Si Grace Anne “Grasya” Villamor Cadosales, 22, ay may kapansanan o person with disability (PWD).
Sa murang edad ni Grasya, napagtanto niyang hindi siya “normal.”
Tandang-tanda niya, ayaw siyang tanggapin noon sa school sa elementary. Sa school for PWDs daw siya dapat mag-enroll.
Fast forward, nagtapos ng cum laude si Grasya ng kursong Information Technology o I.T. sa Perpetual Help College of Pangasinan.
Apat na taon din siyang scholar sa kolehiyo.
Ito ang kanyang kuwento.
“HINDI AKO NORMAL.”
Sa pamamagitan ng direct messaging, na-interview ng Philippine Entertainment Portal si Grace Anne nitong June 21-22, 2022.
Aniya, mayroon siyang orthopedic disability na natamo niya nang ipanganak siya sa tulong ng isang midwife.
Ang kondisyon ay impairment sa musculoskeletal system na maaring dulot ng congenital disease o iba pang causes.
Nahirapan siyang ilabas noon dahil suhi ang bata.
“Tatlong beses po ako labas-pasok sa tiyan ni Mama,”
Lahad ni Grasya, “Kuwento po ni Mama wala daw pong doktor that time.
“Una pong hinila yung right leg ko lang po. Dahil wala po yung isa, ibinalik po nila sa loob.
“Yung second try po, left leg naman po yung nahila. Wala po yung right leg, kaya ibinalik po ulit.
“Noong pangatlong try po, dalawang paa na po yung nahila.”
Nagkaroon ng epekto ito sa pisikal na kalagayan ni Grasya.
Samantala, inilahad ni Grasya ang mga pinagdaanan niya sa pamamagitan ng isang Facebook post.
“5 yrs old ako ng marealized ko na hindi ako normal tulad ng iba,” post niya noong June 10, 2022.
Sa kanyang murang edad, tinanggap na ng dalaga ang kanyang kondisyon.
“Kung bakit ako naiiba, kung bakit hindi ako normal, bakit sa dami ng tao sa mundo ako pa ang ganito.”
Pero kahit na mahirap, kumapit siya sa paniniwalang mayroon siyang “purpose.”
Noong six years old siya, sinabi ni Grace Anne sa ina na gusto niyang mag-aral.
“Noong unang beses akong in-enroll ni mama sa school hindi ako tinanggap kasi daw hindi ako normal at maaring maging pabigat lang ako sa klase,” ani Grasya.
Sa tulong ng kanyang doctor/therapist, naipasok siya sa nasabing eskuwelahan.
Pero hindi ang exams at school projects ang nagpahirap kay Grasya.
Nasaksihan niya kung paano siya pagtawanan ng ibang bata at laitin ng ibang magulang.
“May na-encounter akong mga grupo no’n ng mga magulang na sinasabi nila, ‘bakit pa ako nag aral,’ ‘baka maging pabigat lang ako at maapektuhan ang klase.'’’

Pinaalalahanan ni Grasya ang sarili na may dahilan ang lahat.
Pagtuntong niya ng high school, naging mas maayos ang environment niya.
Nakahanap siya ng mga maunawaing guro at nagkaroon ng mga kaibigan.
Unti-unti ring naiisip ni Grasya na baka ang purpose niya ay maging inspirasyon sa iba.
Nang mag-graduate sa high school, naranasan daw muli ni Grasya na tanggihan ng isang school nang mag-enroll siya sa college.
“Pero sabi nga nila pag may nagsarang ibang pinto, may panibagong pinto ang magbubukas,” pagpapatuloy ni Grasya.
“Binigyan ako ng Perpetual Help College of Pangasinan ng pagkakataon na matupad mga pangarap ko.”
Pero dumanas daw si Grasya ng mental struggle kahit ilang taon na lang ay matutupad na ang pangarap na makapagtapos.
Aniya, "Kailangan mong pagdaanan lahat ng criticism para lang maging inspiration ng iba."
Pakiramdam daw niya ay “lost” at “worthless” siya.
“But thank God kasi binigay nya ako sa mga taong magpaparamdam sakin na I'm loved and valued.
“And then God showed me my real purpose in life.
“Ipakita na kahit ano at sino ka pa may isang Diyos na handang mahalin at tanggapin ka.”
At eto nga ang masaya niyang post (published as is): “I'm Grace Anne Cadosales. Bachelor of Science in Information Technology Cum laude.”
Kasunod nito, pinasalamatan ni Grasya ang lahat ng mga taong sumuporta at tumulong sa kanya: kapamilya, kaibigan, mga guro, school and local government officials, mga kaklase at iba pa.
Madamdaming mensahe ni Grasya sa mga magulang: “Simula bata pa ako pinakita nyo na sakin na hindi ako kulang para mahalin ng buo.”
Aniya, “I know this is not the end dahil papunta palang ako sa talagang exciting part pero alam ko na mas kaya ko ng malampasan iyon.
“Sa lahat ng nangangarap dyan don't stop dreaming. Sabi nga sa Meteor Garden ‘We have limited capabilities, but unlimited determination.’”
WHAT’S NEXT FOR GRASYA
Sa pagpapatuloy ng panayam ng PEP kay Grasya, ibinahagi niya na ang rejection nang i-enroll siya sa Grade I ang lubos na nagmarka sa kanya.
“Doon ko na-realize na hindi lahat ng tao tanggap ang katulad kong PWD.”
Sabi ni Grasya, ang pagiging cum laude niya ang handog na maibibigay sa mga magulang “kapalit sa lahat ng sakripisyo nila para sa akin.”
Dagdag niya, “Itong pagiging cum laude po is pahiram lang siya ni Lord at gamitin para ipaalam sa lahat na lahat makakaya mong abutin basta may Panginoon ka sa buhay mo.
“Sabi nga po sa Philippians 4:13, ‘I can do all things through Christ who strengthens me.’”
Usisa namin kay Grace, ano ang susunod niyang plano?
“Next goal ko po is makatulong po sa magulang, maibalik ko po kahit papaano lahat po ng sakripisyo po nila sa akin.
“And waiting po sa susunod na gustong ipagawa at plano ni Lord sa buhay ko po.”
Related articles:
"Average" Grade 12 student gets admissions, PHP17M scholarship offers from U.S. universities
Grade 12 student in Isabela earns admissions, scholarships from 7 universities abroad
