Aminado si Jekyll Almaden na isa ang kanilang pamilya sa labis na naapektuhan nang lumaganap ang pandemya noong 2020.
Pero hindi naging hadlang ang pandemya sa pag-abot ng kanyang pangarap.
Si Jekyll, 23, at taga-Barangay Casili, Consolacion, Cebu, ay Top 4 sa January 2022 Licensure Examination for Teachers (LET) para sa elementary level.
Ayon kay Jekyll, siya ang ika-siyam sa kanilang sampung magkakapatid.
Tindera ng puto ang kanyang ina at isang security guard ang kanyang ama.
Napilitang huminto ang kanyang ina sa pagtitinda ng puto dahil sa mga ipinatupad na lockdown.

Nag-aaral noon si Jekyll ng kursong Bachelor of Science in Elementary Education sa Cebu Normal University (CNU).
Napilitan si Jekyll na maghanap ng trabaho para hindi mahinto sa pag-aaral, at makatulong sa kanyang pamilya. Naging online teacher at financial advisor siya sa isang insurance company.
Sa kabila ng hirap at mga pagsubok, ipinagpatuloy niya ang pag-aaral, hanggang sa maka-graduate noong 2021.
Nagbunga naman ang kanyang mga pagsisikap dahil sa ginanap na LET noong January 2022, nakakuha si Jekyll ng rating na 92 percent, at nakapasok siya sa Top 4 ng LET para sa elementary level.
INSPIRASYON ANG KANYANG PARENTS
Inihandog ni Jekyll ang kanyang tagumpay sa kanyang mga magulang.
Aniya, ang mga ito ang nag-motivate sa kanya na magsikap para magtagumpay.
Hanga rin siya sa sipag ng kanyang ama’t ina para lang matiyak na mapag-aaral silang sampung magkakapatid.
Pagbabahagi ni Jekyll, “If you’re tired of studying, the ones sending you to school are also tired. That alone for me is a motivation.”
Nitong March 15, matapos malaman na isa siya sa board topnotchers ay nag-post siya sa kanyang Facebook account ng madamdaming status.

Natatandaan niya na noong August 14, 2021 may nagpayo sa kanyang gumawa ng sariling “vision board,” kung saan niya ilalagay ang gustong makamit sa buhay.
Ayon kay Jekyll, ang inilagay niya sa kanyang vision board ay maging Top 1 siya sa board exam for teachers.
NAG-WISH NA MAKAPASA LANG NANG MAG-EXAM
Aminado naman si Jekyll na noong kumuha siya ng board exam, nag-wish siyang sana ay makapasa kahit hindi kasama sa topnotchers.
Pagbabahagi niya sa panayam sa kanya ng SunStar Cebu noong March 15, “All I wanted was at least I could get a 75 percent rating.”
Hindi niya inakala na halos natupad niya ang nasa kanyang vision board.

“Then, my friends messaged me that I was one of the top ten LET passers. I thought the PRC had mistakenly written my name there.”
Pagbabalik-tanaw niya, nagawa pa niyang mag-review sa loob ng dalawang buwan sa isang private review center bilang paghahanda sa LET.
Pero nang magtrabaho na siya bilang financial adviser, nag-self review na lang siya hanggang sumapit ang exam.
FUTURE PLANS
Plano ni Jekyll na mag-apply sa mga review centers at maging lecturer sa mga nais maging guro na katulad niya.
Babalik din siya sa pag-aaral para kumuha ng master’s degree in Business Administration.
Sa mga gustong maging educator, ang payo niya sa mga ito ay tapusin agad ang pag-aaral habang bata pa.
Balansehin din ang oras sa pag-aaral at paglilibang, dahil kailangan din namang mag-relax lalo sa panahong ito ng pandemya
Higit sa lahat, laging aniyang makipag-ugnayan sa Diyos.
"When you have Him, you have everything."