Walang pagsidlan ng tuwa si Jerome Bustarga, 21, tubong Pili, Camarines Sur, dahil sa magandang kapalaran na napasakamay niya.
Graduating student siya sa senior high school sa Arellano University bilang class valedictorian.

Ang good news, nakapasa siya sa limang university sa United States para doon magkolehiyo.
Sa panayam kay Jerome ng Bicol.PH noong June 4, 2022, ibinahagi niyang two years siyang nag-stop sa pag-aaral matapos ang kanyang junior high school sa Ateneo de Naga University.
Nagparaya siya para makatapos muna sa kolehiyo ang nakatatandang kapatid na lalaki.
Hindi naman umano siya makapaniwala sa nangyayari sa kanya ngayon.
Sambit niya, “Now po, everything is surreal, kasi napatunayan ko sa sarili ko na I am capable of doing more.
“That's why sabi ko, never ko na ida-doubt ang sarili ko.”
NALUNGKOT NANG MAG-STOP SA PAG-AARAL
Pangalawa si Jerome sa apat na magkakapatid. Isang overseas Filipino worker ang kanyang ama na assistant chef sa barko, habang housewife naman ang kanyang ina.
Dahil nag-aaral silang dalawang magkapatid sa private school, nahirapan ang kanilang parents sa expenses.

Aminado siyang nalungkot siya noong pansamantalang huminto sa pag-aaral pagkatapos ng junior high school.
“To be honest, medyo inggit po ako kasi some of my friends are college na, pero di ako pinanghinaan ng loob. Mindset ko lang is God has greater plans for me.”
NAGING INTERESado SA U.S. COLLEGE ADMISSION
Kahit nakahinto sa pag-aaral ay nag-start na si Jerome na maghanap ng mapapasukan kapag nag-college na siya.
“Nag-start po ako sa US college admission journey ko, way back 2018. Out-of-school po ako that time.
“One day while I was scrolling sa Facebook, I saw this suggested page which is Education USA. I visited their website, 'tapos parang naging interesado ako.”
Noong una ay medyo doubtful umano siya dahil nasa US ang mga kolehiyo.
“Never ko ma-imagine ang sarili ko sa US, tapos mag-a-apply pa ako. Pero feeling ko kasi, pag hindi ako mag-try, magre-regret ako.”
Kaya noong 2020 na nagbalik-eskuwela na siya ay sinimulan na niya ang mag-apply.
“Grade 11 ako noon. I applied as test-optional. Meaning, hindi ako magsa-submit ng standardized test scores.”
Nag-submit siya ng common application o single online college application na ginagamit ng maraming U.S. universities.
Nagpadala rin siya ng college essay o personal statement, English proficiency exam, recommendation letters, at high-school transcripts.
Kuwento pa niya, pinakamurang English proficiency exam ang kanyang kinuha dahil kapos siya sa budget.
Sa 11 universities na sinubukan niyang mag-apply, natanggap siya sa lima.
PANGARAP MAGING ASTRONAUT
Childhood dream ni Jerome ang maging astronaut. Pinagtatawanan umano siya ng mga kaklase dahil imposible raw na magkatotoo ito.
Aminado siyang dumating sa puntong akala niya ay hanggang pangarap na lang ito.
Pero nabuhayan siya ng loob nang itatag ang Philippine Space Agency noong 2019.
Kaya sa limang unibersidad sa U.S. kung saan siya natanggap, pinakainteresado siya sa Clarkson University kung saan pumasa siya para kumuha ng kursong Aerospace Engineering.
Iyon nga lang, hindi pa rin siya sigurado kung matutuloy ang pag-aaral dahil pa rin sa isyung pinansyal.
Pansamantala, ninanamnam niya ang tamis ng kanyang na-accomplish.
“I am more than happy. I made my family proud, especially si Mama.
“She's the very reason why I gained so much confidence. I think 75% of my confidence ay galing kay Mama.”
Umaasa rin siyang hindi matatapos sa pagkakapasa niya sa Clarkson University ang kanyang journey sa pagtupad sa childhood dream.