Ginantimpalaan ng PHP50,000 at saka puwesto sa palengke ang dating kargador na naging topnotcher sa Mechanical Engineering Licensure Examination.
Naging laman ng balita si Mark Allen Armenion, 25, dahil naging Top 2 siya sa board exam noong February 2022.
Nakakuha siya ng 95.70 percent passing grade.
Hindi ikinahihiya ni Mark na sabihing dati siyang kargador ng tubig at basura sa Carbon Market sa Cebu City.
Tinanggap ni Mark ang PHP50,000 at ang plaque of recognition sa launching ng Cebu Sunday market nito lamang Linggo, March 22, 2022, ayon sa ulat ng Cebu Daily News.
Ang nakuhang puwesto sa palengke ay malaking tulong para sa kanyang inang si Marites, na isang tindera ng uling. Ang kanyang ama namang si Rene ay tagaluto ng litson.
Bukod sa PHP50,000 cash incentive at stall sa palengke, una nang ginantimpalaan si Mark ng PHP120,000 ng alma mater niyang University of Cebu (UC) bilang incentive.
MARK CONQUERS THE ODDS
Si Mark ay tubong Warwick Barracks, Carbon Market, Cebu City.
Namasukan si Mark bilang kargador ng tubig at basura sa isang palengke sa Mandaue noong nasa high school para matustusan ang pag-aaral.
Pumasok siya sa University of Cebu – Lapu-lapu and Mandaue at kumuha ng mechanical engineering.
Nag-excel sa mathematics si Mark.
Siya ang national quiz champion sa 2018 Philippine Society of Mechanical Engineers Quiz Bowl 2018.
Siya rin ang nagwagi sa Cebu Schools Athletic Foundation, Inc. Math Quiz Bowl noong 2018 at 2019.
Nang i-demolish ang bahay nila sa Mandaue, bumalik ang pamilya ni Mark sa Carbon.
Ipinagpatuloy niya ang pag-aaral sa University of Cebu (UC) main campus.
Nag-graduate si Mark noong March 2020, pero dahil sa pandemic ay na-delay ang pagkuha niya ng board exam.
Hanggang sa matuloy na nga ito noong February 2022, at nakuha niya ang No. 2 topnotcher's spot.