Masaya ang Pasko para kay Joanna Rose Griño, isang kasambahay na ngayon ay isa nang licensed pharmacist.
Nag-graduate si Joanna ng kursong BS Pharmacy mula sa Our Lady of Fatima University-Valenzuela.
Nito lamang December 3, 2021, lumabas na ang resulta ng Pharmacist Licensure Examination.
Nakapasa si Joanna, 23.
Kalakip ng licensure exam list ay ang graduation pic niya.
Nag-graduate siya noong November 16, 2021 at nag-take ng licensure exam noong November 25-26, 2021.
Bungad ng post ni Joanna (published as is): “Mama/Papa Pharmacist na po ako.
“Thank you Lord MERRY na ang Christmas.
“Andaming pagsubok na dumaan pero Hindi ako nagpatalo, hindi rin ako umiyak (ngayon Lang)...
"... Kako wala mapupuntahan kung magmomokmok at iiyak Lang ako sa isang tabi.”
HARD-LUCK STORY
Si Joanna ay mula sa Sorsogon, pangatlo sa anim na magkakapatid.
Nilisan niya ang kanilang probinsya para mag-aral sa Maynila.
Dahil may kapatid sa Maynila, hindi na kinailangan ni Joanna na problemahin ang kanyang tirahan at pagkain.
Pero para suportahan ang pag-aaral, mamasukan siya bilang kasambahay.
Inalalayan naman siya ng kanyang kapatid sa kanyang tuition.
Ani Joanna sa interview sa kanya ni Mark Salazar para sa 24 Oras, December 10, 2021, marami siyang isinakripisyo sa ngalan ng kanyang pangarap.
Kuwento niya, “Sabi ko kay Ate, ‘Ate, puwede ba akong pumunta diyan sa Manila?’
“Kahit ano lang yung trabaho kasi alam ko po na wala akong future doon.
“Siguro baka nag-asawa na talaga ako kung nandoon lang po ako sa Bicol.”
Nagkuwento naman ang ate ni Joanna na si Mary Jane para ilarawan kung gaano sila kahirap noon.
Sabi ni Mary Jane, “Yung ultimo po asin, yung pisong asin uutangin pa po namin sa kapitbahay.
“Ultimong isang pirasong sibuyas or bawang na panggisa...”
Kumapit si Joanna sa kanyang pangarap na maihaon ang sarili at pamilya mula sa kahirapan.
“Hindi habang-buhay ganito ang sitwasyon ko," pahayag ni Joanna.
“Kumbaga po kahit sobrang hirap, gagawa at gagawa ka ng paraan para ma-push mo yung pangarap.
“At natupad ko naman po. Pharmacist na po ako ngayon.”
Isang pagsubok ang dumating sa buhay niya sa mismong araw ng examination.
Masama kasi ang pakiramdam niya at na-ospital ang kanyang ina.
Kaya naman puspusan ang kanyang pagdarasal noon at salamat sa Diyos, dininig ang kanyang dasal.
Sabi ni Joanna (published as is): “Tapos charan nkita ko ung name ko...umiyak nku..
“Sobrang unexpected ng result diko inexpect nmasyado n papasa ako ksi may dalawang modules n diko sure mga sagot ko.
“Grabe si Lord! Nagbunga na lahat ng dinadaing ko Kay Lord.”
Ngayong nakapagtapos na siya at isa nang ganap na pharmacist, plano ni Joanna na tulungan ang nakababatang kapatid sa pag-aaral nito.
“Ang plano ko po ay next year po yung sumunod po sa akin, yung panglima ko pong kapatid si Jethro, yun naman po yung susuportahan ko po sa college niya.”
Use these Adidas PH promo codes when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.