Nagpamalas ng husay at galing ang isang katutubong nagtatanim at nagbebenta ng mga bulaklak sa Bacolod City.
Ang estudyanteng si Nelly Ambrocio ay nagtapos bilang magna cum laude sa Catholic Ming Yuan College (CMYC) sa Murcia, Negros Occidental nitong Mayo.
Si Nelly ay nakakuha ng General Weighted Average na 92 percent at ginawaran ng Leadership Award.
Nagtapos siya ng kursong BS Agriculture sa CMYC.
Kabilang si Nelly sa katutubong grupo o indigenous people ng Bukidnon community sa Negros Occidental na ang pangunahing ikinabubuhay ay pagsasaka.
Pangunahing pinagkakakitaan ng pamilya ni Nelly ay ang pagbebenta ng mga tanim nilang chrysanthemum mula sa kanilang isang ektaryang ancestral land, ulat ng Visayan Daily Star.
Si Nelly ay katuwang ng kanyang mga magulang na magsasaka na sina Nestor at Josefina Ambrocio.
Tuwing Sabado ang kanilang pamimitas at pagbabalot ng mga bulaklak.
Magbibiyahe sila sa St. John the Baptist Parish Church at magdamag na ibebenta ang mga bulaklak bago ang first mass sa Linggo ng umaga.
Ang pamilya ni Nelly ay kumikita ng PHP1,500 to PHP2,000 na sapat lamang para tugunan ang kanilang pangunahing pangangailangan.
Malaki rin ang pasasalamat ni Nelly kay Negros Occidental Governor Eugenio Jose Lacson at sa local government para siya at sampu pang kapwa katutubo ay mabigyan ng full scholarship sa agriculture course.
Para sa katutubong komunidad ni Nelly, mahirap na para sa kanila ang makaabot sa kolehiyo dulot ng kahirapan.
Kaya achievement ang pagtatapos ni Nelly at ng mga kasabayang scholars.
Inabutan din ni Gov. Lacson si Nelly ng PHP12,000 bilang insentibo sa pagiging magna cum laude.
Read also: