Nang dahil sa kakalaro ng online games, ipinapatayo na ngayon ng isang 17 anyos na binata ang kanyang dream house.
Kilalanin si Edward Jay Dapadap, isang Mobile Legends (ML) professional player na lumalaban sa local at international competitions.
Ang winnings ni Edward at ng kanyang grupong Blacklist International ay milyun-milyong piso ang halaga.
Ipinost ni Edward ang tungkol sa unti-unting pag-abot sa kanyang pangarap na maipatayo ng bahay ang pamilya.
“Nothing beats the happiness of seeing your dreams slowly coming true through your hard work,” Facebook post ni Edward noong May 26, 2022.
“Katas ng ML at the age of 17. Almost there,” aniya kalakip ang larawan niyang nasa site ng ipinapatayong two-story house sa Bataan.
“Isa sa pangarap kong makapagpatayo ng dream house ko para sa family. Sulit ang lahat ng pagod at sakripisyo.”
Lubos ang pasasalamat ni Edward sa kanyang pamilya.
Kung ang ibang mga magulang pinapagalitan ang mga anak dahil sa kakalaro ng online games, kabaligtaran ang sitwasyon ni Edward.
Noong 2021, ang grupo nila ay nag-champion sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH) sa seasons 7 at 8 na may total earnings na halos PHP 4 million.
Pero maliit ito kumpara sa napanalunan nila sa M3 World Championship noong December 2021, kung saan iniuwi nila ang premyong $300,000 o PHP 15 million.
Ang unang ginawa raw ni Edward ay tinawagan ang kanyang pamilya.
“Nung nag-champion kami ng M3, tinawagan ko agad ang parents ko.
“Tinanong ko kung ano yung magandang gawin pag nanalo kami doon. Sabi nga nila, bahay.
"Wish granted,” nakatinging sabi ni Edward sa panayam ng OnePH News noong June 2, 2022.
Dahil sa kanyang tagumpay, itinuturing si Edward na isa sa mga mahuhusay na ML players sa loob at labas ng bansa.
Pero may mahigpit na paalala ni Edward sa paglalaro.
“Wag magpapalipas ng gutom kasi doon ka makakakuha ng sakit.
“’Tapos ayun, mababalita nagkasakit dahil sa paglalaro, ‘tapos maba-bash yung ML, sasabihin hindi nakakabuti sa kabataan.
“Pero hindi nila alam sila rin yung gumagawa ng ikakapahamak nila.”
