Inilabas na ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) noong June 16, 2022 ang mga pangalan ng winners sa isinagawang 51st Universal Postal Union (UPU) International Letter Writing Competition for Young People.
Nakuha ni Loraine Evangelista ang first place, at nanalo siya ng PHP25,000.
Estudyante si Lorraine ng San Ildefonso National High School sa Bulacan.
Makakapag-travel din siya sa UPU headquarters sa Berne, Switzerland.
Second place si Lucia Camila Perez Sta. Ana ng Paref-Woodrose School Inc. sa Ayala Alabang Village, Muntinlupa City, at may premyong PHP15,000.
Third place naman si Sofia Luxel C. Alburo ng General Santos City National High School, at tatanggap ng PHP10,000 premyo.
Pagkakalooban din ang tatlong winners ng medalya at plake na may mga albums ng Philippine stamps sa awarding ceremony na gaganapin sa October 9, kasabay ng pandaigdigang pagdiriwang ng World Post Day.
Layunin ng UPU contest na maging mulat ang mga kabataan sa mahahalagang papel ng koreo sa lipunan.
Nais din nitong mahasa ang kakayahan ng bagong henerasyon sa pagsusulat lalo na ng mga liham, at malinaw na maipahayag ang kanilang kalooban.
Higit sa lahat, layunin nitong patatagin ang pakikipagkaibigan sa iba’t ibang lahi na isa sa mga basic missions ng UPU.
Bukas ito sa mga estudyante na may edad 9 hanggang 15 mula sa 192 countries.
Ngayong 2022, ang naging tema ay “Write a letter to an influential person about why and how to take action on climate change.”
Naging hurado sa contest sina National Press Club president Lydia Bueno; Genaro Gojo Cruz, isang literature professor sa De La Salle University; Joreen Rocamora, Ph.D., director ng Office of Public Affairs ng University of Santo Tomas; at Romeo Parayno, Special Events Unit head ng Department of Education.