskuwelan na siya ang namamahala?
THE STORY BEHIND THE VIRAL PHOTOS
Na-interview ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Jose Elvis, 21, noong July 19, 2021, at ibinahagi nito ang istorya sa likod ng nag-viral niyang photos ng ama.
“That time October 26, [2020], gabi na iyon, galing po ako noon sa pangingisda,” ani Elvis via phone interview.
Pasado alas-otso na raw ng gabi iyon.
“’Yung bahay namin nasa likod lang ng school. Pagdating ko sa bahay, sinabi ko kay Nanay, ‘Nasaan si Tatay?’ Sabi niya doon daw sa school.”
Pinuntahan raw ni Elvis ang ama at nadatnan daw ang kanyang tatay na may ginagawang construction sa isang bahagi ng eskuwelahan.
“Nakita ko siya doon nagri-riprap. Nakunan ko siya ng picture. Gano’n nga nangyari,” sabi niya, pagtukoy sa pag-post sa larawan sa social media.
Ani Elvis, pampa-good vibes lang daw ito tungkol sa kanyang ama na higit pa ang ginagawa sa kanyang pagiging school principal.
Sa Facebook post ni Elvis, sinabi nitong saan ka pa makakakita sa buong Pilipinas ng school principal na construction worker?
Proud daw si Elvis sa ama.

Ani Elvis, noong gabing iyon ay pinauwi na ng kanyang ama ang dalawang trabahador dahil lumalalim na ang gabi.
Pero itinuloy ng principal ang pagtatrabaho kasama ang janitor sa school.
Ibinahagi ni Principal Lumbo sa ANCX noong November 2020 kung bakit kinailangan niyang ituloy ang construction.
Noong araw raw na iyon, nakatanggap siya ng tawag mula sa division office at sinabihan siyang kailangan niyang makapagsumite ng accomplishment report kinabukasan.
Kung hindi ito magagawa, hindi matatanggap ng kanilang paaralan ang tranche ng kanilang Maintenance at iba pang Operating Expenses (MOE).
Mahalaga kay Sir Lumbo na makuha ang MOE dahil ito ang ginagamit nila para sa pagpi-print ng mga module para sa kanilang mga estudyante. Mahirap ang signal sa kanilang lugar kaya't modular system ang mode of learning ng paaralan ngayong may pandemic.
Kaya't hindi siya puwedeng magmintis sa hinihinging accomplishment report.
Tinitiyak niya na tama at maayos ang trabaho ng mga trabahador.
“Inaalalayan ko ang mga manggagawa para maganda ang resulta, kasi pag di maganda, hindi rin maganda ang pakiramdam ko.
"Ginagawa ko lang ito para makatulong para gumanda ang aming paaralan,” sabi ng principal.
PRINCIPAL, CONSTRUCTION WORKER, AND MORE
Labing-isang taon nang nagsisilbing principal si Sir Lumbo sa Habana Integrated School.
At kuwento ni Elvis, hindi lang pagko-construction ang ginagawa ng ama sa eskuwelahan.
“Mga gawain sa school siya rin gumagawa. Nagri-riprap, nagpapader ng eskuwelahan... siya yan gumagawa.
“Isa pa, Sir, mga maintenance…
“Kung mataas na ang halaman sa school, pinapa-mower niya.
“Kung may mga pipinturahan—mga grills, mga tuktok [ng bubong], mga cushion [ng upuan].”
Sabi ni Elvis, nagmamason rin ang kanyang tatay sa school kapag kinakailangan.
Sa una raw ay may mga kinukuhang trabahador si Sir Lumbo para asikasuhin ang maintenance ng paaralan.
“Kung ang trabahador ay may ginagawa [ibang trabaho], halimbawa sa mga halaman, siya [Sir Lumbo] din gumagawa.
“Basta kung walang gumagawa at may time siya na gagawin iyon, siya rin ang gagawa,” sabi ni Elvis.
Kuwento pa ng binata tungkol sa kanyang ama: “Kasi ayaw niya ng mga made-delay. Sa susunod na araw pa gagawin.
“Gusto niya kung ngayon araw gagawin, gagawin. Siya ang gagawa basta wala lang siyang meeting.
“Basta may time siya, siya ang gagawa niyan."
Kahit daw walang pumapasok na estudyante at bawal pa ang face-to-face classes, hindi pa rin humihinto si Sir Lumbo sa pagbabantay sa eskuwelahan.
“Kasi nagbubukas pa rin siya ng ilaw do’n. Magbukas ng ilaw at magpatay ng ilaw pag umaga.”
Araw-araw pa rin daw pumupunta ng school si Sir Lumbo at uuwi pagsapit ng alas-nuwebe ng gabi.
Kasama raw roon ni Sir Lumbo ang kanyang misis na si Vicitacion Lumbo, 58, na Home Economics teacher naman sa paaralan.
Si Mrs. Lumbo naman ang naglilinis ng kuwarto at naghahardin.
Sabi pa ni Elvis, lahat ng ito ay ginagawa ng kanyang ama dahil sa pagmamahal sa kanyang trabaho bilang principal.
Ito naman ang pahayag ng principal sa kanyang ginagawa: “Kasiyahan ko po talagang gawin ito. Likas lang talaga sa akin ang gumawa ng ganito."
A PRINCIPAL, A FATHER
Sabi ni Elvis, simpleng tao ang kanyang ama.
“Kasi sa pag-aayos ng damit kung makikita mo di mo malalaman na principal talaga o hindi,” ani Elvis.
Paglalarawan niya sa ama: “Mabait, maginoo, at may respeto.
“May pagmamahal sa pamilya, sa mga tao.”
Hanga raw si Elvis sa ama dahil hindi ito maramot.
“Kung sino nangangailangan ng pera, magbigay [siya] ng pera kahit konti.
“Si Tatay sa amin very strict. Kung ano ang aming gusto, pinagpaalam namin sa kanya.
“Kung ano din itugon, magandang impluwensiya, sinusunod din namin.
“Hindi siya nagpabaya sa aming magkakapatid. Pinaaral kami sa kolehiyo,” ani Elvis, na panlima sa anim na magkakapatid.
Apat daw sa kanilang magkakapatid ay nakapagtapos na ng pag-aaral, habang si Elvis at ang kanyang bunsong kapatid ay nasa kolehiyo pa.
Laki sa hirap ang kanyang ama, pero hindi naging hadlang ito para hindi siya makapag-aral.
Ayon sa ANCX, anim na taon pa lang noon si Sir Lumbo nang pumanaw ang kanyang ama.
Para matulungan ang pamilya, nagtrabaho siya bilang porter sa Quezon City nang makatapos ng high school.
Hindi na raw niya inisip na makakatuntong siya ng kolehiyo, pero pinag-aral daw siya ng kanyang tita.
Kumuha siya ng Bachelor of Science in Practical Arts sa Iloilo School of Arts and Trades sa La Paz, Iloilo City.
Nagsimula siyang magturo noong 1983.
Taong 2004, pagkatapos ng halos dalawang dekada sa pagtuturo, itinalaga siya bilang head teacher sa isang barangay sa Buruanga.
Noong 2009 ay na-promote siya bilang principal sa isang paaralan sa Altavas, Aklan.
Pagdating ng 2010, itinalaga siya bilang principal sa Habana Integrated School sa Buruanga, ang kanyang hometown.
