Umaaray ngayon ang mga Pilipino dahil sa mataas na presyo ng gasolina. As expected, nagmahal din ang presyo ng liquified petroleum gas (LPG) na ginagamit sa pagluluto.
Kaya naging viral agad ang “kalan de mantika” na naimbento ng isang Mechanical Engineering student mula sa Milaor, Camarines Sur.
Nitong Marso, gumawa si Jaysus delos Santos ng isang kalan na ang gamit ay patapong mantika o cooking oil.

(Ipinost ni Jaysus delos Santos ang isang video kung paano gumagana ang kanyang invention)
Si Jaysus, 29, ay graduating Mechanical Engineering student sa Bicol State College of Applied Science and Technology.
Dati siyang mekaniko na hindi nakapagtapos ng high school.
Pero sa pamamagitan ng Alternative Learning System o ALS, natapos niya ang kanyang secondary education.
Kasunod nito, itinuloy niya ang pagkokolehiyo.
Kamakailan ay ipinost ni Jaysus ang kanyang kalan de mantika na gawa sa mga scrap metals at used cooking oil.
Nag-viral ito at marami ang nakipag-ugnayan sa kanya para umorder.
“Daming nagme-message. Yung demand nationwide. Ang hirap pong punan kasi kulang po yung mass production ko. Kulang na kulang po talaga,” lahad ni Jaysus sa panayam niya sa DZMM Teleradyo noong March 29, 2022.
“Di ko naman po akalain na magva-viral dahil ang ginawa ko natuwa sila, kaya nakakuha ako ng maraming share.”
Ang ibinebentang kalan de mantika ni Jaysus ay nagkakahalaga ng PHP2,000.

(Naimbento lang ni Jaysus ang kanyang kalan de mantika ngayong March 2022 at mabilis itong nag-viral.)
Ang invention ay ginagamitan ng blower na puwedeng i-plug sa kuryente o kaya ay baterya na tumutulong sa pagpapatagal ng apoy.
Ani Jaysus, ang 200ml na used cooking oil ay maaaring tumagal ng one hour and 30 minutes na malakas ang apoy.
CHEAP AND SAFE
Tiniyak ni Jaysus na malaki ang matitipid gamit ang kanyang likhang stove.
“Yung mga used oil o pinagprituhan, nasasayang lang po iyon.”
Sa pamamagitan daw ng kanyang project, ang pinagprituhang mantika ng baboy, manok, at isda ay hindi itatapon.
“Dito kumbaga wala pong sayang dito,” paliwanag ni Jaysus.
Magsisilbing kapalit ng gas ang used cooking oil.
Sinabi rin ni Jaysus na simple ang paggamit ng kanyang likha.
“Kukuha lang ng mantika na [ginamit] na lalagay sa lalagyan ng small tank.
“Kailangan lang ma-preheat yung mantika para tuluy-tuloy yung apoy niya. One to two minutes, puwede ka nang magluto.”
Giit niya, “Wala na pong gas iyon. Wala po tayong gagamitin na iba. Purong mantika po.”
Gaano ito ka-safe gamitin?
“Ang mantika po kasi hindi naman po highly flammable. Kahit sindihan po natin ang mantika, hindi ito sasabog.
“Wala tayong dapat ikatakot na sasabog ito.”

(Kabi-kabila ang interview ni Jaysus matapos maging viral ang kanyang imbensiyon.)
Ang importante lang daw ay ma-preheat muna ang mantika.
Sa isang video, ipinakita ni Jaysus kung paano simulan ang apoy.
Sa chamber na pinatuluan ng mantika, sasaksakan ito ng papel at patutuluan ng kaunting flammable liquid para i-start-up ang apoy.
Isasaksak ang blower para magtuloy-tuloy ang apoy at maghihintay ng preheat ng mantika bago simulan ang pagluluto.
Ani Jaysus, “Ginagamitan siya ng blower na nagsu-supply doon sa chamber ng oxygen."
Ang blower ay puwede raw gamitan ng baterya o isaksak sa kuryente at ang konsumo raw nito ay 4 watts, gaya ng pagcha-charge ng cellphone.
Sabi pa ni Jaysus, “Kayang lampasan ang ordinaryong burner, kasi pag nilakasan yung mantika, malakas din ang apoy na ilalabas niya. Nakokontrol siya. Puwedeng pahinaan o palakasan.”
Ikaw, kampante ka bang gumamit ng kalan de mantika?
