Eight years nang dine-develop ni Maria Yzabell Angel Palma ang kanyang invention na eco-friendly airconditioning unit.
Isang 23-year-old Mechanical Engineering student mula sa De La Salle University, si Angel ang inventor ng AirDisc, na tinatawag na "revolutionary" at "breakthrough" dahil sa pagiging eco-friendly nito.
Hindi kasi ito tulad ng ibang airconditioning units na bumubuga ng CFCs o chlorofluorocarbons, na siyang nakakasira sa ozone layer ng mundo.
Naimbento ni Angel ang AirDisc noong siya ay high school student sa Philippine Science High School sa Bicol.
Kuwento ni Angel, requirement bilang graduating student na magkaroon ng school project noon.
Ang sinimulan niyang project ay isang airwave oven.
“Kapag meron kang container of gas molecules, ‘tapos ni-reduce mo siya into half of its volume or kinompress mo siya, its temperature and pressure double.
“So nagkakaroon siya ng init,” kuwento ni Angel sa Teleradyo noong April 24, 2022.
Nahirapan daw si Angel na kontrolin ang heat sa kanyang project na gagamitin sa pagluluto.
Pero may nangyaring hindi niya inasahan.
“Sa pagti-test ng product, which is the airwave oven, nakita ko po at the end of the copper tube nagkaroon ng expansion. So, may cold air siya sa dulo.”
Ang cold air ay sing-lamig daw ng hangin sa aircon.
Kaya mula sa initial project na airwave oven, air-conditioner na lang ang ginawa ni Angel na tinawag niyang AirDisc.
Isinali ni Angel ang kanyang invention sa international competitions at napansin ito ng mga judges.
Pagtuloy ni Angel, “Yung judges nag-persuade sa akin and nakapagpa-realize na this is something bigger than me.
“This isn’t a high school project. It can actually change the cooling industry.”
Inilarawan daw ng judges ang invention ni Angel bilang “revolutionary” at game-changer.”
Hinimok siyang patuloy itong i-improve.

Angel Palma and her AirDisc unit invention, a more eco-friendly and affordable aircon unit.
Kaya naman nasa eighth year na ngayon si Angel sa pagde-develop ng kanyang invention at ang goal niya ay maging commercially available ito.
HOW AIRDISC WORKS
Hindi kagaya ng usual aircon, ang AirDisc ay di gumagamit ng chemical refrigerant.
Ang ginagamit nito ay ang hangin sa paligid.
"Yung hangin po kasi natin, meron siyang attendant moisture. So yung moisture po ang ginagamit para i-compress, magkaroon ng init," paliwanag ni Angel.
"'Tapos pinag-e-expand ko po siya so nagkakaroon ng cold air.”
Sabi pa ng estudyante, “Mula sa elisi, kukuha ng hangin sa room, pinoproseso sa loob ng disc. Doon nangyayari yung magic, turn hot air to cold air.”
Gumagamit daw ito ng electric motor na gaya ng motor sa washing machine at iba pang appliances.
Ang electric consumption nito ay 150 watts lamang, kumpara sa 1,500 average watts na ginagamit sa aircon.
Ibig daw sabihin nito, mas affordable ang acquisition at operational cost ng kanyang invention at 90 percent ang matitipid sa consumption ng kuryente.


Front view (top) at side view (bottom) ang AirDisc invention ni Angel.
Sa lamig naman, kayang umabot ng lamig sa 16 degrees o mas malamig pa.
Ang unit ay magkakahalaga ng mula PHP25,000 hanggang PHP40,000 pero inaasahang mas magiging mura pa ito kapag naging commercially available.
Sabi ni Angel, dapat sana ay magiging available ito commercially ngayong 2020 pero inabot na ng pandemya.
Ang kanyang partner for production ay isang company sa Japan.
Umaasa si Angel na maging out na ito sa market sa susunod na taon.
Ayon pa sa Filipina inventor, patented na ang kanyang invention sa Pilipinas at sa United States Patent and Trademarks Office.
Dahil din sa kanyang invention ay napabilang si Angel sa Ten Outstanding Young Men noong 2021.
