Lingguhan kung pumunta sa kakahuyan si Dionilo “Ening” Sagang, 47, para umakyat at magputol ng mga kawayan para gawing alkansiya.
Siya rin mismo ang gagawa at magbebenta ng mga alkansiyang ito para meron siyang pangkain.
Ang nakamamangha sa sitwasyon ni Ening, isa siyang bulag.
Si Ening ay taga Sindangan, Zamboanga del Norte.
Bago makarating sa kakawayanan, kailangan munang maglakad ni Ening ng dalawang oras.
Ang nagsisilbing mata niya ay ang kanyang nakatatandang kapatid na si Arcilita Amazon, 60.
Gamit ang kahoy bilang tungkod, binabagtas ni Ening ang masukal na bukid. Si Arcilita ang nagbibigay ng direksiyon kay Ening.
Ayon sa wikang Davaoeño ni Ening, “Dahan-dahan lang talaga, para bang mga langgam. Hindi ako natatakot. Takot sa aso at ahas,”
Naitampok ang kuwento niya sa Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) nitong December 12, 2021.
Pagdating sa paroroonan, aakyatin ng bulag na si Ening ang mga puno ng kawayan, kakapain ang puno, at puputulin ito gamit ang kanyang itak.
Sabi ni Ening sa mga panganib na kanyang sinusuong, “Bahala na kung mahulog, basta okay lang. Bahala na kung pilay-pilay.
“Kung mahuhulog, sasabit naman tayo sa mga sanga-sanga, hindi naman tayo didiretso.
“Kapag nahilot din naman, wala na.”
Sa KMJS episode na iyon, nagkataong nagtamo ng aksidente si Ening.
Pagbagsak ng puno, humampos ang pinagputulang dulo nito sa dibdib ni Ening.
Nagtamo siya ng mga sugat at kinailangan na tulungang bumaba.
Buti may kasamang medical personnel ang TV crew at napatignan sa clinic si Ening para matiyak na ligtas siya.

Ening climbs bamboo trees, which he uses to make wooden coin banks.
Sa paggawa ni Ening ng mga alkansiya, mano-mano niyang pinuputol at kinikinis ang mga kawayan gamit ang itak. Kinakapa niya lamang ito.
Bukod sa pang-araw-araw na gastusin, kumakayod rin si Ening para hulugan ang motorsiklo ng kanyang ate buwan-buwan.
Three years to pay ito at nakakadalawang taon na sila. Isang taon na lamang ang kailangan para makumpleto ang bayad dito.
Sa pagbebenta ng mga alkansiya, mag-isang bibiyahe sa Dipolog si Ening para doon magbenta.
Nagkakahalaga ang mga ito ng PHP50 hanggang PHP200, depende sa laki ng alkansiya.

He goes to Dipolog to sell his coin banks that costs PHP50-PHP200 each.
BLIND AT AN EARLY AGE
Kuwento ni Ening, nabulag siya noong bata pa siya dahil nagkatigdas siya.
May memorya pa raw si Ening noong nakakakita pa siya.
Nang patingnan sa espesyalista si Ening, natukoy ng doktor na hindi siya nabulag dahil sa tigdas.
Nadiskubreng may glaucoma at catarata si Ening.
Dahil sa katagalan ng kondisyon, hindi na maaaring makakita pa si Ening, pero binigyan ng medikasyon para maiwasan ang pagsakit ng kanyang ulo at mata.
Samantala, sinagot ng KMJS ang handaan para sa 47th birthday ni Ening. Binigyan din siya ng grocery items.
Inabutan din siya ng financial assistance ng Kapuso TV program katuwang ang municipal and social welfare and development office ng bayan ng Sindangan, pati na ang governor’s office ng Zamboanga del Norte.
Kita sa mga mata at ngiti ni Ening ang tuwa sa mga natanggap niya.

His eyes and the smile in his face show his gratitude for the blessings he received.
Tinanong si Ening tungkol sa kanyang pangarap.
“Ang makakain tatlong beses sa isang araw. Magkaroon ng bahay na matutulugan, para hindi maulanan,” sagot niya.
Sa kabila ng kanyang kondisyon, ipinagmamalaki ni Ening ang kanyang kabuhayan.
“Mabuti raw ito aking ginagawa dahil nagbebenta.
“Hindi raw katulad ng iba na nanghihingi.
“Ang pagbebenta hindi nang-aabala sa ibang tao.”