Napakalaking karangalan ang nakamit ng Filipina student na si Jonhel Ampil na magtatapos sa kursong Recreation Therapy sa Niagara College sa Ontario, Canada sa June 24, 2022.
Siya ang nangunguna sa kanilang klase, at may final grade na 98.046 percent.
Tatanggap din siya ng prestihiyosong Governor General’s Academic Medal.
Ang nasabing award ay ipinagkakaloob lang sa isang estudyante sa bawat postsecondary institution kada taon.
Ito rin ang pinakamataas na parangal na ipinagkakaloob sa isang Canadian student bilang pagkilala sa kanyang academic excellence.

Sa panayam kay Jonhel ng NiagaraCollegeCanada noong June 20, 2022, sinabi niyang sobrang saya niya sa iginawad na pagkilala at parangal sa kanya.
Bukod dito, hindi lang umano siya nakapaghatid ng karangalan sa kanyang pamilya, kundi sa Pilipinas na rin.
“It means so much to me. Being an international student and away from home, it made me feel that all my struggles and hard work have paid off.
“It gave me the confidence that I can do great things if I just put my mind and heart into it.”
NAGTRABAHO NA BILANG OCCUPATIONAL THERAPIST SA PILIPINAS
Tubong Quezon City si Jonhel. Nagtapos siya ng Bachelor of Science in Occupational Therapy sa University of Santo Tomas.
Nagtrabaho na rin siya sa ating bansa sa loob ng apat na taon bilang occupational therapist (OT).
Nagdesisyon siyang palawakin ang kanyang skills at career kaya nagplano siyang mag-aral sa Niagara College.

Apat na buwan siyang nag-attend ng online studies bago tumulak patungong Canada.
Simula noong March ay nagtrabaho siya bilang assistant activity coordinator sa Chapel Heights retirement home sa Niagara Falls.
Tumutulong siya sa mga residente roon na may dementia.
“It’s a job that I love doing because it gives me a chance to use recreation as an effective rehabilitation tool and grow my skills as a recreation therapist.”
PLANONG KUMUHA NG OCCUPATIONAL THERAPY LICENCE SA CANADA
Sa ngayon ay plano ni Jonhel na makakuha ng occupational therapy licence sa Canada.
“[I’ve been] a registered OT in the Philippines since 2015 and gained work experiences in both the hospital and pediatric settings.
“I believe that having both OT and recreation [backgrounds] would really help in my advocacy for a better quality of life for my clients.”
Pinuri naman ni Niagara College School of Community Services Associate Dean Carol Phillips ang pagiging mapagmalasakit ni Jonhel sa mga taong may dementia at iba pang vulnerable populations.
Aktibo rin umano si Jonhel sa mga group projects, kaya kinikilala ng mga kaklase ang husay at outstanding work ng Pinay.
Ani Phillips, “Jonhel is a model example of a community services professional, whose heart is deeply rooted in caring for others.
“She always brought a joyful presence when working with her peers and participants at placement as she approached all of her work with enthusiasm and a bright smile.”