Level up ang Pinay nurse na namamasukang babysitter sa Italy at rumaraket din bilang street artist doon.
In-demand na kasi si Jenika Louisse Duran, 29, sa mga events sa iba pang European countries.
Si Jenika, tubong-Tarlac, ay naging laman ng mga balita noong 2021.
Inamin ni Jenika na ang kanyang propesyon bilang isang nurse sa Pilipinas ay mahirap i-practice sa Europe, kaya namasukan siya bilang isang babysitter.
Pero gumawa siya ng ingay doon dahil sa busking o ang pagkanta sa iba’t ibang plaza.
Read: Pinay nurse working as babysitter in Italy captivates Italians with her singing
Kapag nagtatanghal siya sa mga plaza kasama ang Italian musician na si Noah Waldorf, napapahinto ang mga tao para pakinggan ang magandang tinig ni Jenika.
Sabi mismo ni Jenika, nagkaroon ng malaking pagbabago sa kanyang buhay mula nang naging laman siya ng mga balita last year.
“Marami na pong pinto ang nagbukas para maibahagi ko pa po ang aking talento sa iba.
“May mga naka-line up na po akong mga events, hindi lang sa Italy, kundi pati na rin po sa ibang bahagi ng Europe.”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Jenika via direct messaging nitong June 22-23, 2022.

Ibinahagi ni Jenika ang mga nakalinyang trabaho para sa kanya bilang singer.
"Next month po pagbalik ko dun, kinuha po ako for a concert in Naples, Italy for the celebration of Goletto Festival."
May concert naman siya sa Germany sa September 3.
Dugtong niya, "It will be a concert for a cause po para sa Ukrainian brothers natin.
"At September din po, apat na ang naka-line up na kakantahan kong mga weddings and birthdays sa iba't ibang parts ng Italy."
Sa kabila nito, hindi pa rin iniiwan ni Jenika ang pagiging babysitter.
“Sa ngayon po ay isa pa rin akong full-time babysitter sa Italy at ang busking po ay nagagawa ko lang kapag available ako sa aking day-off tuwing weekend.”
PRAISED BY THE ITALIANS
Sa pagtatanghal sa labas ni Jenika, naiaangat niya ang reputasyon ng Pilipino.
Pag-amin niya, magagandang papuri ang natatanggap niya mula sa ibang lahi.
“Hinding-hindi ko po makakalimutan ang sinabi ng ilang matatandang Italians,” pagbabahagi ng aspiring singer.
“May isang nakapagsabi na, ‘Hindi ka dapat dito kumakanta. Dapat sa isang malaking stage. Nakakahawa ang mga ngiti mo. Ramdam na ramdam ko sa puso ko ang mga kanta mo.’
“May mga iba din pong lumalapit na lumuluha talaga, at halos lahat ay nagsasabi na kinikilabutan daw sila at may ibang hatid daw ang aking boses sa kanila.”
Ang mga street performances o busking ni Jenika ay ibinabahagi niya sa kanyang YouTube channel na Jenika Louisse Duran.
JENIKA'S DREAM
Kasalukuyang nasa Pilipinas si Jenika para sa tatlong linggong bakasyon.
Dumating siya noong Independence Day, June 12, pero muling tutulak sa Italy matapos ang short vacation.
“Ang mahalaga ay makasama ko po at maka-bonding ang aking pamilya at mga minamahal dito sa Pilipinas,” aniya.
Kung anuman daw ang tatahaking landas ni Jenika ay ipagpapasa-Diyos niya.

“Kung ano man po ang mas malaking pinto na magbubukas pa, sa larangan man ng pagkanta o sa pagbalik sa larangan ng aking propesyon bilang isang nurse, kung ito po ang will ni Lord, dun po ako.”
Pangarap din ba niyang magkaroon ng singing career sa Italy?
“Hindi ko pa po masabi sa ngayon kung malapit ko na ba itong matupad.
"Pinagdadasal ko na lang po dahil ngayon ay parami na nang parami ang kumukuha sa akin para kumanta sa mga special events at concerts.”
Ipinapaabot naman ni Jenika ang kanyang pasasalamat sa lahat ng sumusuporta sa kanya.
