Watch Now

Allan Bryan Mendros: from dishwasher to business owner and philanthropist in Canada

Apr 6, 2022
allan bryan mendros
Mula sa probinsya, nakipagsapalaran sa Maynila si Allan Bryan Mendros at naging dishwasher sa isang malaking hotel. Hindi siya bumitaw sa pangarap na aasenso balang araw. Ngayon, nakatira na siya sa Canada, may negosyo, at may foundation para sa mga nangangailangan.
PHOTO/S: Facebook (Allan Bryan Mendros)

Kumapit sa paniniwala si Allan Bryan Mendros na hindi siya habang buhay magiging dishwasher.

Itinaga niya ito sa kanyang isip nang magtrabaho bilang tagahugas ng mga plato sa isang malaking hotel noon sa Maynila.

At nagkatotoo nga ito dahil si Allan ay permanent resident na ngayon sa Canada, may sariling negosyo, may mga properties, at isa nang pilantropo.

Tubong Boac, Marinduque si Allan at anak siya ng isang labandera at isang karpintero.

Dahil pangarap na maiahon mula sa kahirapan ang sarili at pamilya, nakipagsapalaran siya sa Maynila.

Namasukan siyang dishwasher sa isang malaking hotel.

Sa panayam sa kanya ni Ron Gagalac ng OMNI Filipino noong April 3, 2022, naibahagi ni Allan ang kanyang success story.

Hindi raw biro ang hirap na dinanas niya bilang isang hotel dishwasher.

“Dahil tambak na hugasin kada may function. Halos hindi na ako nakakakain noon dahil nga gusto kong tapusin yung trabaho ko… maglinis ng pinggan at mga gamit ng kusina,” kuwento ni Allan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Pero hindi ininda ni Allan ang hirap ng kanyang trabaho.

Di naglaon, nagkaroon ng magandang oportunidad.

Nakilala niya ang isang Canadian chef, na kanyang naging boss sa pinagtatrabahuhang hotel.

Nagpakitang-gilas daw si Allan.

“Pinakita ko doon sa employer yung talento ko sa paggayat at saka sa pagluto.”

allan bryan mendros

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Naniwala si Allan Bryan Mendros na hindi siya habang buhay magiging dishwasher.

Hindi naman nauwi sa wala ang kanyang effort.

“Tinapik niya yung balikat ko, ng employer na Canadian.”

Sinabihan daw siya ng “See you in Canada.”

“Ako lang po yung Pilipino na binigyan niya ng calling card niya, ng business card niya.

“Kaya sabi ko, ‘This is the sign na makakapunta ako ng Canada.’”

Gaya ng iniwan niyang trabaho sa Pilipinas, sa kusina rin nagsimula si Allan pagdating sa Canada.

Hindi naging madali sa kanya ang mga pinagdaanan doon.

“Pag bago ka pa lang dito sa Canada, nandiyan na yung bullying ng mga katrabaho mo, dahil ipu-push ka nang ipu-push sa trabaho dahil bago ka pa lang po,” kuwento ni Allan.

“Yun yung isa sa mga pinakamasakit na experience ko. Ina-underestimate ka.”

Pero hindi nagpatalo si Allan. Pinagbutihan niya ang kanyang trabaho.

Para makakuha ng permanent residency sa Canada, anim na beses kumuha si Allan ng English proficiency test hanggang sa maipasa niya ito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

SUCCESS IN CANADA

Pitong taon na si Allan sa Canada at nakatira ngayon sa Calgary kasama ang pamilya.

“Ngayon po ay may dalawang bahay na ako dahil sa tulong ng Panginoon.

“Yung isang bahay ko po, yung old house, yun po yung ginawa kong business. Yun po yung Airbnb.

“Halos fully-booked na po ng dalawang buwan.”

Bukod pa rito, nagtayo rin siya ng isang cleaning business sa Canada at nabigyan ng trabaho ang ilang kababayan.

Pero ang itinuturing niyang malaking achievement ay ang pagpapatayo ng International Wheelchair Foundation (IWF).

Daan-daang wheelchairs na ang naipamimigay niya sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas at sa Africa.

allan bryan mendros

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Isinalaysay ni Allan Bryan Mendros ang kanyang success story kay Ron Gagalac ng OMNI Filipino

Proud si Allan sa pagsasabing mula sa sariling bulsa ang ipinambibili at ipinamamahaging wheelchairs sa mga nangangailangan.

May mga kababayan din siyang nag-aabot ng suporta sa kanyang foundation, na bukas sa mga nais magbigay ng tulong.

Aniya, “Ang success, the more you help without intention, hindi mo iniisip na may balik. Bahala na ang Panginoon na magbalik sa iyo.”

Paalala rin niya, kailangang kakambal ng tagumpay ang magandang pag-uugali.

“Ang pagiging totoo sa buhay, yung totoo ka lang, yung wala kang inaapakang tao.

“Wala man ikaw iniisip na manlamang sa tao, yun yung tunay na tagumpay.”

HOT STORIES

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Mula sa probinsya, nakipagsapalaran sa Maynila si Allan Bryan Mendros at naging dishwasher sa isang malaking hotel. Hindi siya bumitaw sa pangarap na aasenso balang araw. Ngayon, nakatira na siya sa Canada, may negosyo, at may foundation para sa mga nangangailangan.
PHOTO/S: Facebook (Allan Bryan Mendros)
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results